Josue 22
Magandang Balita Biblia
Ang Altar sa Tabi ng Jordan
22 Pagkatapos, tinipon ni Josue ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 2 Sinabi(A) niya, “Tinupad ninyo ang lahat ng tagubilin sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh, at sinunod ninyo ang bawat utos ko. 3 Hanggang sa panahong ito'y hindi ninyo pinabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita. Tinupad ninyong mabuti ang lahat ng ipinag-utos ni Yahweh na inyong Diyos. 4 At ngayon, naibigay na ni Yahweh na inyong Diyos sa inyong mga kapatid ang kapayapaang ipinangako niya. Kaya umuwi na kayo sa inyong mga tahanan sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh. 5 Huwag lamang ninyong kakalimutang sundin ang mga tagubilin at kautusang ibinigay ni Moises sa inyo, “Ibigin ninyo si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang kalooban at tuparin ang kanyang mga utos. Maging tapat kayo sa kanya at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't kaluluwa.” 6 Binasbasan sila ni Josue, at umuwi na sila.
7 Ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan; ang kalahati ay binigyan ni Josue ng lupa sa kanluran ng Jordan, katabi ng iba pang lipi ng Israel. Nang sila'y pauwi na, binasbasan sila ni Josue 8 at sinabi sa kanila, “Mayayaman kayong babalik sa inyo—maraming baka, ginto, pilak, tanso, bakal at mga damit. Bahaginan ninyo ng mga nasamsam ninyo sa mga kaaway ang inyong mga kapatid.” 9 Umuwi na nga ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. Iniwan nila sa Canaan ang ibang mga Israelita at bumalik sila sa Gilead, sa lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
10 Pagdating nila ng Jordan na nasa panig ng Canaan, nagtayo sila ng isang mataas at malaking altar sa tabi ng ilog. 11 Nalaman ito ng ibang mga Israelita at ganito ang kumalat na usap-usapan, “Alam ninyo, nagtayo ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at ng kalahati ng lipi ni Manases ng isang altar sa hangganan ng Canaan bago tumawid ng Jordan.” 12 Pagkarinig nito'y nagtipun-tipon sila sa Shilo at humandang digmain ang nasabing mga lipi.
13 Sinugo ng bayang Israel si Finehas na anak ng paring si Eleazar, upang kausapin ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. 14 May kasama siyang sampung pinuno ng mga angkang buhat sa bawat lipi ni Israel. Bawat isa sa kanila ay pinuno ng mga angkan sa kani-kanilang mga lipi. 15 Pagdating sa Gilead, sinabi nila sa mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases, 16 “Ito(B) ang ipinapasabi sa inyo ng buong sambayanan ni Yahweh: ‘Bakit ninyo ginawa ang ganitong pagtataksil sa Diyos ng Israel? Naghihimagsik kayo laban kay Yahweh sa pagtatayo ninyo ng sariling altar. Siya'y tinalikuran ninyo. 17 Nalimutan(C) na ba ninyo ang kasalanan natin sa Peor? Hanggang ngayon nga'y nagtitiis pa tayo sa parusang salot na iginawad ni Yahweh sa atin! Hindi pa ba sapat iyon, 18 at ngayo'y nangahas pa kayong talikuran siya? Kapag naghimagsik kayo kay Yahweh ngayon, bukas din ay magagalit siya sa buong Israel. 19 Kaya, kung ang inyong lupain ay hindi angkop sa pagsamba sa kanya, tumawid kayo sa gawi namin, sa kinaroroonan ng kanyang tabernakulo. Doon na kayo manirahan, huwag lamang kayong magtayo ng ibang altar maliban sa altar ni Yahweh na ating Diyos, sapagkat iyan ay paghihimagsik laban sa kanya at sa amin. 20 Nakalimutan(D) na ba ninyo si Acan na anak ni Zera? Nang sumuway siya sa utos tungkol sa mga bagay na dapat sunugin, kasama niyang naparusahan ang buong Israel! Hindi lamang siya ang namatay dahil sa kanyang kasalanan.”
21 Sumagot ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases sa mga pinuno ng mga angkan ng Israel, 22 “Si Yahweh ay Diyos ng mga diyos! Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat. Siya lamang ang Diyos! Alam niya kung bakit ginawa namin ito, at dapat din ninyong malaman! Kung kami'y sumuway at kung kami'y nagtaksil kay Yahweh, huwag na niya kaming hayaang mabuhay sa araw na ito. 23 Kung nagtayo kami ng sariling altar upang suwayin si Yahweh, kung nag-alay kami ng handog na susunugin, o handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, parusahan nawa kami ni Yahweh!
24 “Ginawa namin ito sa takot na baka dumating ang araw na sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Ano ang kinalaman ninyo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel? 25 Siya na rin ang nagtakda na ang Ilog Jordan ay maging hangganang maghihiwalay sa atin. Kayong mga lipi ni Ruben at ni Gad ay walang bahagi kay Yahweh na Diyos ng Israel.’ Kapag nangyari iyon, ang aming mga anak ay maaaring hadlangan ng inyong mga anak sa pagsamba kay Yahweh. 26 Ang totoo, itinayo namin ang altar na ito, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog. 27 Itinayo namin ito upang maging bantayog para sa amin, para sa inyo, at para sa ating mga salinlahi—upang maging katibayan na talagang sinasamba natin si Yahweh sa pamamagitan ng mga handog na susunugin, mga alay at handog na pinagsasaluhan. Sa ganoon, hindi masasabi ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Wala kayong pakialam kay Yahweh.’ 28 At kung sakaling mangyari ito, masasabi ng aming mga anak, ‘Tingnan ninyo! Nagtayo ang aming mga ninuno ng isang altar na katulad ng altar ni Yahweh, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog, kundi upang maging saksi para sa amin at para sa inyo.’ 29 Kailanma'y hindi namin inisip sumuway kay Yahweh o tumalikod sa kanya. Hindi kami nagtayo ng iba pang altar na pagsusunugan ng handog, o pag-aalayan ng handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, bukod sa altar ni Yahweh—sa altar na nasa harap ng kanyang tabernakulo.”
30 Narinig ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ng Israel na kasama niya, ang sinabi ng mga lipi nina Ruben, Gad at Manases, at nasiyahan sila. 31 Kaya, sinabi sa kanila ni Finehas, ang anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin si Yahweh sa araw na ito. Hindi kayo nagtaksil kay Yahweh, kaya iniligtas ninyo ang Israel sa parusa ni Yahweh.”
32 Iniwan ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ang mga lipi ni Ruben at ni Gad sa lupain ng Gilead. Nagbalik na sila sa Canaan at iniulat sa Israel ang buong pangyayari. 33 Natuwa ang mga Israelita at nagpuri sa Diyos. Hindi na nila muling nabanggit ang balak nilang paglusob at pagwasak sa lupain nina Gad at Ruben.
34 Ang altar na iyon ay tinawag na “Saksi” sapagkat sabi ng mga lipi nina Gad at Ruben, “Saksi ito para sa ating lahat na si Yahweh ay siyang Diyos.”
Josue 22
Ang Biblia (1978)
Ang taga kabilang ibayo ng Jordan ay bumalik.
22 Tinawag nga ni Josue ang mga Rubenita, at ang mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases,
2 At sinabi sa kanila, (A)Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, at inyong dininig ang aking tinig sa lahat na aking iniutos sa inyo;
3 Hindi ninyo iniwan ang inyong mga kapatid na malaong panahon hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang bilin na utos ng Panginoon ninyong Dios.
4 At ngayo'y binigyan ng kapahingahan ng (B)Panginoon ninyong Dios ang inyong mga kapatid, gaya ng sinalita niya sa kanila: kaya't ngayo'y pumihit kayo at yumaon kayo sa inyong mga tolda sa lupain na inyong ari, na ibinigay sa inyo ni (C)Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan.
5 (D)Ingatan lamang ninyong mainam na gawin ang utos at ang kautusan na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, (E)na ibigin ang Panginoon ninyong Dios, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kaniyang mga utos, at lumakip sa kaniya, at maglingkod sa kaniya ng buo ninyong puso at ng buo ninyong kaluluwa.
6 Gayon sila (F)binasbasan ni Josue at pinagpaalam sila: at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda.
7 Ibinigay nga ni Moises sa kalahating lipi ni Manases ang mana sa Basan: (G)nguni't ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue sa gitna ng kanilang mga kapatid sa dako rito ng Jordan na dakong kalunuran. Bukod dito'y nang papagpaalamin sila ni Josue na pauwiin sa kanilang mga tolda, ay binasbasan sila,
8 At sinalita sa kanila, na sinasabi, Kayo'y bumalik na may maraming kayamanan sa inyong mga tolda, at may maraming hayop, may pilak, at may ginto, at may tanso, at may bakal, at may maraming kasuutan: magbahagi kayo sa inyong mga kapatid ng samsam sa inyong mga kaaway.
9 At ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagsibalik na humiwalay sa mga anak ni Israel mula sa (H)Silo, na nasa lupain ng Canaan, (I)upang pumaroon sa lupain ng Galaad, sa lupain ng kanilang ari na kanilang inari, ayon sa utos ng Panginoon, sa pamamagitan ni Moises.
Nagtayo ng dambana na naging labag.
10 At nang sila'y dumating sa may lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng dambana sa tabi ng Jordan, isang malaking dambana na matatanaw.
11 At (J)narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, Narito, ang mga anak ni Ruben, ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan sa may lupain ng Jordan, sa dako na nauukol sa mga anak ni Israel.
12 At nang marinig ng mga anak ni Israel, ay nagpipisan sa Silo (K)ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, upang sumampa laban sa kanila na makipagdigma.
13 At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Galaad, si (L)Phinees na anak ni Eleazar na saserdote;
14 At kasama niya ay sangpung prinsipe, na isang prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang sa bawa't isa sa mga lipi ng Israel; at (M)bawa't isa sa kanila'y pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang sa mga libolibo sa Israel.
15 At sila'y naparoon sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Galaad, at sinalita nila sa kanila na sinasabi,
16 Ganito ang sabi ng buong kapisanan ng Panginoon, Anong pagsalangsang ito na inyong ginawa laban sa Dios ng Israel, na humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon, sa inyong pagtatayo para sa inyo ng isang dambana, (N)upang manghimagsik sa araw na ito laban sa Panginoon?
17 Napakaliit ba sa ganang atin ang kasamaan (O)ng Peor, na hindi natin nilinis hanggang sa araw na ito, bagaman dumating ang salot sa kapisanan ng Panginoon,
18 Upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? at mangyayari na sapagka't kayo'y nanghihimagsik ngayon laban sa Panginoon (P)ay magiinit siya bukas sa buong kapisanan ng Israel.
19 Gayon man, kung ang lupain na inyong ari ay maging marumi, lumipat nga kayo sa lupain na ari ng Panginoon, (Q)na kinatahanan ng tabernakulo ng Panginoon, at kumuha kayo ng ari sa gitna namin: nguni't huwag kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni manghimagsik laban sa amin, sa pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios.
20 (R)Hindi ba si Achan na anak ni Zera ay nagkasala ng pagsalangsang sa itinalagang bagay, at ang pagiinit ay nahulog sa buong kapisanan ng Israel? at ang taong yaon ay hindi namatay na magisa sa kaniyang kasamaan.
Naging maayos na muli.
21 Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pangulo ng mga libolibo sa Israel.
22 Ang Makapangyarihan, ang Dios, (S)ang Panginoon, ang Makapangyarihan, ang Dios, ang Panginoon, ay siyang nakatatalastas; at matatalastas ng Israel; kung panghihimagsik nga o kung pagsalangsang laban sa Panginoon, ((T)huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,)
23 Na kami ay nagtayo para sa amin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung paghandugan ng mga handog na susunugin o ng handog na harina, o kung paghandugan ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, (U)siyasatin nga ng Panginoon;
24 At kung hindi namin ginawang maingat ito, at inakala, na sabihin. Marahil sa panahong darating ay masasalita ng inyong mga anak, na sasabihin, Anong ipakikialam ninyo sa Panginoon, sa Dios ng Israel?
25 Sapagka't ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad: kayo'y walang bahagi sa Panginoon: sa gayo'y patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagkatakot sa Panginoon.
26 Kaya't aming sinabi, Maghanda tayo na magtayo para sa atin ng isang dambana, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain man:
27 Kundi magiging saksi (V)sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming (W)magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya ng aming mga handog na susunugin at ng aming mga hain at ng aming mga handog tungkol sa kapayapaan; upang huwag masabi ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.
28 Kaya't sinabi namin, Mangyayari na pagka kanilang sasabihing gayon sa amin o sa aming lahi sa panahong darating, ay aming sasabihin, Narito ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga magulang, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain: kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.
29 Malayo nawa sa amin na kami ay manghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pagtatayo ng isang dambana para sa handog na susunugin, para sa handog na harina, o para sa hain bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios na nasa harap ng kaniyang tabernakulo.
30 At nang marinig ni (X)Phinees na saserdote, at ng mga prinsipe ng kapisanan ng mga pangulo ng mga libolibo ng Israel na kasama niya, ang mga salita na sinalita ng mga anak ni Ruben, at ng mga anak ni Gad, at ng mga anak ni Manases, ay nakalugod na mabuti sa kanila.
31 At sinabi ni Phinees na anak ni Eleazar na saserdote sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Manases, Sa araw na ito ay talastas namin, na ang Panginoon ay nasa (Y)gitna natin, sapagka't kayo'y hindi nagkasala ng pagsalangsang na ito laban sa Panginoon: inyo ngang iniligtas ang mga anak ni Israel sa kamay ng Panginoon.
32 At si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote at ang mga prinsipe, ay nagsibalik na mula sa mga anak ni Ruben, at mula sa mga anak ni Gad, sa (Z)lupain ng Galaad, na tumungo sa lupain ng Canaan, sa mga anak ni Israel, at binigyan nilang sagot.
33 At ang bagay ay nakalugod sa mga anak ni Israel; at (AA)pinuri ng mga anak ni Israel ang Dios at hindi na nagsalita pa ng pagsampa laban sa kanila na bumaka na gibain ang lupain na kinatatahanan ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad.
34 At ang dambana ay tinawag na Ed ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: Sapagka't anila, saksi sa pagitan natin, na ang Panginoon ay Dios.
Josue 22
Ang Biblia, 2001
Pinauwi ni Josue ang Lipi mula sa Silangan
22 Pagkatapos ay tinawag ni Josue ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases,
2 at(A) sinabi sa kanila, “Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, at inyong pinakinggan ang aking tinig sa lahat ng aking iniutos sa inyo;
3 hindi ninyo pinabayaan nitong maraming araw ang inyong mga kapatid hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang tagubilin ng Panginoon ninyong Diyos.
4 At ngayo'y binigyan ng Panginoon ninyong Diyos ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, gaya ng ipinangako niya sa kanila. Kaya't ngayo'y bumalik kayo at humayo sa inyong mga tolda sa lupaing kinaroroonan ng inyong ari-arian na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan.
5 Maingat ninyong gawin ang utos at batas na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga utos, manatili at maglingkod sa kanya nang inyong buong puso at kaluluwa.”
6 Kaya't binasbasan sila ni Josue at pinahayo sila at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda.
7 Sa kalahating lipi ni Manases ay nagbigay si Moises ng pag-aari sa Basan; ngunit ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue ng pag-aari kasama ng kanilang mga kapatid sa kabila ng Jordan sa dakong kanluran. Bukod dito'y, binasbasan sila ni Josue nang kanyang pauwiin sila sa kanilang mga tolda,
8 at sinabi sa kanila, “Kayo'y bumalik sa inyong mga tolda na may maraming kayamanan, maraming hayop, pilak, ginto, tanso, bakal, at maraming kasuotan. Hatiin ninyo sa inyong mga kapatid ang nasamsam mula sa inyong mga kaaway.”
9 Kaya't ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay bumalik at humiwalay sa mga anak ni Israel sa Shilo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumunta sa lupain ng Gilead, ang kanilang lupain na kanilang naging pag-aari, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Dambana sa Tabi ng Jordan
10 Nang sila'y dumating malapit sa lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng isang napakalaking dambana sa tabi ng Jordan.
11 At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, “Tingnan ninyo, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan, sa bahaging pag-aari ng mga anak ni Israel sa lupain ng Jordan.”
12 Nang ito ay marinig ng mga anak ni Israel, ang buong kapulungan ay nagtipon sa Shilo upang makipagdigma laban sa kanila.
13 At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Gilead, si Finehas na anak ng paring si Eleazar.
14 Kasama niya ay sampung pinuno, isang pinuno sa bawat sambahayan ng mga magulang sa bawat isa sa mga lipi ng Israel; at bawat isa sa kanila'y pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang sa mga angkan ng Israel.
15 At sila'y dumating sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Gilead, at sinabi nila sa kanila,
16 “Ganito(B) ang sinabi ng buong kapulungan ng Panginoon, ‘Anong kataksilan itong inyong ginawa laban sa Diyos ng Israel sa pagtalikod sa araw na ito mula sa pagsunod sa Panginoon, sa pamamagitan ng inyong pagtatayo ng isang dambana bilang paghihimagsik laban sa Panginoon?
17 Hindi(C) pa ba sapat ang kasalanan sa Peor na kung saan ay hindi pa natin nalilinis ang ating mga sarili, kaya't dumating ang salot sa kapulungan ng Panginoon,
18 upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? At kung kayo'y maghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magagalit siya bukas sa buong kapulungan ng Israel.
19 Gayunman, kung ang inyong lupain ay marumi, dumaan kayo sa lupain ng Panginoon, na kinatatayuan ng tabernakulo ng Panginoon at kumuha kayo ng pag-aari kasama namin; huwag lamang kayong maghihimagsik laban sa Panginoon, o gawin kaming mga manghihimagsik sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Diyos.
20 Hindi(D) ba't si Acan na anak ni Zera ay nagtaksil tungkol sa itinalagang bagay, at ang poot ay bumagsak sa buong kapulungan ng Israel? Ang taong iyon ay namatay na hindi nag-iisa dahil sa kanyang kasamaan.’”
21 Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pinuno ng mga sambahayan ng Israel.
22 “Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Nalalaman niya; at hayaang malaman ng Israel! Kung paghihimagsik nga o kataksilan sa Panginoon, huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,
23 sa pagtatayo namin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung aming ginawa upang paghandugan ng mga handog na sinusunog o handog na butil o handog pangkapayapaan, ay mismong ang Panginoon ang maghihiganti.
24 Hindi, kundi ginawa namin iyon dahil sa takot na sa darating na panahon ay sasabihin ng inyong mga anak, ‘Anong pakialam ninyo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel?
25 Sapagkat ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak nina Ruben at Gad; kayo'y walang bahagi sa Panginoon.’ Kaya't patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagsamba sa Panginoon.
26 Kaya't aming sinabi, ‘Magtayo tayo ngayon ng isang dambana, hindi para sa handog na sinusunog, ni dahil sa alay man,
27 kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya sa pamamagitan ng aming mga handog na sinusunog, alay, at mga handog pangkapayapaan; baka sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, “Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.”’
28 At inakala namin, kapag ito ay sinabi sa amin o sa aming mga anak sa panahong darating, ay aming sasabihin, ‘Tingnan ninyo ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga ninuno, hindi para sa handog na sinusunog, ni sa alay, kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.’
29 Huwag nawang mangyari sa amin na kami ay maghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana para sa handog na sinusunog, handog na butil, o alay na hindi sa dambana ng Panginoon nating Diyos na nakatayo sa harap ng kanyang tabernakulo.”
30 Nang marinig ng paring si Finehas, at ng mga pinuno ng kapulungan ng mga puno ng mga angkan ng Israel na kasama niya ang mga sinabi ng mga anak nina Ruben, Gad, at Manases, sila ay nasiyahan.
31 Sinabi ni Finehas na anak ng paring si Eleazar sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa mga anak ni Manases, “Sa araw na ito ay nalalaman namin na ang Panginoon ay kasama natin, sapagkat kayo'y hindi nagkasala ng kataksilang ito laban sa Panginoon. Ngayo'y inyong iniligtas ang mga anak ni Israel mula sa kamay ng Panginoon.”
32 At si Finehas na anak ng paring si Eleazar at ang mga pinuno ay bumalik mula sa mga anak nina Ruben at Gad sa lupain ng Gilead, at nagtungo sa lupain ng Canaan, sa sambayanan ng Israel, at sila ay dinalhan nila ng balita.
33 Ang ulat ay ikinatuwa ng mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Diyos at hindi na nagsalita pa ng pakikidigma laban sa kanila, na wasakin ang lupaing tinitirhan ng mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad.
34 Ang dambana ay tinawag na Saksi ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: “Sapagkat,” wika nila, “ito ay saksi sa pagitan natin na ang Panginoon ay Diyos.”
Joshua 22
New International Version
Eastern Tribes Return Home
22 Then Joshua summoned the Reubenites, the Gadites and the half-tribe of Manasseh 2 and said to them, “You have done all that Moses the servant of the Lord commanded,(A) and you have obeyed me in everything I commanded. 3 For a long time now—to this very day—you have not deserted your fellow Israelites but have carried out the mission the Lord your God gave you. 4 Now that the Lord your God has given them rest(B) as he promised, return to your homes(C) in the land that Moses the servant of the Lord gave you on the other side of the Jordan.(D) 5 But be very careful to keep the commandment(E) and the law that Moses the servant of the Lord gave you: to love the Lord(F) your God, to walk in obedience to him, to keep his commands,(G) to hold fast to him and to serve him with all your heart and with all your soul.(H)”
6 Then Joshua blessed(I) them and sent them away, and they went to their homes. 7 (To the half-tribe of Manasseh Moses had given land in Bashan,(J) and to the other half of the tribe Joshua gave land on the west side(K) of the Jordan along with their fellow Israelites.) When Joshua sent them home, he blessed them,(L) 8 saying, “Return to your homes with your great wealth—with large herds of livestock,(M) with silver, gold, bronze and iron,(N) and a great quantity of clothing—and divide(O) the plunder(P) from your enemies with your fellow Israelites.”
9 So the Reubenites, the Gadites and the half-tribe of Manasseh left the Israelites at Shiloh(Q) in Canaan to return to Gilead,(R) their own land, which they had acquired in accordance with the command of the Lord through Moses.
10 When they came to Geliloth(S) near the Jordan in the land of Canaan, the Reubenites, the Gadites and the half-tribe of Manasseh built an imposing altar(T) there by the Jordan. 11 And when the Israelites heard that they had built the altar on the border of Canaan at Geliloth near the Jordan on the Israelite side, 12 the whole assembly of Israel gathered at Shiloh(U) to go to war against them.
13 So the Israelites sent Phinehas(V) son of Eleazar,(W) the priest, to the land of Gilead—to Reuben, Gad and the half-tribe of Manasseh. 14 With him they sent ten of the chief men, one from each of the tribes of Israel, each the head of a family division among the Israelite clans.(X)
15 When they went to Gilead—to Reuben, Gad and the half-tribe of Manasseh—they said to them: 16 “The whole assembly of the Lord says: ‘How could you break faith(Y) with the God of Israel like this? How could you turn away from the Lord and build yourselves an altar in rebellion(Z) against him now? 17 Was not the sin of Peor(AA) enough for us? Up to this very day we have not cleansed ourselves from that sin, even though a plague fell on the community of the Lord! 18 And are you now turning away from the Lord?
“‘If you rebel against the Lord today, tomorrow he will be angry with the whole community(AB) of Israel. 19 If the land you possess is defiled, come over to the Lord’s land, where the Lord’s tabernacle(AC) stands, and share the land with us. But do not rebel against the Lord or against us by building an altar(AD) for yourselves, other than the altar of the Lord our God. 20 When Achan son of Zerah was unfaithful in regard to the devoted things,[a](AE) did not wrath(AF) come on the whole community(AG) of Israel? He was not the only one who died for his sin.’”(AH)
21 Then Reuben, Gad and the half-tribe of Manasseh replied to the heads of the clans of Israel: 22 “The Mighty One, God, the Lord! The Mighty One, God,(AI) the Lord!(AJ) He knows!(AK) And let Israel know! If this has been in rebellion or disobedience to the Lord, do not spare us this day. 23 If we have built our own altar to turn away from the Lord and to offer burnt offerings and grain offerings,(AL) or to sacrifice fellowship offerings on it, may the Lord himself call us to account.(AM)
24 “No! We did it for fear that some day your descendants might say to ours, ‘What do you have to do with the Lord, the God of Israel? 25 The Lord has made the Jordan a boundary between us and you—you Reubenites and Gadites! You have no share in the Lord.’ So your descendants might cause ours to stop fearing the Lord.
26 “That is why we said, ‘Let us get ready and build an altar—but not for burnt offerings or sacrifices.’ 27 On the contrary, it is to be a witness(AN) between us and you and the generations that follow, that we will worship the Lord at his sanctuary with our burnt offerings, sacrifices and fellowship offerings.(AO) Then in the future your descendants will not be able to say to ours, ‘You have no share in the Lord.’
28 “And we said, ‘If they ever say this to us, or to our descendants, we will answer: Look at the replica of the Lord’s altar, which our ancestors built, not for burnt offerings and sacrifices, but as a witness(AP) between us and you.’
29 “Far be it from us to rebel(AQ) against the Lord and turn away from him today by building an altar for burnt offerings, grain offerings and sacrifices, other than the altar of the Lord our God that stands before his tabernacle.(AR)”
30 When Phinehas the priest and the leaders of the community—the heads of the clans of the Israelites—heard what Reuben, Gad and Manasseh had to say, they were pleased. 31 And Phinehas son of Eleazar, the priest, said to Reuben, Gad and Manasseh, “Today we know that the Lord is with us,(AS) because you have not been unfaithful to the Lord in this matter. Now you have rescued the Israelites from the Lord’s hand.”
32 Then Phinehas son of Eleazar, the priest, and the leaders returned to Canaan from their meeting with the Reubenites and Gadites in Gilead and reported to the Israelites.(AT) 33 They were glad to hear the report and praised God.(AU) And they talked no more about going to war against them to devastate the country where the Reubenites and the Gadites lived.
34 And the Reubenites and the Gadites gave the altar this name: A Witness(AV) Between Us—that the Lord is God.
Footnotes
- Joshua 22:20 The Hebrew term refers to the irrevocable giving over of things or persons to the Lord, often by totally destroying them.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.

