Add parallel Print Page Options

Natalo ng Israel ang mga Hari sa Timog

10 Nabalitaan ni Haring Adoni Zedek ng Jerusalem na inagaw ni Josue ang Ai at nilipol nang lubusan at pinatay ang hari nito, gaya ng ginawa niya sa Jerico at sa hari nito. Nabalitaan din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkaibigan na sa mga Israelita at namuhay kasama nila. Natakot siya at ang mga tao sa kanyang nasasakupan dahil alam niya na ang Gibeon ay isang makapangyarihang lungsod na may sarili ring hari. Mas malaki pa ito sa Ai at ang mga sundalo nitoʼy mahuhusay makipaglaban. Kaya nagpadala ng mensahe si Adoni Zedek kina Haring Hoham ng Hebron, Haring Piram ng Jarmut, Haring Jafia ng Lakish, at Haring Debir ng Eglon. Ito ang mensahe niya, “Tulungan nʼyo akong lusubin ang Gibeon dahil nakipagkaibigan ito kay Josue at sa mga Israelita.” Kaya nagkaisa ang limang hari ng mga Amoreo: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. Tinipon nila ang mga sundalo nila at nilusob ang Gibeon.

Nagpadala ng mensahe ang mga taga-Gibeon kay Josue sa kampo nito sa Gilgal. Sinabi nila, “Huwag nʼyo kaming pabayaan, kaming mga lingkod ninyo. Pumunta po kayo agad dito at iligtas kami. Tulungan nʼyo kami dahil pinagtutulungan kami ng lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa mga kabundukan.” Kaya umalis si Josue kasama ang lahat ng sundalo niya, pati ang lahat ng mahuhusay makipaglaban. Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibibigay ko sila sa iyo. Wala kahit isa sa kanila ang makakatalo sa iyo.”

Buong gabing naglakad sina Josue mula sa Gilgal, at nilusob nila ang mga kalaban na walang kamalay-malay. 10 Sinindak ng Panginoon ang mga kalaban nang makaharap nila ang mga Israelita, at marami sa kanila ang pinatay doon sa Gibeon. Ang iba sa kanilaʼy hinabol at pinatay sa daang paakyat sa Bet Horon hanggang sa Azeka at Makeda. 11 Patuloy ang paghabol sa kanila ng mga Israelita habang bumababa sila galing sa Bet Horon. At nang papunta sila sa Azeka, pinaulanan sila ng Panginoon ng malalaking yelo at namatay sila. Mas marami pang namatay sa kanila sa yelo kaysa sa espada ng mga Israelita.

12 Nang araw na pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita laban sa mga Amoreo, nanalangin si Josue sa Panginoon. Pagkatapos, sinabi niya habang nakikinig ang mga Israelita, “Araw, tumigil ka sa taas ng Gibeon! Ikaw naman buwan, tumigil ka sa taas ng Lambak ng Ayalon.” 13 Kaya tumigil ang araw at ang buwan hanggang sa natalo ng mga Israelita ang mga kalaban nila.

Ang pangyayaring ito ay nakasulat sa Aklat ni Jashar. Tumigil ang araw sa gitna ng langit, at hindi ito lumubog sa buong araw. 14 Hindi pa nangyari ang ganito mula noon, mula noon, na sumagot ang Panginoon sa panalangin ng tao na kagaya nito. Tunay na nakikipaglaban ang Panginoon para sa Israel.

15 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kampo nila sa Gilgal.

Pinatay ang Limang Hari ng mga Amoreo

16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa kweba sa Makeda. 17 Pero may nakakita sa kanila na doon sila nagtatago, at sinabi nila ito kay Josue. 18 Kaya sinabi ni Josue, “Tabunan nʼyo ng malalaking bato ang bukana ng kweba at bantayan ninyo. 19 Pero huwag kayong manatili roon kundi habulin nʼyo at lusubin ang mga naiwang kalaban. Siguraduhin ninyong hindi sila makakapasok sa mga lungsod nila. Dahil ibibigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.”

20 Halos naubos ni Josue at ng mga Israelita ang mga kalaban nila. Pero mayroon ding nakaligtas at nakapasok sa mga napapaderang lungsod nito. 21 At bumalik ang lahat ng sundalo kay Josue sa kampo nila sa Makeda. Mula noon, wala nang nagtangkang magsalita laban sa mga Israelita.

22 At nag-utos si Josue, “Buksan nʼyo ang kweba at dalhin dito sa akin ang limang hari.” 23 Kaya pinalabas nila sa kweba ang limang hari: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. 24 Nang madala na ang limang hari kay Josue, tinipon ni Josue ang lahat ng mga Israelita at sinabi niya sa mga kumander ng mga sundalo niya, “Halikayo, at tapakan nʼyo ang leeg ng mga haring ito.” Kaya lumapit sila at tinapakan nila ang leeg ng mga haring iyon. 25 Sinabi sa kanila ni Josue, “Huwag kayong matakot o kayaʼy panghinaan ng loob. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Ito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kalaban ninyo.” 26 At pinatay ni Josue ang limang hari at ipinabitin sa limang puno hanggang hapon. 27 Nang lumubog na ang araw, ipinakuha ni Josue ang mga bangkay nila at ipinatapon sa kweba na pinagtaguan nila. Tinakpan nila ang bunganga ng kweba ng malalaking bato na hanggang ngayon ay naroon pa.

Sinakop ni Josue ang Iba pang mga Lugar ng mga Amoreo

28 Nang araw na iyon, sinakop ni Josue ang Makeda. Pinapatay niya ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang hari nito. Nilipol niya ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Makeda ang ginawa rin niya sa hari ng Jerico. 29 Mula sa Makeda, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Libna at nilusob ito. 30 Ibinigay din sa kanila ng Panginoon ang lungsod at ang hari nito. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.

31 Mula sa Libna, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Lakish. Pinalibutan nila ito at nilusob. 32 Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa mga Israelita sa ikalawang araw ng labanan. Gaya ng ginawa nila sa Libna, pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Lakish. 33 Habang nilulusob nila ang Lakish, si Haring Horam ng Gezer at ang mga sundalo nito ay tumulong sa Lakish, pero natalo sila ni Josue, at walang naiwang buhay sa kanila.

34 Mula sa Lakish, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Eglon. Pinalibutan din nila ito at nilusob. 35 Sa mismong araw na iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng naninirahan dito. Nilipol nila ito nang lubusan gaya ng ginawa nila sa Lakish.

36 Mula sa Eglon, umahon si Josue at ang mga Israelita sa Hebron at nilusob ito. 37 Sinakop nila ang lungsod, at pinatay nila ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga tao sa karatig baryo. Walang naiwang buhay. Winasak nila nang lubusan ang buong lungsod gaya ng ginawa nila sa Eglon.

38 Pagkatapos nito, bumalik si Josue at ang mga Israelita at lumusob sa Debir. 39 Inagaw nila ang lungsod at pinatay ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati ang mga tao sa karatig baryo. Nilipol nila ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ang ginawa nila sa Hebron at Libna at sa mga hari nito ay ginawa rin nila sa Debir at sa hari nito.

40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain – ang mga kabundukan, ang Negev, ang kaburulan sa kanluran[a] at mga libis, pati na ang mga hari nito. Nilipol nang lubusan nina Josue ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa nila ito ayon sa utos ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang mga lugar mula sa Kadesh Barnea hanggang sa Gaza, at mula sa buong lupain ng Goshen hanggang sa Gibeon. 42 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain at ang mga hari nito sa minsanang paglusob lamang, dahil ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ang tumulong sa kanila sa pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng Israelita sa kampo nila sa Gilgal.

Nasakop ng Israel ang mga Lugar sa Hilaga

11 Nang mabalitaan ni Haring Jabin ng Hazor ang mga tagumpay ng Israel, nagpadala siya ng mensahe kay Haring Jobab ng Madon, sa mga hari ng Shimron at Acshaf, sa mga haring nasa kabundukan sa hilaga, sa mga hari sa Lambak ng Jordan[b] na nasa timog ng Lawa ng Galilea,[c] sa mga hari sa kaburulan sa kanluran,[d] sa mga hari sa baybayin ng Dor sa kanluran, sa mga hari ng mga Cananeo sa silangan at sa kanluran ng Ilog ng Jordan, sa mga hari ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Jebuseo na nakatira sa kabundukan, at sa mga hari ng mga Hiveo sa ibaba ng Bundok ng Hermon sa lupain ng Mizpa. Dumating ang lahat ng hari, kasama ang mga sundalo nilang kasindami ng buhangin sa dagat. Marami rin silang kabayo at karwahe. Nagtipon sila at nagkampo sa tabi ng Batis ng Merom para labanan ang Israel.

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kayong matakot sa kanila, dahil bukas sa ganito ring oras, ibibigay ko silang lahat sa Israel para patayin. Pipilayan nʼyo ang mga kabayo nila at susunugin ang mga karwahe nila.” Kaya biglang lumusob si Josue at ang mga sundalo niya sa Batis ng Merom. At pinagtagumpay sila ng Panginoon sa mga kalaban nila. Hinabol nila ang mga kalaban nila hanggang sa Malaking Sidon at sa Misrefot Maim hanggang sa Lambak ng Mizpa sa silangan. Pinatay nila ang mga kalaban nila hanggang sa maubos. At ginawa sa kanila ni Josue ang iniutos ng Panginoon: Pinilayan niya ang mga kabayo nila at pinasunog ang mga karwahe nila.

10 Pagkatapos, bumalik sina Josue at sinakop nila ang Hazor at pinatay ang hari nito. (Nang mga panahong iyon, ang Hazor ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng kaharian.) 11 Pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Hazor. Nilipol nila ito nang lubusan at walang naiwang buhay. At ang lungsod mismo ay sinunog nila.

12 Sinakop ni Josue ang lahat ng lungsod. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga hari nito. Nilipol nila ito nang lubusan ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. 13 Pero hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lungsod sa mga bulubundukin, maliban lang sa Hazor. 14 Kinuha ng mga Israelita para sa sarili ang lahat ng nasamsam na mga hayop at mga ari-arian ng mga lungsod na ito. Pero nilipol nila nang lubusan ang mga naninirahan dito, at walang naiwang buhay. 15 Iyon ang iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin at ito rin ang iniutos ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kabundukan, ang buong lupain ng Negev, ang buong lupain ng Goshen, ang mga kaburulan sa kanluran, ang Lambak ng Jordan, ang mga kabundukan at kaburulan ng Israel. 17 Ang teritoryo na sinakop niya ay mula sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir hanggang sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon sa ibaba ng Bundok ng Hermon. Dinakip at pinatay niya ang mga hari ng mga lugar na ito 18 sa mahabang panahon ng pakikipaglaban nila. 19 Walang nakikipagkasundo sa mga Israelita para sa kapayapaan maliban lang sa mga Hiveo na nakatira sa Gibeon. Ang lahat ng hindi nakipagkasundo ay nilipol sa labanan. 20 Sapagkat pinatigas ng Panginoon ang puso nila para makipaglaban sila sa mga Israelita. Kaya nga lubusan silang nilipol nang walang awa, ayon sa inutos ng Panginoon kay Moises.

21 Nang panahong iyon, nilusob ni Josue ang mga lahi ni Anak na nakatira sa mga kabundukan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kabundukan ng Juda at Israel. Nilipol sila nang lubusan ni Josue pati na ang kanilang mga bayan. 22 Wala nang natirang kalahi si Anak sa teritoryo ng mga Israelita, pero may natira pa sa kanila sa Gaza, Gat at sa Ashdod.

23 Kaya sinakop ni Josue ang buong lupain, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila, at hinati nila ito ayon sa bawat lahi nila.

At nahinto na ang labanan sa buong lupain.

Ang mga Hari na Natalo sa Silangan ng Jordan

12 1-2 Sinakop na ng mga Israelita ang mga lupain sa silangan ng Ilog Jordan, mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon, kasama na rito ang lupain sa silangan ng Lambak ng Jordan.[e] Ito ang mga hari sa mga lugar na natalo ng mga Israelita:

Si Sihon na Amoreo na nakatira sa Heshbon. Sakop ng kaharian niya ang kalahati ng Gilead. Ito ay mula sa Aroer sa tabi ng Lambak ng Arnon, at mula sa gitna nito hanggang sa Lambak ng Jabok, na siyang hangganan ng lupain ng mga Ammonita. Sakop din niya ang silangan ng Lambak ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Bet Jeshimot, sa silangan ng Dagat na Patay[f] at hanggang sa timog sa ibaba ng libis ng Pisga.

Ang ikalawa ay si Haring Og ng Bashan. Isa siya sa mga naiwan na Refaimeo. Nakatira siya sa Ashtarot at sa Edrei. Ang sakop ng kaharian niya ay ang Bundok ng Hermon, Saleca, ang buong Bashan hanggang sa hangganan ng Geshur at Maaca, at ang kalahati ng Gilead, hanggang sa hangganan ng Heshbon, na ang hari ay si Sihon. Tinalo sila ni Moises, na lingkod ng Panginoon, at ng mga Israelita. Ibinigay ni Moises ang lupain ng mga ito sa lahi ni Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase bilang mana nila.

Ang mga Hari na Natalo sa Kanluran ng Jordan

7-8 Sinakop din ni Josue at ng mga Israelita ang mga lupain sa kanluran ng Jordan, mula sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon hanggang sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir. Ibinigay ni Josue ang mga lupaing ito sa mga Israelita bilang mana nila. Hinati niya ito ayon sa bawat lahi nila. Ang mga lupaing ito ay ang mga kabundukan, mga kaburulan sa kanluran,[g] ang Lambak ng Jordan, ang mga libis, ang disyerto sa timog, at ang Negev. Tinirhan ito dati ng mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo, at mga Jebuseo. Ito ang mga hari ng mga lugar na iyon na tinalo ni Josue at ng mga Israelita:

ang hari ng Jerico

ang hari ng Ai (malapit sa Betel)

10 ang hari ng Jerusalem

ang hari ng Hebron

11 ang hari ng Jarmut

ang hari ng Lakish

12 ang hari ng Eglon

ang hari ng Gezer

13 ang hari ng Debir

ang hari ng Geder,

14 ang hari ng Horma

ang hari ng Arad

15 ang hari ng Libna

ang hari ng Adulam

16 ang hari ng Makeda

ang hari ng Betel

17 ang hari ng Tapua

ang hari ng Hefer

18 ang hari ng Afek

ang hari ng Lasharon

19 ang hari ng Madon

ang hari ng Hazor

20 ang hari ng Shimron Meron

ang hari ng Acshaf

21 ang hari ng Taanac

ang hari ng Megido

22 ang hari ng Kedesh

ang hari ng Jokneam (sa Carmel)

23 ang hari ng Dor (sa Nafat Dor)

ang hari ng Goyim (sa Gilgal)

24 ang hari ng Tirza.

Ang mga haring ito ay 31 lahat.

Footnotes

  1. 10:40 kaburulan sa kanluran: Tingnan ang “footnote” sa 9:1.
  2. 11:2 Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba. Ganito rin sa talatang 16.
  3. 11:2 Galilea: sa Hebreo, Kineret.
  4. 11:2 kaburulan sa kanluran: sa Hebreo, Shefela. Ganito rin sa talatang 16.
  5. 12:1-2 Lambak ng Jordan: Tingnan ang “footnote” sa 11:2a. Ganito rin sa talatang 3 at 7.
  6. 12:3 Dagat na Patay: sa Hebreo, Dagat ng Araba, ang pinakamaalat na dagat.
  7. 12:7-8 kaburulan sa kanluran: sa Hebreo, Shefela.