Josue 11
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Tinalo ni Josue si Jabin at ang mga Kasama Nito
11 Nang mabalitaan ni Jabin, hari ng Hazor, ang ganitong mga pangyayari, nagpasabi siya kay Jobab, hari ng Madon, at sa mga hari ng Simron at Acsaf. 2 Pinabalitaan din niya ang mga hari sa kaburulan sa dakong hilaga, sa Kapatagan ng Jordan, sa timog ng lawa ng Cineret at sa kapatagan hanggang sa baybayin ng Dor sa gawing kanluran. 3 Nagpasabi rin siya sa mga Cananeo sa magkabilang panig ng Ilog Jordan, sa mga Amoreo, Heteo at Perezeo. Nagpadala rin siya ng mensahe sa mga Jebuseo na naninirahan sa kaburulan, at sa mga Hivita na naninirahan sa paanan ng Bundok Hermon, sa lupain ng Mizpa. 4 Dumating lahat ang mga haring iyon, kasama ang kanilang mga sandatahang lakas. Halos sindami ng buhangin sa tabing-dagat ang bilang ng kanilang hukbo. Napakarami rin ng kanilang mga kabayo at mga karwaheng pandigma. 5 Nagkaisa ang mga haring iyon na pag-isahin ang kanilang mga pwersa at sama-sama silang nagkampo sa may batisan ng Merom upang salakayin ang Israel.
6 Ngunit sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Asahan mo, bukas sa ganito ring oras, lilipulin ko silang lahat para sa Israel. Lalagutan ninyo ng litid upang mapilay ang kanilang mga kabayo at susunugin ang kanilang mga karwahe.” 7 Kaya't sila'y biglang sinalakay ni Josue at ng kanyang mga kawal sa may batis ng Merom. 8 Pinagtagumpay ni Yahweh ang mga Israelita. Hinabol nila ang mga kaaway hanggang sa Dakilang Sidon at sa Misrefot-mayim sa gawing hilaga, at hanggang sa Libis ng Mizpa sa gawing silangan. Nagpatuloy ang labanan hanggang walang natirang buháy sa mga kaaway. 9 Ginawa sa kanila ni Josue ang utos ni Yahweh, pinilayan niya ang mga kabayo at sinunog ang kanilang mga karwahe.
10 Pagkatapos, bumalik si Josue, sinakop ang Hazor at pinatay ang hari roon. Nang panahong iyon, ang Hazor ang kinikilalang pinakamakapangyarihang lunsod sa mga kahariang iyon. 11 Sinunog ng mga Israelita ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon—walang itinira ni isa man. 12 Natalo ni Josue ang lahat ng mga haring iyon at sinakop ang kanilang mga lunsod. Pinatay niyang lahat ang mga tao roon, gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Yahweh. 13 Maliban sa Hazor na sinunog ni Josue, hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lunsod na nasa burol. 14 Sinamsam ng mga Israelita ang kanilang mahahalagang kagamitan at mga baka. Ngunit pinatay nila ang mga tao roon at walang itinirang buháy. 15 Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises, at ibinigay naman ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises.
Sinakop ni Josue ang Buong Lupain
16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon: ang kaburulan at ang mga nasa paanan ng bundok na nasa hilaga at timog, ang buong saklaw ng Goshen, at ang tuyong bahagi sa katimugan nito, pati ang Kapatagan ng Jordan. 17 Buhat sa Bundok Halac paahon sa Seir hanggang sa Baal-gad sa Kapatagan ng Lebanon, sa may paanan ng Bundok Hermon, ay nasakop lahat ni Josue at pinatay ang kanilang mga hari. 18 Matagal ding dinigma ni Josue ang mga bansang ito. 19 Walang nakipagkasundo sa Israel kundi ang mga Hivita na naninirahan sa Gibeon. 20 Ipinahintulot(A) ni Yahweh na mahigpit silang makipaglaban sa mga Israelita, upang walang awa silang lipuling lahat at matupok ang kanilang mga lunsod, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Moises.
21 Nang panahon ding iyon, sinalakay ni Josue ang lahi ng mga higante na tinatawag na mga Anaceo sa kaburulan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kaburulan ng Juda at Israel. Sila'y nilipol niya, 22 kaya't walang natirang Anaceo sa lupain ng Israel. Sa Gaza, sa Gat at sa Asdod lamang may natirang ilan. 23 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, at ipinamahagi sa bawat lipi ng Israel, upang paghati-hatian ng lahat ng bumubuo ng bawat lipi.
Pagkatapos nito, namuhay na nang mapayapa ang mga Israelita sa lupaing iyon.