Juan 21:17-25
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
17 Sa ikatlong ulit ay sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba talaga ako?” Nasaktan si Pedro dahil tatlong beses na siyang tinanong kung mahal niya si Jesus. Kaya sumagot siya, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin po na mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa. 18 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, noong bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibihis sa sarili mo, at pumupunta ka kung saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at iba na ang magbibihis sa iyo, at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.” 19 (Sinabi ito ni Jesus para ipahiwatig kung anong klaseng kamatayan ang daranasin ni Pedro upang maparangalan ang Panginoon.) Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”
Ang Tagasunod na Minamahal ni Jesus
20 Nang lumingon si Pedro, nakita niyang sumusunod sa kanila ang tagasunod na minamahal ni Jesus. (Siya ang tagasunod na nakasandal kay Jesus nang naghahapunan sila, at siya ang nagtanong kay Jesus kung sino ang magtatraydor sa kanya.) 21 Nang makita siya ni Pedro, nagtanong siya, “Panginoon, paano naman po siya?” 22 Sumagot si Jesus, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa akin.” 23 Dahil dito, kumalat ang balita na ang tagasunod na ito ay hindi mamamatay. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi lang niya, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo?” 24 Ako ang tagasunod na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at siya ring sumulat nito. Alam ng iba na totoo ang sinasabi ko. 25 Marami pang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung isusulat ang lahat ng ito, palagay koʼy hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat.
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®