Josue 3
Ang Biblia, 2001
Tumawid ang Israel sa Jordan
3 Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue at kasama ang lahat ng mga anak ni Israel ay umalis sa Shittim at dumating sa Jordan. Sila'y nagkampo muna doon bago tumawid.
2 Pagkatapos ng tatlong araw, ang mga pinuno ay dumaan sa gitna ng kampo;
3 at iniutos nila sa taong-bayan, na sinasabi, “Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos na dala ng mga paring Levita, ay aalis kayo sa inyong kinaroroonan. Susundan ninyo iyon
4 upang malaman ninyo ang daan na nararapat ninyong paroonan; sapagkat hindi pa ninyo nadadaanan ang daang ito noong una. Gayunma'y magkakaroon ng agwat sa pagitan ninyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat. Huwag kayong lalapit nang higit na malapit roon.”
5 At sinabi ni Josue sa bayan, “Magpakabanal kayo; sapagkat bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.”
6 At nagsalita si Josue sa mga pari, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at mauna kayo sa bayan.” At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nauna sa bayan.
7 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo.
8 Iyong uutusan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan ay tumigil kayo sa Jordan.’”
9 Sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Lumapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Diyos.”
10 At sinabi ni Josue, “Sa ganito ay inyong makikilala na ang buháy na Diyos ay kasama ninyo, at walang pagsalang kanyang itataboy sa harapan ninyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo, at ang Jebuseo.
11 Narito ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo sa Jordan.
12 Ngayon ay kumuha kayo ng labindalawang lalaki sa mga lipi ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
13 Kapag ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ang Panginoon ng buong lupa, ay tumuntong sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto sa pag-agos, maging ang tubig na bumababang mula sa itaas; at ang mga ito ay tatayo na isang bunton.”
14 At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda upang tumawid sa Jordan, nasa unahan ng bayan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan.
15 Nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagkat inaapawan ng Jordan ang lahat nitong pampang sa buong panahon ng pag-aani,)
16 ang tubig na bumababa mula sa itaas ay tumigil, at naging isang bunton na malayo sa Adam, ang bayang nasa tabi ng Zaretan, samantalang ang umaagos tungo sa dagat ng Araba, na Dagat ng Asin ay ganap na nahawi. At ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico.
17 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ay panatag na tumayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan, samantalang ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa hanggang sa nakatawid sa Jordan ang buong bansa.
Josue 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 At bumangong maaga si Josue sa kinaumagahan; at sila'y umalis sa Sittim at napasa Jordan, siya at ang lahat na mga anak ni Israel; at sila'y tumigil doon bago sila tumawid.
2 At nangyari pagkatapos ng tatlong araw, na ang mga pinuno ay napasa gitna ng kampamento;
3 At sila'y nagutos sa bayan, na sinasabi, Pagka inyong nakita ang kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Dios, at dinadala ng mga saserdote na Levita, ay kikilos nga kayo sa inyong dako at susunod doon.
4 Gayon ma'y magkakapagitan sa inyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat: huwag ninyong lapitan, upang alamin ang daan na inyong marapat paroonan; sapagka't hindi pa ninyo nararaanan ang daang ito ng una.
5 At sinabi ni Josue sa bayan, Magpakabanal kayo; sapagka't bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.
6 At nagsalita si Josue sa mga saserdote, na sinasabi, Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at magpauna kayo sa bayan. At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nagpauna sa bayan.
7 At sinabi ng Panginoon kay Josue, Sa araw na ito ay pasisimulan kong padakilain ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala, na kung paanong ako'y suma kay Moises ay gayon ako sasaiyo.
8 At iyong uutusan ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan, na iyong sasabihin, Pagka kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan, ay tumigil kayo sa Jordan.
9 At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, Magsilapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Dios.
10 At sinabi ni Josue, Sa ganito ay inyong makikilala na ang buhay na Dios ay nasa gitna ninyo, at walang pagsalang kaniyang itataboy sa harap ninyo ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Heveo, at ang Pherezeo, at ang Gergeseo, at ang Amorrheo, at ang Jebuseo.
11 Narito, ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay nagpapauna sa inyo sa Jordan.
12 Ngayon nga ay kumuha kayo ng labing dalawang lalake sa mga lipi ni Israel, na isang lalake sa bawa't lipi.
13 At mangyayari, na pagka ang mga talampakan ng mga paa ng mga saserdote na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ng Panginoon ng buong lupa, ay titigil sa tubig ng Jordan, na ang tubig ng Jordan ay mahahawi, sa makatuwid baga'y ang tubig na bumababang mula sa itaas; at magiisang bunton.
14 At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda, upang tumawid sa Jordan, ay nasa unahan ng bayan ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan;
15 At nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga saserdote na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagka't inaapawan ng Jordan ang lahat niyang pangpang sa buong panahon ng pagaani,)
16 Na ang tubig na bumababang mula sa itaas ay tumigil, at nagisang bunton na malayo sa kanila, sa Adam, na bayang nasa tabi ng Sarethan: at yaong nagsisibaba sa dagat ng Araba, na Dagat na Alat ay lubos na nahawi: at ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico.
17 At ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ay tumayong panatag sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan; at ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa, hanggang sa nakatawid na lubos sa Jordan ang buong bansa.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
