Juan 13:21-38
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Inihayag ni Jesus na May Magtatraydor sa Kanya(A)
21 Pagkasabi nito ni Jesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, “Ang totoo, tatraydurin ako ng isa sa inyo.” 22 Nagtinginan ang mga tagasunod niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya. 23 Nakasandal kay Jesus ang tagasunod na minamahal niya. 24 Kaya sinenyasan siya ni Simon Pedro na tanungin si Jesus kung sino ang tinutukoy nito. 25 Kaya habang nakasandal siya kay Jesus, nagtanong siya, “Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?” 26 Sumagot si Jesus, “Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon.” Kaya kumuha si Jesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Gawin mo na agad ang gagawin mo.” 28 Hindi naintindihan ng mga kasalo sa hapunan kung bakit sinabi iyon ni Jesus. 29 Ang akala ng iba, inutusan lang ni Jesus si Judas na bumili ng mga kakailanganin sa pista o kayaʼy magbigay ng limos sa mga mahihirap, dahil siya ang tagapag-ingat ng pera nila. 30 Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon.
Ang Bagong Utos
31 Nang makaalis na si Judas, sinabi ni Jesus, “Ako na Anak ng Tao ay pararangalan na, at sa pamamagitan koʼy pararangalan din ang Dios. 32 At kung sa pamamagitan koʼy pararangalan ang Dios, ihahayag din ng Dios ang aking karangalan, at gagawin niya ito kaagad. 33 Mga anak, sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, pero gaya ng sinabi ko sa mga pinuno ng mga Judio, hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. 34 Kaya isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: Magmahalan kayo. Kung paano ko kayo minamahal, ganoon din dapat ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa. 35 Kung nagmamahalan kayo, malalaman ng lahat ng tao na mga tagasunod ko kayo.”
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(B)
36 Nagtanong si Simon Pedro kay Jesus, “Panginoon, saan po kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa ngayon ay hindi ka makakasama sa pupuntahan ko, pero susunod ka rin doon balang araw.” 37 Nagtanong pa si Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako maaaring sumama sa inyo ngayon? Handa naman akong mamatay para sa inyo.” 38 Sumagot si Jesus, “Talaga bang handa kang mamatay para sa akin? Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®