Juan 4
Ang Salita ng Diyos
Nakipag-usap si Jesus sa Babaeng Taga-Samaria
4 Nalaman ng Panginoon na narinig ng mga Fariseo ang ginagawa ni Jesus. Narinig nila na siya ay nagkaroon ng higit na maraming alagad kaysa kay Juan at binawtismuhan niya sila.
2 Bagamat, hindi si Jesus ang siyang nagbabawtismo, kundi ang kaniyang mga alagad. 3 Dahil dito, umalis siya sa Judea at pumunta muli sa Galilea.
4 Kinakailangang dumaan siya sa Samaria. 5 Pumunta nga siya sa Sicar na isang lungsod ng Samaria. Ito ay malapit sa lupaing ibinigay ni Jacob sa kaniyang anak na si Jose. 6 Naroroon ang bukal ni Jacob. Dahilnapagod si Jesus sa paglalakbay kaya umupo siya sa tabi ng balon. Noon ay mag-iikaanim na ang oras ng araw.
7 Dumating ang isang babaeng taga-Samaria upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bigyan mo ako ng maiinom. 8 Ang kaniyang mga alagad ay pumunta na sa lungsod upang bumili ng pagkain.
9 Sinabi sa kaniya ng babaeng taga-Samaria: Bakit ka humihingi sa akin ng maiinom? Ikaw ay isang Judio samantalang ako ay isang babaeng taga-Samaria sapagkat ang mga Judio ay hindi nakikipag-ugnayan sa mga taga-Samaria.
10 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Kung alam mo ang kaloob ng Diyos at kung sino siya na nagsasabi sa iyo: Bigyan mo ako ng maiinom, ay hihingi ka sa kaniya. At ibibigay niya sa iyo ang tubig na buhay.
11 Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, wala kang panalok at malalim ang balon. Saan magmumula ang iyong tubig na buhay? 12 Mas dakila ka ba sa aming amang si Jacob? Siya ang nagbigay sa amin ng balon. Siya ay uminom dito, gayundin ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga hayop.
13 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Ang bawat isang uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw. 14 Ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kaniya ay magiging balon ng tubig na mapapasa kaniya. Ito ay bubukal sa buhay na walang hanggan.
15 Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw ni pumunta rito upang sumalok.
16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa at pumarito kayo.
17 Sumagot ang babae at sinabi: Wala akong asawa.
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Mabuti ang sinabi mong wala kang asawa.
18 Ito ay sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang iyong sinabi.
19 Sinabi ng babae sa kaniya: Ginoo, sa pakiwari ko ikaw ay isang propeta. 20 Sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno. Sinasabi ninyo na ang pook na dapat sumamba ay sa Jerusalem.
21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, maniwala ka sa akin. Darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22 Hindi ninyo nakikilala ang sinasamba ninyo. Kilala namin ang aming sinasamba sapagkat ang kaligtasan ay sa mga Judio. 23 Darating ang oras at ngayon na nga, na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama, sa espiritu at sa katotohanan sapagkat hinahanap ng Ama ang mga gayong sumasamba sa kaniya. 24 Ang Diyos ay Espiritu. Sila na sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at sa katotohanan.
25 Sinabi ng babae sa kaniya: Alam ko na ang Mesiyas na tinatawag na Cristo ay darating. Sa kaniyang pagdating ay sasabihin niya sa amin ang lahat ng mga bagay.
26 Sinabi sa kaniya ni Jesus: Ako iyon, ako na nagsasalita sa iyo.
Ang mga Alagad ay Muling Sumama kay Jesus
27 Nang sandaling iyon ay dumating ang kaniyang mga alagad. Sila ay namangha na siya ay nakikipag-usap sa isang babae. Gayunman walang isa mang nagtanong: Ano ang iyong hinahanap o bakit ka nakikipag-usap sa kaniya?
28 Iniwan nga ng babae ang kaniyang banga at pumunta sa lungsod. Sinabi niya sa mga lalaki: 29 Halikayo, tingnan ninyo ang isang lalaki na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Hindi kaya ito na ang Mesiyas? 30 Lumabas nga sila sa lungsod at pumunta kay Jesus.
31 Samantala, ipinakikiusap sa kaniya ng mga alagad na nagsasabi: Guro, kumain ka.
32 Sinabi niya sa kanila: Mayroon akong kakaining pagkain na hindi ninyo alam.
33 Sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: May nagdala ba sa kaniya ng makakain?
34 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ang aking pagkain ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain. 35 Hindi ba sinasabi ninyo: Apat na buwan pa bago dumating ang tag-ani? Narito, sinasabi ko sa inyo: Itaas ninyo ang inyong paningin at tingnan ang mga bukid. Ito ay hinog na para anihin. 36 Ang nag-aani ay tumatanggap ng upa. Siya ay nag-iipon ng bunga patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ay upang ang naghahasik at ang nag-aani ay kapwa magkasamang magalak. 37 Sa gayong paraan, totoo ang kasabihan: Iba ang naghahasik at iba ang nag-aani. 38 Sinugo ko kayo upang mag-ani ng hindi ninyo pinagpaguran. Ibang tao ang nagpagod at kayo ang nakinabang sa kanilang pinagpaguran.
Maraming Taga-Samaria ang Sumampalataya
39 Marami sa mga taga-Samaria sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa salita ng babaeng nagpatotoo: Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.
40 Kaya nga, nang pumunta kay Jesus ang mga lalaking taga-Samaria ay hiniling nilang siya ay manatili na kasama nila. At siya ay nanatili roon ng dalawang araw. 41 Marami pa ang mga nagsisampalataya dahil sa kaniyang salita.
42 Sinabi nila sa babae: Sumasampalataya kami ngayon hindi na dahil sa sinabi mo. Kami ang nakarinig at aming nalaman na ito na nga ang Mesiyas. Alam namin na totoong siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Pinuno
43 Pagkaraan ng dalawang araw na iyon, umalis siya roon at pumunta sa Galilea.
44 Ito ay sapagkat si Jesus ang siyang nagpatotoo: Ang isang propeta ay walang karangalan sa sarili niyang bayan. 45 Kaya nang siya ay dumating sa Galilea, tinanggap siya ng mga taga-Galilea na pumunta rin sa kapistahan. Ito ay sapagkat nakita nila ang lahat ng mga bagay na ginawa niya sa Jerusalem sa panahon ng kapistahan.
46 Pumunta ngang muli si Jesus sa Cana na nasa Galilea. Ito ang pook na kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Naroroon ang isang opisyal ng hari na ang kaniyang anak na lalaki, na nasa Capernaum, ay maysakit. 47 Narinig ng opisyal ng hari na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea. Pagkarinig niya, pumunta siya kay Jesus at hiniling na siya ay lumusong at pagalingin ang kaniyang anak na lalaki sapagkat ang kaniyang anak ay mamamatay na.
48 Sinabi nga sa kaniya ni Jesus: Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kamangha-manghang gawa, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.
49 Sinabi sa kaniya ng opisyal ng hari: Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking maliit na anak.
50 Sinabi sa kaniya ni Jesus: Yumaon ka, buhay ang anak mong lalaki.
Sinampalatayanan ng lalaki ang salitang sinabi ni Jesus sa kaniya at siya ay umalis.
51 Nang siya ay lumulusong na, sinalubong siya ng kaniyang mga alipin. Kanilang iniulat na buhay ang kaniyang anak. 52 Tinanong niya sila kung anong oras bumuti ang kaniyang anak. Kanilang sinabi sa kaniya: Kahapon nang ikapitong oras ng araw nawala ang kaniyang lagnat.
53 Nalaman nga ng ama na sa ganoong oras sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang iyong anak na lalaki ay buhay. Siya ay sumampalataya pati na ang kaniyang buong sambahayan.
54 Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus sa kaniyang pagdating sa Galilea mula sa Judea.
Copyright © 1998 by Bibles International