Josue 23
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Habilin ni Josue sa mga Israelita
23 Sa mahabang panahon, binigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa mga kalaban nila sa paligid. Matanda na si Josue, 2 kaya ipinatawag niya ang lahat ng mamamayan ng Israel, kasama ang mga tagapamahala, mga pinuno, mga hukom at mga opisyal ng Israel. Sinabi niya sa kanila, “Matanda na ako. 3 Nakita nʼyo mismo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa mga bansang ito alang-alang sa inyo. Ang Panginoon na inyong Dios ang nakipaglaban para sa inyo. 4 Pinaghati-hati ko na sa inyo bilang mana ng mga lahi nʼyo ang lahat ng lupain ng mga bansang nasakop natin, mula sa Ilog ng Jordan sa silangan hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, pati na rin ang mga lupain ng mga bansang hindi pa natin nasasakop. 5 Magiging inyo ang mga lupain nila, ayon sa ipinangako sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Itataboy sila ng Panginoon na inyong Dios mismo. Tatakas sila habang nilulusob ninyo.
6 “Magpakatatag kayo at tuparin nʼyong mabuti ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag nʼyo itong itakwil. 7 Huwag kayong makikiisa sa mga bayan na natitira pa sa karatig ninyo, at huwag ninyong babanggitin ang mga pangalan ng mga dios nila o kayaʼy sumumpa sa pangalan ng mga ito. Huwag kayong sasamba o kayaʼy maglilingkod sa kanila, 8 kundi, maging tapat kayo sa Panginoon na inyong Dios, gaya ng ginagawa nʼyo hanggang ngayon.
9 “Itinaboy ng Panginoon ang malalaki at mga makapangyarihang bansa nang lusubin nʼyo sila at hanggang ngayon wala pang kahit isa na nakatalo sa inyo. 10 Kahit sino sa inyo ay makakapagtaboy ng 1,000 tao dahil ang Panginoon na inyong Dios ang nakikipaglaban para sa inyo, ayon sa ipinangako niya. 11 Kaya ingatan ninyong lubos sa inyong puso na ibigin ang Panginoon na inyong Dios.
12 “Pero kung tatalikod kayo sa kanya at makikipag-isa sa mga karatig bansang natira, at makikipag-asawa sa kanila at makikisalamuha, 13 tiyak na hindi na itataboy ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansang ito. Sa halip, magiging mapanganib sila para sa inyo gaya ng bitag, at magiging pahirap sila sa inyo gaya ng malupit na latigo kapag hinagupit kayo sa likod o kayaʼy tinik kapag tinusok ang mata ninyo. Mangyayari ito hanggang sa mamatay kayong lahat sa magandang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.
14 “Malapit na akong mamatay. Nalalaman nʼyo ng buong puso ninyoʼt kaluluwa na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala, kahit isa na hindi niya tinupad. 15 Pero ngayon na tinupad ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng mabubuting bagay na ipinangako niya sa inyo, tutuparin din niya ang parusa na babala niya sa inyo hanggang sa malipol niya kayo rito sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo. 16 Oo, mangyayari ito sa inyo kung lalabag kayo sa kasunduan ng Panginoon na inyong Dios at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios. Talagang ipaparanas niya sa inyo ang kanyang galit at malilipol agad kayo sa magandang lupain na ibinigay niya sa inyo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®