Josue 14
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Paghahati ng Canaan
14 Ang mga lipi ng Israel ay nakatanggap ng lupang pamana nang masakop nila ang Canaan. Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun, katulong ang mga pinuno ng angkan ng bawat lipi, ang naghati ng lupain ng Canaan para sa mga Israelita. 2 Ang(A) paghahati ay isinagawa sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa utos ni Yahweh kay Moises. Siyam at kalahating lipi na lamang ang binigyan nila ng kani-kanilang bahagi sa lupain. 3 Ang(B) dalawang lipi at kalahati'y nabigyan na ni Moises ng kanilang bahagi sa silangan ng Jordan. Hindi rin kabilang sa siyam na lipi at kalahati ang mga Levita. 4 Hindi sila binigyan ng lupain. Sa halip, binigyan sila ng mga lunsod na matitirhan at mga kaparangan sa paligid para sa kanilang mga bakahan at mga kawan. Sa kabilang dako, ang mga nagmula sa lahi ni Jose ay pinagdalawang lipi: ang lipi ni Manases at ang lipi ni Efraim. 5 Pinaghati-hatian nga ng mga Israelita ang lupaing iyon ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.
Ibinigay kay Caleb ang Hebron
6 Lumapit(C) noon kay Josue sa Gilgal ang ilan sa lipi ni Juda. Isa sa kanila si Caleb na anak ni Jefune, na mula sa angkan ng Cenizeo. Sinabi nito kay Josue, “Alam mo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na kanyang lingkod tungkol sa ating dalawa nang tayo'y nasa Kades-barnea. 7 Apatnapung(D) taon pa lamang ako noon. Isinugo niya tayo buhat sa Kades-barnea upang lihim na manmanan ang lupaing ito, at iniulat ko sa kanya ang buong katotohanan. 8 Kahit na ang bayan ay tinakot ng ibang kasama natin, buong katapatan pa rin akong sumunod kay Yahweh na ating Diyos. 9 Kaya't(E) ipinangako sa akin noon ni Moises na dahil sa aking buong katapatan sa pagsunod kay Yahweh, magiging bahagi ko at ng aking mga anak ang lupang matapakan ng aking mga paa. 10 Apatnapu't limang taon na ang lumipas buhat nang sabihin ito ni Yahweh kay Moises. Noo'y naglalakbay pa sa disyerto ang bayang Israel. Iningatan ni Yahweh ang buhay ko hanggang ngayon. Walumpu't limang taon na ako ngayon 11 ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako'y isugo ni Moises upang siyasatin ang lupaing ito. Kaya ko pang makipaglaban at gawin ang kahit anong trabaho. 12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kaburulang ipinangako sa akin ni Yahweh. Narinig mo rin na mga higante ang nakatira doon at matitibay ang pader ng naglalakihan nilang lunsod. Ngunit sa tulong ni Yahweh ay palalayasin ko sila sa lupaing iyon gaya ng ipinangako niya.”
13 Binasbasan nga ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron. 14 Ang lupain ng Hebron ay nananatili hanggang ngayon sa angkan ni Caleb na anak ni Jefune, na isang Cenizeo, sapagkat buong katapatan siyang sumunod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Noong una'y Lunsod ng Arba ang pangalan ng Hebron, bilang alaala kay Arba, ang pinakadakila sa mga Anaceo.
At nagkaroon nga ng kapayapaan sa buong lupain.