Add parallel Print Page Options

Ang Pagtawag ni Jesus kina Felipe at Natanael

43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na pumunta sa Galilea. Pagdating niya roon, nakita niya si Felipe at sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 (Si Felipe ay taga-Betsaida, tulad nina Andres at Pedro.) 45 Hinanap ni Felipe si Natanael at sinabi niya rito, “Natagpuan na namin ang taong tinutukoy ni Moises sa Kautusan, at maging sa mga isinulat ng mga propeta. Siya si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.” 46 Tinanong siya ni Natanael, “May mabuti bang nanggagaling sa Nazaret?” Sumagot si Felipe, “Halika at tingnan mo.”

47 Nang makita ni Jesus na papalapit sa kanya si Natanael, sinabi niya, “Narito ang isang tunay na Israelita na hindi nandaraya.”[a] 48 Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” 49 Sinabi ni Natanael, “Guro, kayo nga ang Anak ng Dios! Kayo ang hari ng Israel!” 50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumampalataya ka ba sa akin dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa rito ang masasaksihan mo.” 51 Sinabi pa sa kanya ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, makikita ninyo na bubukas ang langit, at makikita rin ninyo ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa akin na Anak ng Tao.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 1:47 hindi nandaraya: o, hindi nagsisinungaling.