Josue 1
Ang Biblia (1978)
Ang utos ng Panginoon kay Josue.
1 Nangyari nga pagkamatay ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ang Panginoon ay nagsalita kay Josue na anak ni Nun na (A)tagapangasiwa ni Moises, na sinasabi,
2 (B)Si Moises na aking lingkod ay patay na; ngayon nga'y tumindig ka, tumawid ka sa Jordang ito, ikaw, at ang buong bayang ito, hanggang sa lupain na aking ibinibigay sa kanila, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Israel.
3 (C)Bawa't dakong tuntungan ng talampakan ng inyong paa, ay naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinalita ko kay Moises.
4 (D)Mula sa ilang, at ang Libanong ito, hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates, buong lupain ng mga Hetheo, at hanggang sa malaking dagat sa dakong nilulubugan ng araw, ay magiging inyong hangganan.
5 (E)Walang makatatayong sinomang tao sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay: (F)kung paanong ako'y suma kay Moises, ay gayon ako (G)sasa iyo: (H)hindi kita iiwan ni pababayaan kita.
6 (I)Magpakalakas ka at magpakatapang na mabuti: sapagka't iyong ipamamana sa bayang ito ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila.
7 Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti, na isagawa mo ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod: (J)huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay magtamo ng mabuting kawakasan saan ka man pumaroon.
8 Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, (K)kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: sapagka't kung magkagayo'y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at kung magkagayo'y magtatamo ka ng mabuting kawakasan.
9 (L)Hindi ba kita inutusan? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; (M)huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka't ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.
Naghanda si Josue sa pagtawid sa Jordan.
10 Nang magkagayo'y nagutos si Josue sa (N)mga pinunong bayan, na sinasabi,
11 Kayo'y magdaan sa gitna ng kampamento, at magutos sa bayan, na sabihin, Maghanda kayo ng baon; sapagka't (O)sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang yumaong ariin ang lupain, na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios upang ariin.
12 At sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, ay nagsalita si Josue, na sinasabi,
13 Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, (P)na sinasabi, Binibigyan kayo ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Dios, at ibibigay sa inyo ang lupaing ito.
14 Ang inyong mga asawa, ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop ay tatahan sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises sa dako roon ng Jordan; nguni't kayo'y tatawid na may sandata (Q)sa harap ng inyong mga kapatid, kayong lahat na makapangyarihang lalaking matapang, at tutulong sa kanila;
15 Hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, (R)at kanila namang maari ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios: kung magkagayo'y babalik kayo sa lupain na inyong ari, at inyong aariin, yaong ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.
16 At sila'y sumagot kay Josue, na sinasabi, Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay paroroon kami.
17 Kung paanong aming dininig si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin didinggin: sumaiyo lamang ang Panginoon mong Dios, na gaya (S)kay Moises.
18 Sinomang (T)manghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig ng iyong mga salita sa lahat ng iyong iniuutos sa kaniya, ay ipapapatay: magpakalakas ka lamang (U)at magpakatapang na mabuti.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978