Juan 18
Ang Biblia (1978)
18 Nang masalita ni Jesus ang mga salitang ito, (A)siya'y umalis na kasama ng kaniyang mga alagad na nagsitawid ng batis ng Cedron, na doo'y may isang halamanan, na pinasok niya at ng kaniyang mga alagad.
2 Si Judas nga rin naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nalalaman ang dako: sapagka't madalas na si (B)Jesus ay nakikipagkatipon sa kaniyang mga alagad doon.
3 Si Judas nga, (C)pagkatanggap ng pulutong ng mga kawal, at mga punong kawal na mula sa mga pangulong saserdote at mga Fariseo, ay nagsiparoon na may mga ilawan at mga sulo at mga sandata.
4 Si Jesus nga, na nakatataho ng lahat ng mga bagay na sasapit sa kaniya, ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, Sino ang inyong hinahanap?
5 Sinagot niya sila, Si Jesus na taga Nazaret. Sinabi sa kanila ni Jesus, Ako nga. At si Judas din naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nakatayong kasama nila.
6 Pagkasabi nga niya sa kanila, Ako nga, ay nagsiurong sila, at nangalugmok sa lupa.
7 Muli ngang sila'y tinanong niya, Sino ang inyong hinahanap? At sinabi nila, Si Jesus na taga Nazaret.
8 Sumagot si Jesus, Sinabi ko sa inyo na ako nga; kung ako nga ang inyong hinahanap, ay pabayaan ninyo ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad.
9 Upang matupad ang salitang sinalita niya, (D)Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ko iniwala kahit isa.
10 Si Simon Pedro nga na may tabak ay nagbunot nito, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang kanang tainga. Ang pangalan ng aliping yaon ay Malco.
11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro, Isalong mo ang iyong tabak: (E)ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?
12 Kaya dinakip si Jesus ng pulutong at ng pangulong kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Judio, at siya'y ginapos.
13 At (F)siya'y dinala muna (G)kay Anas; sapagka't siya'y biyenan ni (H)Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon.
14 Si Caifas nga (I)na siyang nagpayo sa mga Judio, na dapat na ang isang tao'y mamatay dahil sa bayan.
15 At sumunod si (J)Simon Pedro kay Jesus, at gayon din ang isa pang alagad. Ang alagad ngang yaon ay kilala ng dakilang saserdote, at pumasok na kasama ni Jesus sa looban ng dakilang saserdote;
16 Nguni't si Pedro ay (K)nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang isang alagad, na kilala ng dakilang saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tanod-pinto, at ipinasok si Pedro.
17 Sinabi nga kay Pedro ng dalagang tanod-pinto, Pati baga ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito? Sinabi niya, Ako'y hindi.
18 Nangakatayo nga doon ang mga alipin at ang mga punong kawal, na nangagpapaningas ng sigang uling; sapagka't maginaw; at sila'y nangagpapainit: at si Pedro rin naman ay kasama nila, na nakatayo at nagpapainit.
19 (L)Tinanong nga ng dakilang saserdote si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad, at sa kaniyang pagtuturo.
20 Sinagot siya ni Jesus, Ako'y hayag na nagsalita sa sanglibutan; ako'y laging nagtuturo (M)sa mga sinagoga, at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Judio; at wala akong sinalita sa lihim.
21 Bakit ako'y iyong tinatanong? tanungin mo silang nangakarinig sa akin, kung anong sinalita ko sa kanila: narito, ang mga ito ang nangakakaalam ng mga bagay na sinabi ko.
22 At nang kaniyang masabi ito, ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, (N)Ganyan ang pagsagot mo sa dakilang saserdote?
23 Sinagot siya ni Jesus, Kung ako'y nagsalita ng masama, patotohanan mo ang kasamaan; datapuwa't kung mabuti, bakit mo ako sinasampal?
24 Ipinadala nga siyang gapos ni Anas kay Caifas na dakilang saserdote.
25 Nakatayo nga si Pedro na nagpapainit. (O)Sinabi nga nila sa kaniya, Ikaw baga ay isa rin naman sa kaniyang mga alagad? Siya'y kumaila, at sinabi, Ako'y hindi.
26 Ang isa sa mga alipin ng dakilang saserdote, na kamaganak (P)niyaong tinagpas ni Pedro ang tainga, ay nagsabi, Hindi baga ikaw ay nakita kong kasama niya sa halamanan?
27 Muli ngang kumaila si Pedro: at (Q)pagdaka'y tumilaok ang manok.
28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa Pretorio: at niyao'y maaga pa; (R)at sila'y hindi nagsipasok sa Pretorio, upang huwag silang madungisan, (S)upang sila'y mangyaring makakain ng kordero ng paskua.
29 (T)Nilabas nga sila ni Pilato, at sinabi, Anong sakdal ang dala ninyo laban sa taong ito?
30 Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Kung ang taong ito'y hindi manggagawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo.
31 Sa kanila nga'y sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong kautusan. Ang mga Judio'y nangagsabi sa kaniya, Sa amin ay hindi naaayon sa kautusan na magpapatay ng sinomang tao:
32 Upang matupad (U)ang salitang sinalita ni Jesus, na ipinaalam kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay.
33 Si Pilato nga'y muling pumasok sa Pretorio, at tinawag si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?
34 Sumagot si Jesus, Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa akin?
35 Si Pilato ay sumagot, Ako baga'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa iyo'y nagdala sa akin: anong ginawa mo?
36 Sumagot si Jesus, (V)Ang kaharian ko ay hindi (W)sa sanglibutang ito: kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako'y huwag (X)maibigay sa mga Judio: nguni't ngayo'y ang aking kaharian ay hindi rito.
37 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, (Y)Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. (Z)Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa (AA)sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. (AB)Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.
38 Sinabi sa kaniya ni Pilato, Ano ang katotohanan?
At nang masabi niya ito ay (AC)lumabas siyang muli sa mga Judio, at sa kanila'y sinabi, Wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.
39 Nguni't kayo'y (AD)may ugali, na pawalan sa inyo ang isa sa paskua: ibig nga baga ninyong sa inyo'y pawalan ko ang Hari ng mga Judio?
40 Sila nga'y nagsigawang muli, na nangagsasabi, Huwag ang taong ito, kundi si Barrabas. Si Barrabas nga'y isang tulisan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978