Add parallel Print Page Options

45 Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Dios.’[a] Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama. Ako lang na nagmula sa Dios Ama ang nakakita sa kanya.

47 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan, 48 dahil ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. 49 Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat. 50 Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito. 51 Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”

52 Nagtalo-talo ang mga Judiong nakikinig kay Jesus. Sinabi nila, “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang katawan para kainin?” 53 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang kainin ninyo ang katawan ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 54 Pero ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Ang Dios Amang nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ako ang tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito nang nangangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Capernaum.

Ang mga Salitang Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan

60 Nang marinig iyon ng mga tagasunod ni Jesus, marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat ang itinuturo niya. Sino ang makakatanggap nito?” 61 Kahit na walang nagsabi sa kanya, alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang mga tagasunod niya dahil sa mga itinuro niya. Kaya sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo matanggap ang mga sinabi ko? 62 Paano pa kaya kung makita ninyo ako na Anak ng Tao na pumapaitaas pabalik sa aking pinanggalingan? 63 Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakakapagbigay-buhay. 64 Pero may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sinabi ito ni Jesus dahil alam niya sa simula pa kung sino ang mga hindi sumasampalataya, at kung sino ang magtatraydor sa kanya. 65 “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyong walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ng Ama.” Dagdag pa ni Jesus.

66 Mula noon, marami sa mga tagasunod niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Kaya tinanong ni Jesus ang 12 apostol, “Kayo ba, gusto rin ninyong umalis?” 68 Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Kayo lang ang may mensaheng nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Sumasampalataya kami sa inyo at alam naming kayo ang Banal na sugo ng Dios.” 70 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi baʼt pinili ko kayong 12? Pero ang isa sa inyo ay diyablo!” 71 Ang tinutukoy ni Jesus ay si Judas na anak ni Simon Iscariote,[b] dahil kahit kabilang si Judas sa 12 apostol, tatraydurin niya si Jesus sa bandang huli.

Read full chapter

Footnotes

  1. 6:45 Isa. 54:13.
  2. 6:71 Simon Iscariote: o, Simon na taga-Keriot.