Juan 12:20-33
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
20 May mga Griyego ang kabilang doon sa mga nagpunta sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida ng Galilea at nakiusap sa kanya, “Ginoo, gusto sana naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi ang tungkol dito. Pagkatapos, magkasama silang pumunta at sinabi ito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Tandaan ninyo ito, malibang mahulog sa lupa at mamatay ang isang butil ng trigo, ito ay mananatiling butil; subalit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 (A)Ang nagmamahal sa kanyang buhay ay mawawalan nito at ang mga napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay mag-iingat nito tungo sa buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang naglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.
Ang Pagpapahiwatig ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon, ang kaluluwa ko'y nababagabag. At ano'ng sasabihin ko? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito’? Ngunit ang oras na ito ang dahilan kung bakit naparito ako. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.” 29 Narinig ito ng mga taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Ang iba naman ay nagsabing, “May anghel na kumausap sa kanya.” 30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, at hindi para sa akin. 31 Ngayon na ang paghuhukom ng sanlibutang ito. Ngayon, ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. 32 At ako, kapag naitaas na mula sa lupa, ilalapit ko ang mga tao sa akin.” 33 Sinabi niya ito upang ilarawan kung paano siya mamamatay.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.