Josue 8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagsakop sa Ai
8 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot o kayaʼy manghina. Isama mo ang lahat ng iyong sundalo at lusubin ulit ninyo ang Ai, dahil ibinigay ko na sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga mamamayan, ang kanyang bayan at ang kanyang lupain. 2 Kung ano ang ginawa ninyo sa Jerico at sa hari nito, ganoon din ang gawin ninyo sa Ai. Pero sa pagkakataong ito, maaari na ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at mga hayop para sa inyong sarili. Maghanda kayo at tambangan ninyo sila sa likod ng lungsod.”
3 Kaya umalis sila Josue at ang lahat ng sundalo niya para lusubin ang Ai. Pumili si Josue ng 30,000 sundalo na mahuhusay makipaglaban at pinaalis nang gabi. 4 Ito ang bilin ni Josue sa kanila, “Magtago kayo sa likod ng lungsod, pero huwag masyadong malayo. Humanda kayo sa paglusob kahit anong oras. 5 Ako at ang mga kasama ko ay lulusob sa harapan. Kung lalabas na sila sa pakikipaglaban sa amin, tatakas kami, gaya ng nangyari noon. 6 Iisipin nilang natatakot kami kagaya noon, kaya hahabulin nila kami hanggang sa makalayo sila sa lungsod. 7 Pagkatapos, lumabas kayo sa pinagtataguan nʼyo at sakupin ang lungsod. Ibibigay ito sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 8 Kapag nasakop nʼyo na ang lungsod, sunugin nʼyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon. Tiyakin nʼyong gagawin ito ayon sa iniutos.” 9 Pinaalis sila ni Josue, at nagtago sila sa bandang kanluran ng Ai, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. At sina Josue naman ay nagpaiwan sa kampo nang gabing iyon.
10 Kinaumagahan, maagang tinipon ni Josue ang mga tauhan niya. Pinangunahan niya at ng mga pinuno ng Israel ang mga tao sa pagpunta nila sa Ai. 11 Nakarating sila sa lugar na nakaharap sa lungsod, sa bandang hilaga nito, at doon sila nagtayo ng mga tolda. May lambak na nakapagitan sa kanila at sa Ai. 12 Nagpadala si Josue ng 5,000 sundalo para tambangan ang lungsod sa bandang kanluran nito, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. 13 Kaya pumwesto na ang mga sundalo. Ang ibang mga sundalo ay nasa bandang hilaga ng lungsod, at ang iba naman ay naroon sa bandang kanluran nito.
Nang gabing iyon pumunta sina Josue sa lambak. 14 Nang makita ng hari ng Ai sina Josue, maaga paʼy agad-agad na siyang lumabas sa lungsod kasama ang mga tauhan niya, at pumunta sa lugar na nakaharap sa Lambak ng Jordan[a] para makipaglaban sa Israel. Hindi nila alam na may lulusob sa kanila galing sa likod ng lungsod. 15 Sina Josue at ang mga tauhan niya ay nagkunwaring natalo sila, at tumakas papuntang ilang. 16 Kaya hinabol silang lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa unti-unti silang lumalayo sa lungsod. 17 Lahat ng kalalakihan sa Ai at sa Betel ay hinabol ang mga Israelita, kaya walang naiwan para ipagtanggol ang lungsod.
18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ituro mo ang sibat mo sa Ai dahil ibibigay ko ito sa inyo.” Kaya itinuro ni Josue ang sibat niya sa Ai. 19 Nang ginawa niya iyon, lumabas at nagsitakbo ang mga tauhan niyang nananambang sa bayan, lumusob sila papasok sa lungsod, at dali-daling sinunog ito. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nila ang makapal na usok sa ibabaw ng lungsod. Wala na silang matatakbuhan, dahil bigla na lang silang hinarap ng mga Israelita na hinahabol nila sa ilang. 21 Dahil nang makita ni Josue at ng mga tauhan niya na nakapasok na sa lungsod ang mga kasama nila at sinunog na nila ito, bumalik sila at nilusob ang mga taga-Ai. 22 Lumusob din ang mga Israelitang pumasok sa lungsod, kaya napagitnaan nila ang mga taga-Ai. Pinatay nilang lahat ang mga ito at walang nakatakas o kayaʼy naiwang buhay sa kanila, 23 bukod lang sa hari nila. Binihag siya at dinala kay Josue.
24 Nang mapatay na nilang lahat ang taga-Ai na humabol sa kanila sa ilang, bumalik sila sa lungsod at pinatay din ang lahat ng naiwan doon. 25 Nang araw na iyon, namatay ang lahat ng naninirahan sa Ai – 12,000 lahat, lalaki at babae. 26 Nanatiling nakatutok ang sibat ni Josue sa lugar ng Ai hanggang hindi nalilipol ang lahat ng mamamayan nito. 27 Kinuha ng mga Israelita ang mga hayop at mga ari-arian ng lungsod, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Josue. 28 Pagkatapos, ipinasunog ni Josue ang buong Ai, at hindi na ito muling maitatayo; hanggang ngayon wala nang nakatira rito. 29 Pinabitin ni Josue sa isang puno ang hari at pinabayaan doon maghapon. Paglubog ng araw, ipinakuha niya ang bangkay at ipinatapon sa labas ng pintuan ng lungsod. Pinatambakan nila ito ng malaking bunton ng mga bato, at hanggang ngayon ay makikita pa roon ang mga batong ito.
Binasa ang Kasunduan sa Bundok ng Ebal
30 Pagkatapos, nagpagawa si Josue ng altar sa Bundok ng Ebal para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 31 Ipinagawa niya ito ayon sa utos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga Israelita. Nakasulat ito sa Aklat ng Kautusan ni Moises at ito ang sinasabi: “Gumawa ka ng altar na bato na hindi natabasan ng gamit na bakal.” Sa ibabaw ng altar, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 32 Sa harap ng mga Israelita, kinopya ni Josue sa mga bato[b] ang kautusang isinulat ni Moises. 33 Ang lahat ng mga Israelita, kasama ang kanilang mga tagapamahala, mga opisyal at mga hukom nila, pati ang mga dayuhang kasama nila ay tumayo sa dalawang grupo na magkaharap. Ang isang grupo ay nakatalikod sa Bundok ng Gerizim at ang isaʼy nakatalikod sa Bundok ng Ebal. Sa gitna nila ay nakatayo ang mga paring Levita na nagbubuhat ng Kahon ng Kasunduan. Nag-utos sa kanila noon si Moises na lingkod ng Panginoon na gawin ito sa panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas.
34 Binasa ni Josue ang Aklat ng Kasunduan, pati ang pagpapala at sumpa na nakasulat dito. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga utos ni Moises sa harap ng buong mamamayan ng Israelita, kasama na ang mga babae, anak at mga dayuhang naninirahan kasama nila.
Josue 8
Ang Dating Biblia (1905)
8 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Huwag kang matakot, ni manglumo: ipagsama mo ang buong bayang pangdigma, at bumangon ka, na sumampa ka sa Hai: tingnan mo, aking ibinigay sa iyong kamay ang hari sa Hai, at ang kaniyang bayan, at ang kaniyang siyudad, at ang kaniyang lupain;
2 At iyong gagawin sa Hai at sa kaniyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa kaniyang hari: ang samsam lamang doon, at ang mga hayop niyaon, ang iyong kukunin na pinakasamsam ninyo: lagyan mo ng mga bakay ang bayan sa likuran.
3 Sa gayo'y bumangon si Josue, at ang buong bayang pangdigma, upang sumampa sa Hai: at pumili si Josue ng tatlong pung libong lalake, na mga makapangyarihang lalaking matapang, at sinugo ng kinagabihan.
4 At iniutos niya sa kanila, na sinasabi, Narito, kayo'y babakay laban sa bayan, sa likuran ng bayan: huwag kayong lumayong totoo sa bayan kundi humanda kayo;
5 At ako, at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa bayan. At mangyayari, na pagka sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una, ay tatakas kami sa harap nila;
6 At sila'y lalabas na susunod sa amin, hanggang sa aming mailayo sila sa bayan, sapagka't kanilang sasabihin, Sila'y tumatakas sa harap natin, na gaya ng una; gayon kami tatakas sa harap nila:
7 At kayo'y babangon sa pagbakay, at inyong aariin ang bayan: sapagka't ibibigay ng Panginoon ninyong Dios sa inyong kamay.
8 At mangyayari, na pagka inyong nasakop ang bayan, ay inyong sisilaban ng apoy ang bayan; ayon sa salita ng Panginoon ay inyong gagawin: narito, aking iniutos sa inyo.
9 At pinapagpaalam sila ni Josue: at sila'y yumaon sa pagbakay, at lumagay sa pagitan ng Beth-el at ng Hai, sa dakong kalunuran ng Hai: nguni't si Josue ay tumigil ng gabing yaon sa gitna ng bayan.
10 At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binilang ang bayan, at sumampa siya at ang mga matanda ng Israel, sa unahan ng bayan, sa Hai.
11 At ang buong bayan, sa makatuwid baga'y ang mga taong pangdigma na kinasama niya, ay sumampa, at lumapit, at naparoon sa harap ng bayan, at humantong sa dakong hilagaan ng Hai: mayroon ngang isang libis sa pagitan niya at ng Hai.
12 At siya'y kumuha ng may limang libong lalake at inilagay niya silang bakay sa pagitan ng Beth-el at ng Hai sa dakong kalunuran ng bayan.
13 Gayon inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilagaan ng bayan, at ang kanilang mga bakay na nasa kalunuran ng bayan; at si Josue ay naparoon ng gabing yaon sa gitna ng libis.
14 At nangyari, nang makita ng hari sa Hai, na sila'y nagmadali at bumangong maaga, at ang mga lalake sa bayan ay lumabas laban sa Israel upang makipagbaka, siya at ang kaniyang buong bayan, sa kapanahunang takda, sa harap ng Araba, nguni't hindi niya talastas na may bakay laban sa kaniya sa likuran ng bayan.
15 At ginawa ni Josue at ng buong Israel na parang sila'y nadaig sa harap nila, at tumakas sa daan na ilang.
16 At ang lahat ng mga tao na nasa bayan ay pinisan upang humabol sa kanila: at kanilang hinabol si Josue, at nangalayo sa bayan.
17 At walang lalake na naiwan sa Hai o sa Beth-el, na hindi humabol sa Israel: at kanilang iniwang bukas ang bayan, at hinabol ang Israel.
18 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Iunat mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Hai; sapagka't aking ibibigay sa iyong kamay. At iniunat ni Josue ang sibat na nasa kaniyang kamay sa dakong bayan.
19 At ang bakay ay bumangong bigla sa kanilang dako, at sila'y tumakbo pagkaunat niya ng kaniyang kamay, at pumasok sa bayan at sinakop at sila'y nagmadali at sinilaban ang bayan.
20 At nang lumingon ang mga lalake sa Hai sa likuran nila, ay kanilang nakita, at, narito, ang usok ng bayan ay napaiilanglang sa langit, at wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang yaon: at ang bayan na tumakas sa ilang ay pumihit sa mga manghahabol.
21 At nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng bakay ang bayan at ang usok ng bayan ay napaiilanglang, ay nagsibalik nga uli sila at pinatay ang mga lalake sa Hai.
22 At ang iba'y lumabas sa bayan laban sa kanila, na anopa't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong yaon: at sinaktan nila sila, na anopa't wala silang iniwan sa kanila na nalabi o nakatanan.
23 At ang hari sa Hai ay hinuli nilang buhay, at dinala nila siya kay Josue.
24 At nangyari, nang matapos ng Israel na mapatay sa parang ang lahat ng mga taga Hai, sa ilang na kanilang pinaghabulan sa kanila, at mangabuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, hanggang sa nalipol nila sila, ay bumalik ang buong Israel sa Hai, at sinugatan ng talim ng tabak.
25 At ang lahat na nabuwal ng araw na yaon, lalake at gayon din ang babae ay labing dalawang libo, lahat ng mga tao sa Hai.
26 Sapagka't hindi iniurong ni Josue ang kaniyang kamay na kaniyang ipinag-unat ng sibat hanggang sa kaniyang nalipol na lubos ang lahat ng mga taga Hai.
27 Ang hayop lamang at ang samsam sa bayan na yaon ang kinuha ng Israel na pinakasamsam, ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang iniutos kay Josue.
28 Gayon sinunog ni Josue ang Hai, at pinapaging isang bunton magpakailan man na isang kagibaan, hanggang sa araw na ito.
29 At ibinitin niya ang hari sa Hai sa isang punong kahoy hanggang sa kinahapunan: at sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue, at ibinaba nila ang kaniyang bangkay sa punong kahoy at inihagis sa pasukan ng pintuan ng bayan, at binuntunan ng malaking bunton ng mga bato, hanggang sa araw na ito.
30 Nang magkagayo'y ipinagtayo ni Josue ng isang dambana ang Panginoon, ang Dios ng Israel, sa bundok ng Ebal,
31 Gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambana na hindi hinitsurahang mga bato, na hindi pinagbuhatan ng sinomang tao ng bakal: at kanilang pinaghandugan sa Panginoon ng mga handog na susunugin, at pinaghainan ng mga handog tungkol sa kapayapaan.
32 At siya'y sumulat doon sa mga bato ng isang salin ng kautusan ni Moises na kaniyang sinulat, sa harap ng mga anak ni Israel.
33 At ang buong Israel, at ang kanilang mga matanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa dakong ito ng kaban at sa dakong yaon sa harap ng mga saserdote na mga Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ang mga taga ibang lupa na gaya rin ng mga taga-roon; kalahati nila ay sa harap ng bundok ng Gerizim at kalahati nila ay sa harap ng bundok ng Ebal; gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, na kanilang basbasan muna ang bayan ng Israel.
34 At pagkatapos ay kaniyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan.
35 Walang salita sa lahat na iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harap ng buong kapulungan ng Israel at ng mga babae, at ng mga bata, at ng mga taga ibang lupa na nakikipamayan sa kanila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
