Josue 3
Magandang Balita Biblia
Tumawid ng Ilog Jordan ang mga Israelita
3 Maagang-maaga pa'y gumising na si Josue at ang buong Israel. Umalis sila sa Sitim patungong Ilog Jordan, at nagkampo sila sa pampang nito bago tumawid.
Paghahanda sa Pagtawid
2 Pagkalipas ng tatlong araw, naglibot sa kampo ang mga pinuno 3 at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita ninyong dala ng mga paring Levita ang Kaban ng Tipan ng Diyos ninyong si Yahweh, lumakad na kayo at sumunod doon. 4 Sa kanila ninyo malalaman kung saan kayo daraan, sapagkat hindi pa kayo nakakarating dito kahit minsan. Ngunit huwag kayong masyadong lalapit sa Kaban ng Tipan; paunahin ninyo ito nang mga 900 metro.”
5 Sinabi naman ni Josue sa mga tao, “Linisin ninyo ang inyong mga sarili sapagkat bukas ay masasaksihan ninyo ang mga himalang gagawin ni Yahweh.” 6 Pagkatapos ay inutusan niya ang mga paring Levita, “Buhatin na ninyo ang Kaban ng Tipan at mauna kayo sa mga taong-bayan.” At iyon nga ang ginawa nila.
7 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Sa araw na ito'y gagawin kitang dakila sa paningin ng buong Israel. Sa gagawin ko'y mababatid nilang pinapatnubayan kita, tulad ng ginawa ko kay Moises. 8 Sabihin mo sa mga paring Levita na magdadala ng Kaban ng Tipan na magtuloy na sila sa Ilog Jordan, ngunit pagdating nila sa tubig sa pampang nito ay huminto muna sila.”
9-10 At tinawag ni Josue ang mga tao at sinabi sa kanila, “Halikayo at pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na inyong Diyos. Dito ninyo malalaman na kasama ninyo ang Diyos na buháy. Pagdating ninyo roon, lilipulin niya ang mga Cananeo, ang mga Heteo, ang mga Hivita, ang mga Perezeo, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, at ang mga Jebuseo. 11 Ang Kaban ng Tipan ng Panginoon ng buong mundo ay mauunang itatawid ng Ilog Jordan. 12 Pumili kayo ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi ng Israel. 13 Kapag tumuntong na sa tubig ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo, titigil ng pag-agos ang Ilog Jordan. Ang tubig ay matitipon sa isang lugar.”
Ang Pagtawid
14 Sa pangunguna ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, umalis ng kampo ang bayang Israel upang tumawid sa ilog. 15 Malaki ang tubig ng Jordan sa panahon ng tag-ani. Nang sumapit sa Ilog Jordan ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, 16 tumigil ang pag-agos ng tubig, at ang tubig ay natipon sa tapat ng bayan ng Adam, lunsod na nasa tabi ng Zaretan. Samantala, ang agos na pababa sa Dagat na Patay, sa Araba, ay nagpatuloy hanggang sa natuyo ang ilog at nakatawid ang mga Israelita. Malapit sa Jerico ang kanilang tinawiran. 17 Nanatili sa gitna ng natuyong ilog ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, hanggang sa makatawid sa kabilang pampang ang buong sambayanang Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.