Add parallel Print Page Options

14 Kaya tinapat sila ni Jesus, “Patay na si Lazarus. 15 Ngunit nagpapasalamat ako na wala ako roon, dahil ang gagawin kong himala sa kanya ay para sa kabutihan ninyo, upang lalo pa kayong sumampalataya sa akin.[a] Tayo na, puntahan natin siya.” 16 Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi sa mga kapwa niya tagasunod, “Sumama tayo sa kanya, kahit mamatay tayong kasama niya.”

Binuhay ni Jesus ang Patay

17 Nang dumating si Jesus sa Betania, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazarus. 18 May tatlong kilometro lang ang layo ng Betania sa Jerusalem, 19 kaya maraming Judio galing sa Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang marinig ni Marta na dumarating na si Jesus, sinalubong niya ito; pero si Maria ay naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung nandito kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Ngunit kahit ngayon, alam kong ibibigay sa inyo ng Dios ang anumang hilingin nʼyo sa kanya.” 23 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Muling mabubuhay ang kapatid mo.” 24 Sumagot si Marta, “Alam ko pong mabubuhay siyang muli sa huling araw, kapag bubuhayin na ang mga namatay.” 25 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako ang bumubuhay sa mga namatay, at ako rin ang nagbibigay ng buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. 26 Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?” 27 Sumagot si Marta, “Opo, Panginoon, sumasampalataya ako na kayo ang Cristo, ang Anak ng Dios, na hinihintay naming darating dito sa mundo.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 11:15 upang lalo pa kayong sumampalataya sa akin: o, upang lalo pang lumakas ang pananampalataya ninyo sa akin.