Josue 20
Ang Biblia, 2001
Ang mga Lunsod-Kanlungan
20 At(A) ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pumili kayo ng lunsod-kanlungan na aking sinabi sa inyo sa pamamagitan ni Moises,
3 upang matakbuhan ng taong nakamatay nang walang balak o hindi sinasadya at magiging kanlungan ninyo laban sa tagapaghiganti sa dugo.
4 Siya'y tatakas patungo sa isa sa mga lunsod na iyon, at tatayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, at ipapaliwanag ang pangyayari sa pandinig ng matatanda sa lunsod na iyon. Kanilang dadalhin siya sa lunsod at kanilang bibigyan siya ng isang lugar upang siya'y manatiling kasama nila.
5 Kung siya'y habulin ng tagapaghiganti sa dugo, hindi nila ibibigay ang nakamatay sa kanyang kamay sapagkat kanyang napatay ang kanyang kapwa nang hindi sinasadya, at hindi niya kinapootan nang nakaraang panahon.
6 Siya'y mananatili sa lunsod na iyon, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan upang hatulan, hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari nang panahong iyon. Kung magkagayo'y uuwi ang nakamatay at babalik sa kanyang sariling bayan, at sa kanyang sariling bahay, sa lunsod na kanyang tinakasan.”
7 Kaya't kanilang ibinukod ang Kedes sa Galilea sa lupaing maburol ng Neftali, at ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at ang Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupaing maburol ng Juda.
8 Sa kabila ng Jordan sa silangan ng Jerico, ay kanyang itinalaga ang Bezer sa ilang sa kapatagan, mula sa lipi ni Ruben, at ang Ramot sa Gilead na mula sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Basan na mula sa lipi ni Manases.
9 Ito ang mga itinalagang lunsod sa lahat ng mga anak ni Israel, at sa dayuhang naninirahang kasama nila, na sinumang makamatay ng sinumang tao na hindi sinasadya, ay makakatakas patungo doon upang huwag mapatay ng kamay ng tagapaghiganti sa dugo, hanggang siya'y humarap sa kapulungan.