Josue 1-11
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Paghahanda sa Pananakop
1 Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, 2 “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. 3 Gaya(A) ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. 4 Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. 5 Walang(B) makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. 6 Magpakatatag(C) ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. 7 Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. 8 Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. 9 Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”
10 Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan, 11 “Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.”
12 Sinabi(D) naman ni Josue sa mga lipi nina Ruben, Gad at sa kalahating lipi ni Manases, 13 “Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh: ‘Ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang lupaing ito upang dito kayo manirahan.’ 14 Ang inyong mga asawa, mga anak at mga kawan ay maiiwan sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa silangan ng Jordan. Ngunit ang inyong mga mandirigma ay tatawid at mauuna sa iba pa ninyong mga kapatid upang tumulong sa kanila sa pakikidigma. 15 Kapag nasakop na rin nila ang mga lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh, maaari na kayong bumalik at manirahan dito sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Diyos.”
16 Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi mo, at pupunta kami saan mo man kami gustong papuntahin. 17 Kung paanong sinunod namin si Moises, susundin ka rin namin nang gayon. Samahan ka nawa ni Yahweh, tulad ng ginawa niya kay Moises. 18 Ang sinumang tututol o susuway sa utos mo ay dapat patayin. Kaya't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob.”
Nagpadala ng mga Espiya sa Jerico
2 Buhat(E) sa kampo ng Sitim, si Josue na anak ni Nun ay nagpadala ng dalawang espiya. Sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta kayo sa lupain ng Canaan, manmanan ninyo ito, lalung-lalo na ang lunsod ng Jerico.” Pumunta nga sila roon at tumuloy sa bahay ni Rahab, isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw at doon sila nagpalipas ng gabi. 2 Nakaabot sa kaalaman ng hari ng Jerico ang balita na may mga espiyang Israelita na nakapasok sa bayan nang gabing iyon. 3 Kaya't ang hari ay nagpadala ng sugo kay Rahab at ipinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking nasa bahay mo. Naparito ang mga iyan upang lihim na magsiyasat sa ating lupain.”
4 Ngunit itinago ni Rahab ang dalawa, at pagkatapos ay ganito ang isinagot, “Mayroon nga pong mga lalaking nakituloy sa amin, ngunit hindi ko po alam kung tagasaan sila. 5 Umalis po sila nang isasara na ang pintuan ng lunsod bago kumagat ang dilim. Hindi ko po natanong kung saan sila papunta, ngunit kung hahabulin ninyo agad ay aabutan pa ninyo.”
6 Sa itaas ng bubong niya pinatago ang dalawang espiya, at tinabunan ng mga tangkay ng lino na isinalansan niya roon. 7 Hinabol nga ng mga tauhan ng hari ang dalawang espiya hanggang sa tawiran ng Ilog Jordan. Pagkalabas ng mga humahabol, isinara ang pinto ng lunsod.
8 Bago natulog ang mga espiya, umakyat si Rahab sa bubong 9 at sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito, at ang mga tagarito'y takot na takot sa inyo. 10 Nabalitaan(F) namin kung paanong pinatuyo ni Yahweh ang Dagat na Pula[a] nang kayo'y tumawid galing sa Egipto. Nalaman din namin na pinatay ninyo sina Sihon at Og, mga hari ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan, at nilipol ang kanilang mga hukbo. 11 Kinilabutan kami nang marinig ang mga balitang iyon. Natakot kaming humarap sa inyo, sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng langit at ng lupa. 12 Kaya ngayo'y ipangako ninyo sa ngalan ni Yahweh na hindi ninyo gagawan ng masama ang aking sambahayan alang-alang sa pagtulong kong ito sa inyo. Bigyan ninyo ako ng isang katibayang 13 ililigtas nga ninyo ang aking ama't ina, ang aking mga kapatid at ang kanilang mga pamilya; katibayang hindi ninyo kami hahayaang mapatay.”
14 Sinabi sa kanya ng mga espiya, “Ang buhay namin ang garantiya sa buhay ninyo. Huwag mo lang ipagsasabi ang pakay namin dito, ipinapangako naming walang masamang mangyayari sa inyo kapag ibinigay na sa amin ni Yahweh ang lupaing ito.”
15 Nakakabit sa pader ng lunsod ang bahay ni Rahab, kaya't buhat sa kanyang bintana'y inihugos niya sa labas ng lunsod ang dalawang espiya. 16 Ngunit bago sila umalis, sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta muna kayo sa kaburulan at magtago kayo roon ng tatlong araw upang hindi kayo makita ng mga tauhan ng hari. Kapag nakabalik na sila sa lunsod, saka na kayo lumakad.”
17 Sinabi naman sa kanya ng dalawa, “Tutuparin namin ang aming pangako alang-alang sa iyo. 18 Kailangang gawin mo ito: Pagbalik namin para sakupin ang inyong lunsod, ilawit mo ang pulang lubid na ito sa bintanang aming bababaan. Tipunin mo sa iyong bahay ang iyong ama't ina, ang iyong mga kapatid at ang buong angkan ng iyong ama. 19 Hindi kami mananagot kung may lumabas ng bahay at mapatay, ngunit pananagutan namin kapag may nasaktan sa sinumang nasa loob ng bahay. 20 Subalit kapag ipinagsabi mo itong ating pinag-usapan, huwag mo nang asahan ang pangako namin sa iyo.”
21 Pumayag ang babae at pagkatapos ay pinaalis na ang mga espiya. Pagkatapos, itinali niya sa labas ng bintana ang lubid na pula.
22 Pumunta nga ang mga espiya sa kaburulan at tatlong araw na nagtago roon habang pinaghahanap sila ng mga tauhan ng hari. Pagkatapos, bumalik na ang mga ito sa lunsod nang hindi nila makita ang mga espiya. 23 Bumabâ naman mula sa kaburulan ang mga espiya, tumawid ng ilog at nagbalik kay Josue. Iniulat nila kay Josue ang buong pangyayari. 24 “Ibinigay na sa atin ni Yahweh ang lupaing iyon,” ang sabi nila. “Mabanggit lamang ang pangalan nati'y nangangatog na sa takot ang mga tagaroon.”
Tumawid ng Ilog Jordan ang mga Israelita
3 Maagang-maaga pa'y gumising na si Josue at ang buong Israel. Umalis sila sa Sitim patungong Ilog Jordan, at nagkampo sila sa pampang nito bago tumawid.
Paghahanda sa Pagtawid
2 Pagkalipas ng tatlong araw, naglibot sa kampo ang mga pinuno 3 at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita ninyong dala ng mga paring Levita ang Kaban ng Tipan ng Diyos ninyong si Yahweh, lumakad na kayo at sumunod doon. 4 Sa kanila ninyo malalaman kung saan kayo daraan, sapagkat hindi pa kayo nakakarating dito kahit minsan. Ngunit huwag kayong masyadong lalapit sa Kaban ng Tipan; paunahin ninyo ito nang mga 900 metro.”
5 Sinabi naman ni Josue sa mga tao, “Linisin ninyo ang inyong mga sarili sapagkat bukas ay masasaksihan ninyo ang mga himalang gagawin ni Yahweh.” 6 Pagkatapos ay inutusan niya ang mga paring Levita, “Buhatin na ninyo ang Kaban ng Tipan at mauna kayo sa mga taong-bayan.” At iyon nga ang ginawa nila.
7 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Sa araw na ito'y gagawin kitang dakila sa paningin ng buong Israel. Sa gagawin ko'y mababatid nilang pinapatnubayan kita, tulad ng ginawa ko kay Moises. 8 Sabihin mo sa mga paring Levita na magdadala ng Kaban ng Tipan na magtuloy na sila sa Ilog Jordan, ngunit pagdating nila sa tubig sa pampang nito ay huminto muna sila.”
9-10 At tinawag ni Josue ang mga tao at sinabi sa kanila, “Halikayo at pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na inyong Diyos. Dito ninyo malalaman na kasama ninyo ang Diyos na buháy. Pagdating ninyo roon, lilipulin niya ang mga Cananeo, ang mga Heteo, ang mga Hivita, ang mga Perezeo, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, at ang mga Jebuseo. 11 Ang Kaban ng Tipan ng Panginoon ng buong mundo ay mauunang itatawid ng Ilog Jordan. 12 Pumili kayo ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi ng Israel. 13 Kapag tumuntong na sa tubig ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo, titigil ng pag-agos ang Ilog Jordan. Ang tubig ay matitipon sa isang lugar.”
Ang Pagtawid
14 Sa pangunguna ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, umalis ng kampo ang bayang Israel upang tumawid sa ilog. 15 Malaki ang tubig ng Jordan sa panahon ng tag-ani. Nang sumapit sa Ilog Jordan ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, 16 tumigil ang pag-agos ng tubig, at ang tubig ay natipon sa tapat ng bayan ng Adam, lunsod na nasa tabi ng Zaretan. Samantala, ang agos na pababa sa Dagat na Patay, sa Araba, ay nagpatuloy hanggang sa natuyo ang ilog at nakatawid ang mga Israelita. Malapit sa Jerico ang kanilang tinawiran. 17 Nanatili sa gitna ng natuyong ilog ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, hanggang sa makatawid sa kabilang pampang ang buong sambayanang Israel.
Bantayog sa Gitna ng Ilog
4 Nang makatawid na sa Ilog Jordan ang buong sambayanan, sinabi ni Yahweh kay Josue, 2 “Pumili ka ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi. 3 Pakuhanin mo sila ng tig-iisang bato sa gitna ng Jordan, sa mismong kinatayuan ng mga pari. Ipadala mo sa kanila ang mga bato at ilagay sa pagkakampuhan ninyo ngayong gabi.”
4 Tinawag nga ni Josue ang labindalawang lalaking pinili niya, 5 at sinabi sa kanila, “Mauna kayo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagdating ninyo sa gitna ng Ilog Jordan, kumuha kayo ng tig-iisang bato, pasanin ninyo ang mga ito, isa para sa bawat lipi ng Israel. 6 Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa bayang Israel sa mga ginawa ni Yahweh. Kung sa panahong darating ay itanong ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, 7 sabihin ninyong tumigil ang pag-agos ng Ilog Jordan nang itawid ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa Israel ng mga pangyayaring ito habang panahon.”
8 Ginawa nga ng labindalawa ang iniutos sa kanila ni Josue. Tulad ng sinabi ni Yahweh kay Josue, kumuha sila ng labindalawang bato sa gitna ng ilog, isa para sa bawat lipi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kanilang pinagkampuhan. 9 Naglagay rin si Josue ng labindalawang bato sa gitna ng Ilog Jordan, sa lugar na kinatayuan ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan. (Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.) 10 Nanatili sa gitna ng Ilog Jordan ang mga pari hanggang sa maisagawa ng mga tao ang lahat ng mga iniutos ni Yahweh kay Josue upang kanilang gawin. Natupad ang lahat ayon sa iniutos ni Moises kay Josue.
Nagmamadaling tumawid ang mga tao. 11 Pagkatawid nila, itinawid din ang Kaban ng Tipan, at ang mga pari'y muling nauna sa mga taong-bayan. 12 Tumawid din at nanguna sa bayan ang mga lalaking sandatahan buhat sa lipi nina Ruben, Gad at kalahati ng lipi ni Manases ayon sa iniutos ni Moises. 13 May apatnapung libong mandirigma ang dumaan sa harapan ng kaban ni Yahweh patungo sa kapatagan ng Jerico. 14 Sa araw na iyon, ginawang dakila ni Yahweh si Josue sa paningin ng buong Israel. At siya'y iginalang nila habang siya'y nabubuhay, tulad ng ginawa nila kay Moises.
15 Iniutos ni Yahweh kay Josue, 16 “Sabihin mo sa mga paring may dala ng Kaban ng Tipan na umahon na sila sa Jordan.” 17 Ganoon nga ang ginawa ni Josue. 18 Nang makaahon ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, muling umagos ang ilog at umapaw sa pampang ang tubig.
19 Ika-10 araw ng unang buwan ng taon nang tumawid ng Ilog Jordan ang bayang Israel. Nagkampo sila sa Gilgal na nasa silangan ng Jerico. 20 Doon inilagay ni Josue ang labindalawang bato na ipinakuha niya sa Jordan. 21 Pagkatapos, sinabi niya sa bayang Israel, “Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, 22 sabihin ninyo sa kanila na lumakad sa tuyong lupa ang bayang Israel nang tumawid sa Ilog Jordan. 23 Sabihin din ninyo na pinatuyo ni Yahweh ang tubig ng Jordan habang kayo'y tumatawid, tulad ng ginawa niya sa Dagat na Pula[b] habang kami'y tumatawid noon. 24 Sa ganitong paraan, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang kapangyarihan ni Yahweh, at pararangalan ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh sa habang panahon.”
Ang Pagtutuli at ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Gilgal
5 Nabalitaan ng mga haring Amoreo na nasa kanluran ng Jordan at ng mga haring Cananeo na nasa baybayin ng Dagat Mediteraneo na pinatuyo ni Yahweh ang Ilog Jordan nang tumawid ang bayang Israel. Dahil dito'y natakot silang lahat, at nasiraan sila ng loob sa pagdating ng mga Israelita.
2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Kumuha ka ng batong matalim, gawin mong panghiwa, at tuliin mo ang mga kalalakihan ng Israel.” 3 Gayon nga ang ginawa ni Josue, tinuli niya ang mga lalaki sa isang lugar na tinatawag na Burol ng Pagtutuli. 4 Ginawa niya ito sapagkat namatay na ang lahat ng mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma sa panahon ng paglalakbay noong sila'y umalis sa Egipto. 5 Ang mga iyon ay pawang tuli na, ngunit ang mga isinilang sa panahon ng paglalakbay sa ilang ay hindi pa. 6 Apatnapung(G) taon nang naglakbay sa ilang ang bayang Israel hanggang sa namatay lahat ang mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma nang sila'y umalis sa Egipto. Sinuway nila si Yahweh, kaya sinabi niya sa kanila na hindi nila makikita ang mayaman at masaganang lupain na ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. 7 Ang kanilang mga anak na lalaki na humalili sa kanila ang tinuli ni Josue, sapagkat ang mga ito'y hindi tinuli nang panahon ng paglalakbay.
8 Matapos tuliin ang lahat ng kalalakihan, nanatili sa kampo ang buong bayan hanggang sa gumaling ang mga sugat. 9 At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[c] magpahanggang ngayon.
10 Samantalang(H) ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. 11 Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing iyon: sinangag na trigo at tinapay na walang pampaalsa. 12 Hindi(I) na muling umulan pa ng manna nang makakain na sila ng mga inani nila sa lupain ng Canaan. Kaya't mula nang taóng iyon, pagkaing inaani na sa Canaan ang kanilang kinakain.
Si Josue at ang Pinuno ng Hukbo ni Yahweh
13 Minsa'y napadako si Josue malapit sa Jerico, nang biglang nagpakita sa kanya ang isang lalaking may hawak na tabak. Nilapitan ito ni Josue at tinanong, “Ikaw ba'y isang kakampi, o isang kaaway?”
14 “Hindi,” sagot ng lalaki. “Ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ni Yahweh.”
Nagpatirapa si Josue at sumamba. Sinabi niya, “Ano po ang ipinag-uutos ni Yahweh sa kanyang alipin?”
15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ni Yahweh, “Alisin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat lupang banal ang iyong tinutuntungan.” At ginawa nga ni Josue ang iniutos sa kanya.
Ang Pagbagsak ng Jerico
6 Isinara ang mga pintuan ng Jerico upang huwag makapasok ang mga Israelita. Ipinagbawal na lumabas o pumasok ang sinuman. 2 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pakinggan mo ito! Ibinigay ko na sa iyong mga kamay ang Jerico, upang sakupin ito at gapiin ang kanyang hari at magigiting na kawal. 3 Ikaw at ang iyong mga kawal ay liligid sa palibot ng Jerico minsan isang araw sa loob ng anim na araw. 4 Pauunahin mo sa Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang mga trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, pitong beses kayong liligid sa lunsod, at hihipan ng mga pari ang dala nilang trumpeta. 5 Pagkarinig ninyo ng isang malakas at mahabang tunog ng tambuli, lahat kayo'y ubod-lakas na sisigaw. Sa sandaling iyon, babagsak ang mga pader ng lunsod at walang sagabal na makakapasok doon ang lahat.”
6 Kaya't tinawag ni Josue ang mga pari ng Israel at sinabi sa kanila, “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh; mauuna ang pitong paring may dalang mga trumpeta.” 7 At sinabi naman niya sa mga taong-bayan, “Lumakad na kayo! Lumigid kayo sa lunsod, at paunahin ninyo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh ang mga sandatahang lalaki.”
8 Tulad ng sinabi ni Josue, lumakad nga sa unahan ng Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang trumpeta, at habang lumalakad ay hinihipan nila ang mga ito.
9 Nauuna sa mga pari ang unang hanay ng mga kawal. Kasunod naman ng Kaban ng Tipan ang mga kawal na nasa panghuling hanay. Samantala, walang tigil ang tunog ng mga trumpeta. 10 Ngunit sinabi ni Josue sa mga tao, “Huwag kayong sisigaw, o magsasalita man, hanggang hindi ko kayo binibigyan ng hudyat.” 11 Sa utos nga ni Josue, iniligid nilang minsan sa lunsod ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo at doon sila nagpalipas ng gabi.
12 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue. Binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, 13 at muling nauna rito ang pitong pari na walang tigil sa pag-ihip ng dala nilang trumpeta. Muling pumuwesto sa unahan nila ang unang hanay ng mga kawal, samantalang ang mga panghuling hanay ay nasa likuran ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Patuloy ang pag-ihip sa mga trumpeta. 14 Nilibot nga nilang minsan ang lunsod noong ikalawang araw, at pagkatapos ay bumalik silang muli sa kampo. Ganito ang ginawa nila araw-araw sa loob ng anim na araw.
15 Nang ikapitong araw, bumangon sila nang magbukang-liwayway, at lumibot nang pitong beses sa lunsod. Noon lamang nila ito nilibot nang pitong beses. 16 Sa ikapitong libot, hinipan ng mga pari ang mga trumpeta at iniutos ni Josue sa mga tao, “Sumigaw na kayo sapagkat ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lunsod! 17 Ang buong lunsod at ang anumang matatagpuan doon ay wawasakin bilang handog kay Yahweh. Si Rahab lamang at ang kanyang mga kasambahay ang ililigtas sapagkat itinago niya ang ating mga isinugo roon. 18 At huwag na huwag kayong kukuha ng anumang bagay na nakatakdang wasakin. Kapag kumuha kayo ng anuman, kayo ang magiging sanhi ng pagkapahamak ng buong Israel. 19 Ngunit ang lahat ng bagay na yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal ay nakalaan para kay Yahweh, at dapat ilagay sa kabang-yaman ni Yahweh.”
20 Kaya't(J) hinipan nga ng mga pari ang mga trumpeta at nagsigawan nang napakalakas ang mga tao nang marinig iyon. Bumagsak ang mga pader ng lunsod at sumalakay sila. Nakapasok sila nang walang sagabal at nasakop nila ang lunsod. 21 Pinatay nila ang lahat ng tao sa lunsod—lalaki't babae, matanda't bata—at pati ang mga asno, baka at tupa.
22 Sinabi ni Josue sa dalawang espiya na isinugo niya noon, “Pumunta kayo sa bahay ng babaing inyong tinuluyan. Ilabas ninyo siya at ang buo niyang angkan, ayon sa inyong pangako sa kanya.” 23 Pumunta nga sila at inilabas si Rahab, ang kanyang ama't ina, mga kapatid at mga alipin. Inilabas din nila pati ang kanyang mga kamag-anak at dinalang lahat sa kampo ng Israel. 24 Pagkatapos ay sinunog nila ang lunsod at tinupok ang lahat ng bagay na naroon, liban sa mga yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal. Ang mga ito'y inilagay nila sa kabang-yaman ni Yahweh. 25 Si(K) Rahab na isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw ay iniligtas ni Josue, pati ang buong angkan nito, sapagkat itinago nito ang mga lalaking isinugo upang lihim na magmanman sa Jerico. Ang mga naging anak at sumunod na salinlahi ni Rahab ay nanirahan sa Israel hanggang sa araw na ito.
26 Noon(L) di'y pinanumpa ni Josue ang buong bayan sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya,
“Sumpain ang sinumang magtatayong muli ng lunsod na ito ng Jerico.
Mamamatay ang anak na panganay ng sinumang muling maglalagay ng mga saligan nito.
Mamamatay ang anak na bunso ng magbabangong muli ng kanyang mga pintuan.”
27 Pinatnubayan ni Yahweh si Josue, at naging tanyag ang kanyang pangalan sa lupaing iyon.
Ang Kasalanan ni Acan
7 Ngunit nilabag ng Israel ang utos ni Yahweh na huwag kukuha sa Jerico ng mga bagay na ipinawawasak ni Yahweh bilang handog sa kanya. Si Acan na anak ni Karmi, apo ni Zabdi at apo-sa-tuhod ni Zera, mula sa lipi ni Juda, ay kumuha ng ilang bagay na ipinagbabawal kunin. Kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.
2 Samantala, nagsugo si Josue ng ilang tao buhat sa Jerico upang lihim na magmanman sa lunsod ng Ai na nasa silangan ng Bethel at malapit sa Beth-aven. 3 Pagbabalik nila'y sinabi nila kay Josue, “Hindi na po kailangang pumaroon ang lahat. Magpadala lamang kayo ng mga dalawang libo hanggang tatlong libong mandirigma upang sumalakay sa lunsod ng Ai. Huwag na ninyong pagurin ang lahat, sapagkat maliit lang ang lunsod na iyon.” 4 Kaya't tatlong libong Israelita lang ang sumalakay sa Ai, ngunit sila'y naitaboy ng mga tagaroon. 5 Hinabol sila buhat sa pintuan ng lunsod hanggang sa tibagan ng bato. Tatlumpu't anim ang napatay sa kanila nang sila'y umatras pababa sa bundok, kaya't natakot sila at nasiraan ng loob.
6 Pinunit ni Josue at ng pinuno ng Israel ang kanilang kasuotan dahil sa matinding paghihinagpis. Nagpatirapa sila sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Naglagay din sila ng abo sa ulo bilang tanda ng kalungkutan hanggang sa paglubog ng araw. 7 At sinabi ni Josue, “Panginoong Yahweh, bakit pa ninyo kami pinatawid ng Ilog Jordan kung ipalilipol din lamang sa mga Amoreo? Mabuti pa'y nanatili na kami sa kabila ng Jordan! 8 Anong sasabihin ko, Panginoon, ngayong umatras sa labanan ang bayang Israel? 9 Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang naninirahan sa lupaing ito. Pagtutulung-tulungan nila kaming lipulin sa balat ng lupa. Wala po ba kayong gagawin upang ipagtanggol ang inyong dakilang pangalan?”
10 Sumagot si Yahweh, “Tumayo ka! Bakit ka nagpapatirapa nang ganyan? 11 Nagkasala ang bayang Israel! Sumira sila sa kasunduang ibinigay ko sa kanila sapagkat kumuha sila ng mga bagay na nakatakdang wasakin. Ninakaw nila ang mga iyon, itinago at isinama sa kanilang mga ari-arian. 12 Iyan ang dahilan kaya sila natalo ng kanilang kaaway. Natakot sila sapagkat sila rin ay dapat lipulin. Hindi ko na kayo tutulungan hanggang hindi ninyo isinusuko ang bagay na ipinagbabawal ko sa inyo. 13 Tumayo ka at sabihin mo sa bayan na maghanda sila bukas sa pagharap sa akin, sapagkat akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay ganito ang sasabihin: ‘Ikaw rin, Israel, ay dapat wasakin sapagkat may nagtatago sa inyo ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin. Hindi kayo makakaharap sa inyong mga kaaway hanggang hindi naaalis sa inyo ang mga bagay na iyan! 14 Kaya bukas ng umaga, haharap kayo sa akin ayon sa inyu-inyong lipi. Ang liping mapili ko ay hahanay ayon sa kani-kanilang angkan. Ang angkan naman na mapili ko ay hahanay rin ayon sa kani-kanilang sambahayan. At ang sambahayang mapili ko ay hahanay na isa-isa. 15 Ang kakitaan ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin ay siyang ihahagis sa apoy, kasama ang kanyang sambahayan at mga ari-arian, sapagkat hindi niya iginalang ang kasunduang ibinigay ko sa kanila at nagdulot siya ng napakalaking kahihiyan sa buong Israel.’”
16 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue at pinahanay ang buong Israel ayon sa kani-kanilang lipi, at napili ang lipi ni Juda. 17 Tinawag ang lipi ni Juda at napili ang angkan ni Zera. Tinawag ang angkan ni Zera at napili ang sambahayan ni Zabdi. 18 Tinawag ang sambahayan ni Zabdi at napili si Acan, na anak ni Karmi at apo ni Zabdi, na anak ni Zera. 19 Kaya't sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, nasa harapan ka ni Yahweh, ang Diyos ng Israel! Igalang mo ang kanyang pangalan. Magsabi ka ng totoo. Huwag kang magkakaila ng anuman! Ano ang ginawa mo?”
20 Sumagot si Acan, “Totoo pong nagkasala ako kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 21 Sa mga bagay na nasamsam ko sa Jerico, may nakita akong isang mamahaling balabal na yari sa Babilonia, halos walong librang pilak, at isang baretang ginto na mahigit pang dalawang libra. Kinuha ko ang mga iyon at ibinaon sa lupa, sa loob ng aking tolda. Nasa kailaliman po ang pilak.”
22 Nagsugo si Josue ng dalawang tao na patakbong pumunta sa tolda ni Acan. Nakabaon nga roon ang damit at nasa ilalim nito ang pilak. 23 Iniharap nila kay Josue at sa buong Israel ang lahat ng iyon, at inilatag sa harapan ni Yahweh. 24 Dinala ni Josue at ng buong bayan si Acan, gayundin ang pilak, ang damit, at ang barang ginto, sa Libis ng Kaguluhan. Isinama rin nila ang kanyang asawa, mga anak, mga baka, kabayo, at tupa, tolda at lahat niyang ari-arian. 25 At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami ipinahamak? Ikaw naman ngayon ang ipapahamak ni Yahweh.” At pinagbabato ng buong bayan si Acan at ang buo niyang sambahayan hanggang mamatay. Sinunog silang lahat kasama ng kanilang ari-arian. 26 Pagkatapos, tinabunan nila ng mga bato. Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.
Nawala ang galit ni Yahweh. Mula noon, ang pook na iyo'y tinawag na Libis ng Kaguluhan.
Ang Plano Laban sa Lunsod ng Ai
8 At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob. Tipunin mo ang lahat mong mga kawal at salakayin ninyo ang lunsod ng Ai. Ibibigay ko sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga tauhan, lunsod at mga lupain. 2 Gagawin ninyo sa Ai ang ginawa ninyo sa Jerico. Ngunit maaari ninyong kunin ang kanilang mga alagang hayop at mga ari-arian. Maghanda kayo at salakayin ninyo ang lunsod buhat sa likuran.”
3 Inihanda nga ni Josue ang lahat niyang kawal upang salakayin ang Ai. Pumili siya ng tatlumpung libong magigiting na kawal, at kinagabiha'y pinalabas ng kampo. 4 Ganito ang tagubilin niya sa kanila: “Magtago kayo sa dakong likuran ng lunsod, sa di kalayuan, at humanda kayong sumalakay sa anumang oras. 5 Kami ng mga kasama ko ay sasalakay sa harapan. Kapag hinabol kami ng mga taga-lunsod, aatras kami gaya ng ginawa natin noong nakaraan. 6 Aakalain nilang natakot kami tulad noong una, kaya hahabulin nila kami hanggang sa sila'y mapalayo sa lunsod. 7 Lalabas naman kayo sa inyong pinagtataguan at papasukin ninyo ang lunsod. Ito'y ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 8 Kapag nasakop na ninyo ang lunsod, sunugin ninyo ito, gaya ng sinabi ni Yahweh. Tandaan ninyo ang mga tagubilin kong ito.” 9 Pinalabas nga sila ni Josue, at sila'y nagtago sa dakong likuran ng Ai—sa pagitan nito at ng Bethel. Samantala, nanatili si Josue sa kampo kasama ng ibang tauhan ng Israel.
Ang Pagsakop sa Lunsod ng Ai
10 Kinabukasan, maaga pa'y bumangon na si Josue at tinipon ang buong hukbo. Siya at ang mga pinuno ng Israel ang nanguna patungo sa Ai. 11 Pumunta sila sa gawing bukana ng lunsod at nagtayo ng kampo sa harap niyon, sa gawing hilaga. Isang libis ang nasa pagitan nila at ng lunsod ng Ai. 12 Nagbukod si Josue ng limanlibong mandirigma na pinakubli niya sa kanluran ng lunsod—sa pagitan nito at ng Bethel. 13 Ganito ang hanay ng mga kawal sa simula ng labanan: ang pinakamalaking bahagi ay sa harapan sa dakong hilaga ng lunsod at ang mga nakakubling mandirigma, sa gawing kanluran naman. Sa libis na iyon nagpalipas ng gabi si Josue. 14 Hindi nag-aksaya ng panahon ang hari at ang mga taga-Ai nang makita ang pangkat ni Josue. Lumabas sila ng lunsod at nilusob ang hukbo ng Israel sa Kapatagan ng Jordan, sa dating pinaglabanan nila. Wala silang malay na may sasalakay sa kanilang likuran. 15 Si Josue naman at ang mga kasama niya'y nagkunwaring natatalo at umatras patungo sa ilang. 16 Kaya't hinabol sila ng lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa mapalayo sila sa lunsod. 17 Lahat ng lalaki sa Ai at sa Bethel ay sumama sa paghabol sa mga Israelita at naiwang walang bantay ang lunsod.
18 Noon sinabi ni Yahweh kay Josue, “Ituro mo sa Ai ang iyong sibat. Ito'y ibinibigay ko sa inyo ngayon.” Ganoon nga ang ginawa ni Josue. 19 Pagkataas ng kanyang kamay, naglabasan ang mga tauhan niya sa kanilang pinagtataguan. Pinasok nila ang lunsod at sinunog iyon. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nilang abot sa langit ang usok na nagmumula sa lunsod. Hindi naman sila makasulong o makaurong; bigla silang hinarap ng mga Israelitang hinahabol nilang patungo sa ilang. 21 Sapagkat nang makita ni Josue at ng mga Israelita na ang mga kasama nilang nakakubli'y pumasok na sa lunsod at ito'y nasusunog na, bumalik sila at pinagpapatay ang mga taga-Ai. 22 Dumagsa rin buhat sa lunsod ang mga Israelitang pumasok doon, kaya't ganap na napalibutan ang mga taga-Ai. Namatay silang lahat, at walang nakaligtas o nakatakas ni isa man. 23 Ang hari lang ang binihag nilang buháy at dinala kay Josue.
24 Napatay nga ng mga Israelita ang lahat ng humabol sa kanila. Pagkatapos, bumalik sila sa lunsod at nilipol din ang lahat ng naiwan doon. 25 Nang araw na iyon ay pinuksa nila ang lahat ng tao sa Ai, at may labindalawang libo ang namatay. 26 Patuloy na itinuro ni Josue sa Ai ang kanyang sibat hanggang sa mapatay ang lahat ng tagaroon. 27 Walang kinuha ang mga Israelita mula sa lunsod kundi ang mga baka at mga ari-arian, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Josue. 28 Sinunog ni Josue ang Ai at iniwang wasak tulad ng makikita hanggang sa ngayon. 29 Ipinabitay niya ang hari sa isang punongkahoy, at pinabayaan doon ang bangkay hanggang sumapit ang dilim. Paglubog ng araw, ipinababa niya ang bangkay at ipinatapon sa may pintuan ng lunsod. Pinatabunan niya iyon ng malalaking bato na makikita pa roon magpahanggang ngayon.
Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal
30 Nagtayo(M) si Josue ng isang altar sa Bundok ng Ebal para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 31 Mga(N) batong hindi tinapyas ng paet ang ginamit niya sa altar ayon sa bilin ni Moises at nasasaad sa Kautusan. Sa ibabaw ng altar na iyon ay nag-alay sila kay Yahweh ng mga handog na sinusunog at mga handog na pinagsasaluhan. 32 Sa lugar na iyon, sa harapan ng buong Israel, iniukit ni Josue sa mga bato ng altar ang kopya ng Kautusang isinulat ni Moises. 33 Lahat(O) ng Israelita, kasama ang mga matatanda, ang mga pinuno, at ang mga hukom, at pati ang mga dayuhang kasama nila, ay tumayo sa magkabilang panig ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, paharap sa mga paring Levita na may dala niyon. Ang kalahati ng bayan ay tumayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim, at ang kalahati'y sa tapat ng Bundok ng Ebal. Ganito ang utos ni Moises na gagawin nila pagsapit ng panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas. 34 Sa sandaling iyo'y binasa ni Josue ang Kautusan, ang mga pagpapala at ang mga sumpa, ayon sa nasusulat sa aklat ng Kautusan. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga Kautusan sa lahat ng taong naroon, pati sa mga babae at mga bata, at sa mga dayuhang kasama nila.
Nilinlang ng mga Taga-Gibeon si Josue
9 Ang mga tagumpay ng Israel ay nabalitaan ng lahat ng mga hari sa ibayo ng Jordan, sa kaburulan, sa kapatagan, at sa baybayin ng Dagat Mediteraneo hanggang sa Lebanon, sa dulong hilaga. Ang mga haring ito ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Cananeo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita, at ng mga Jebuseo 2 ay nagsama-sama upang lusubin si Josue at ang bayang Israel.
3 Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai, 4 umisip sila ng paraan upang malinlang si Josue. Nagdala sila ng pagkain at kinargahan nila ang kanilang mga asno ng mga lumang sako at mga sisidlang-balat na tagpi-tagpi. 5 Nagsuot sila ng mga pudpod at butas-butas na sandalyas, at damit na gula-gulanit. Matigas na at amagin pa ang baon nilang tinapay. 6 Pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal. Ganito ang sabi nila kay Josue at sa kasama niyang mga pinuno ng Israel: “Kami po'y galing pa sa malayong lupain; nais po naming makipagkasundo sa inyo!”
7 Ngunit(P) sumagot ang mga pinuno ng Israel, “Baka kayo'y mga tagarito. Hindi kami maaaring makipagtipan sa inyo.”
8 Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maglingkod sa inyo!”
Tinanong sila ni Josue, “Sino ba kayo? Saan kayo galing?”
9 At ganito ang kanilang salaysay: “Buhat po kami sa napakalayong lupain. Nagsadya po kami sa inyo sapagkat nabalitaan namin ang tungkol kay Yahweh, na inyong Diyos. Narinig po namin ang ginawa niya sa Egipto. 10 Nalaman(Q) din po namin ang ginawa niya sa dalawang haring Amoreo sa silangan ng Jordan: kay Sihon na hari ng Hesbon at kay Og na hari ng Bashan, na nakatira sa Astarot. 11 Kaya't isinugo po kami ng aming matatanda at mga kababayan. Nagdala po kami ng baon at naglakbay hanggang dito upang makipagkita sa inyo at paabutin sa inyo na kami'y handang maglingkod sa inyo! Marapatin po sana ninyong makipagkasundo sa amin. 12 Tingnan po ninyo ang tinapay na baon namin. Mainit pa po iyan nang umalis kami sa amin. Ngunit ngayo'y matigas na at amagin. 13 Bago pa rin ang mga sisidlang-balat na iyan nang aming lagyan. Tingnan po ninyo! Sira-sira at tagpi-tagpi na ngayon. Gula-gulanit na po itong aming kasuotan at pudpod na itong aming sandalyas dahil sa kalayuan ng aming nilakbay.”
14 Tinikman ng mga pinuno ng Israel ang mga pagkain ngunit hindi man lamang sumangguni kay Yahweh. 15 Kaya't nakipagkasundo sa kanila si Josue at nangako na hindi sila papatayin. Sumang-ayon din sa kasunduan ang mga pinuno ng Israel.
16 Tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nalaman ng mga Israelita na hindi pala taga malayo ang mga taong iyon, kundi tagaroon din sa lupaing iyon. 17 Kaya lumakad sila, at pagkatapos ng tatlong araw ay natagpuan nila ang mga tinitirhan ng mga taong iyon: ang mga lunsod ng Gibeon, Cefira, Beerot at Lunsod ng Jearim. 18 Ngunit hindi magawang patayin ng mga Israelita ang mga taong iyon sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nanumpa sa kanila sa pangalan ni Yahweh. At nagreklamo ang buong bayan laban sa pangyayaring iyon. 19 Kaya't nagpaliwanag ang mga pinuno, “Nakipagkasundo kami sa kanila sa ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Hindi natin sila maaaring saktan. 20 Kailangang igalang natin ang kanilang buhay; kung hindi, baka tayo parusahan ng Diyos dahil sa sumpang aming binitiwan sa kanila. 21 Hayaan ninyo silang mabuhay. Gagawin natin silang tagapangahoy at taga-igib.”
22 Ipinatawag naman ni Josue ang mga taga-Gibeon at kanyang sinabi, “Bakit ninyo kami nilinlang? Bakit ninyo sinabing kayo'y taga malayo, gayong tagarito pala kayo? 23 Dahil sa ginawa ninyo, isinusumpa kayo ng Diyos. Buhat ngayon, magiging alipin namin kayo, tagapangahoy at taga-igib sa bahay ng aking Diyos.”
24 Sumagot sila, “Ginawa po namin iyon sapagkat napatunayan namin na talagang iniutos ni Yahweh, na inyong Diyos, sa lingkod niyang si Moises na ipamahagi sa inyo ang mga lupaing ito at lipulin ang lahat ng taong nakatira dito. At ngayong kayo nga'y dumating na, natatakot po kaming baka kami'y lipulin ninyo. 25 Kami po'y nasa ilalim ng inyong kapangyarihan ngayon. Gawin po ninyo sa amin ang inyong mamarapatin.” 26 Kaya't ipinagtanggol ni Josue ang mga taong iyon at hindi pinabayaang patayin ng mga Israelita. 27 Subalit sila'y ginawa niyang mga alipin, tagapangahoy at taga-igib sa altar ni Yahweh. Nananatili sila sa kalagayang iyon hanggang ngayon, at naglilingkod sa altar ni Yahweh saanman sila kailanganin.
Nalupig ang mga Amoreo
10 Nabalitaan ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, na sinakop at tinupok ni Josue ang lunsod ng Ai. Nabalitaan din niya ang ginawa ni Josue sa hari at mga mamamayan ng Ai, at ang ginawa niya sa hari ng Jerico at sa mga tagaroon. Nalaman din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkasundo at naninirahang kasama ng mga Israelita. 2 Labis itong ikinabahala ng mga taga-Jerusalem, sapagkat ang Gibeon ay kasinlaki ng mga lunsod na may sariling hari, higit na malaki kaysa Ai, at magigiting ang mga mandirigma nito. 3 Kaya nagpadala ng mensahe si Adonizedec kay Hoham, hari ng Hebron; kay Piream, hari ng Jarmut; kay Jafia, hari ng Laquis; at kay Debir, hari ng Eglon. 4 Ganito ang kanyang ipinasabi: “Kailangan namin ang inyong tulong. Kailangang salakayin natin ang Gibeon sapagkat ang mga tagaroon ay nakipagkasundo kay Josue at sa mga Israelita.” 5 Nagkaisa nga ang limang haring Amoreo; ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon, at pinaligiran nila at sinalakay ang Gibeon.
Tinulungan ni Josue ang mga Taga-Gilgal
6 Nagpasabi naman kay Josue sa kampo ng Gilgal ang mga taga-Gibeon, “Huwag po ninyong pabayaan itong inyong mga abang alipin! Pumarito po kayong madali upang kami'y saklolohan. Iligtas ninyo kami! Pinagtutulung-tulungan po kami ng lahat ng mga haring Amoreong naninirahan sa kaburulan.”
7 Kaya nga't dumating si Josue buhat sa Gilgal, kasama ang kanyang buong hukbo pati ang magigiting niyang mandirigma. 8 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko na sila sa iyong mga kamay. Wala ni isa man sa kanilang makakatalo sa inyo.” 9 Magdamag na naglakbay si Josue at ang kanyang hukbo buhat sa Gilgal at bigla nilang sinalakay ang mga Amoreo. 10 Niloob ni Yahweh na magulo ang mga ito dahil sa takot nang makita ang hukbo ng Israel. Nilipol sila ng mga Israelita sa Gibeon; hinabol sila sa paglusong ng Beth-horon hanggang sa Azeka at sa Makeda. 11 Samantalang tumatakas sila sa paghabol ng mga Israelita, pinaulanan sila ni Yahweh ng malalaking tipak ng yelo buhat sa langit; umabot ito hanggang sa Azeka at napakaraming namatay. Mas marami pa ang namatay sa pagbagsak ng yelo kaysa tabak ng mga Israelita.
Tumigil ang Araw at ang Buwan
12 Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan:
“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon,
at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.”
13 Tumigil(R) nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon. 14 Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel.
Pinuksa ang mga Amoreo
15 Pagkatapos nito, si Josue at ang mga tauhan niya ay bumalik sa Gilgal.
16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa yungib ng Makeda. 17 Ngunit may nakaalam na doon sila nagtago, at ito'y ipinasabi kay Josue. 18 Kaya't iniutos ni Josue, “Takpan ninyo ng malalaking bato ang bunganga ng yungib at inyong pabantayan iyon. 19 Ngunit huwag kayong titigil doon. Habulin ninyo ang kaaway, unahan sila at harangin upang huwag makapasok sa kani-kanilang lunsod. Inilagay na sila ni Yahweh sa inyong kapangyarihan.” 20 At sila nga'y pinuksa ni Josue at ng kanyang mga kawal kahit may ilang nakatakbo at nakapasok sa mga napapaderang lunsod. 21 At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue.
Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita.
22 Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.” 23 Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon. 24 Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.” 26 Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy. 27 Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon.
Sinakop ni Josue ang Buong Bayan ng mga Amoreo
28 Nang araw ding iyon, nasakop ni Josue ang Makeda at pinatay ang hari roon. Nilipol din niya ang buong bayan at wala siyang itinirang buháy isa man. Ginawa niya sa hari ng Makeda ang ginawa niya sa hari ng Jerico.
29 Buhat sa Makeda, sinalakay naman ni Josue at ng mga Israelita ang Libna. 30 Ibinigay rin ni Yahweh sa kanilang kapangyarihan ang hari at ang lahat ng mamamayan doon. Pinatay nilang lahat ang mga tagaroon, at walang itinira isa man. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.
31 Pagkatapos nito, kinubkob naman at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Laquis. 32 Sa ikalawang araw ng labanan, muli silang pinagtagumpay ni Yahweh. Nilipol din nila ang lahat ng tagaroon tulad ng ginawa nila sa Libna. 33 Si Horam, na hari ng Gezer, ay sumaklolo sa mga taga-Laquis. Ngunit tinalo rin sila ni Josue at walang itinirang buháy sa kanyang mga tauhan.
34 Buhat sa Laquis, kinubkob at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Eglon. 35 Sa araw ring iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng tagaroon, tulad ng ginawa nila sa Laquis.
36 Pagkatapos nito, si Josue at ang buong hukbo ng Israel ay umakyat sa mga bulubundukin at sinalakay nila ang Hebron. 37 Nasakop nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon, buhat sa hari hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan. Gayundin ang ginawa nila sa mga karatig-bayan ng Hebron. Sinunog nila ang lunsod at walang iniwang buháy, gaya nang ginawa nila sa Eglon.
38 Hinarap naman ni Josue at ng buong hukbo ng Israel ang Debir. 39 Sinakop nila ang lunsod at ang mga karatig-bayan nito. Pinatay nila ang hari at nilipol ang lahat ng mamamayan. Ginawa rin nila sa Debir ang ginawa nila sa Hebron, sa Libna, at sa kanilang mga hari.
40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kaburulan sa silangan, ang mga nasa paanan ng mga bundok sa kanluran, pati ang mga lupain sa katimugan. Natalo nila ang mga hari sa mga lugar na ito at nilipol ang lahat ng naninirahan doon, at walang itinirang buháy ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain buhat sa Kades-barnea hanggang sa Gaza, pati ang nasasakupan ng Goshen hanggang sa Gibeon sa dakong hilaga. 42 Sinakop niya ang lahat ng mga lupain at mga kahariang ito sa loob lamang ng isang tuluy-tuloy na pananalakay sapagkat si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay kasama ng mga Israelita sa kanilang pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang buong hukbo ng Israel sa kampo ng Gilgal.
Tinalo ni Josue si Jabin at ang mga Kasama Nito
11 Nang mabalitaan ni Jabin, hari ng Hazor, ang ganitong mga pangyayari, nagpasabi siya kay Jobab, hari ng Madon, at sa mga hari ng Simron at Acsaf. 2 Pinabalitaan din niya ang mga hari sa kaburulan sa dakong hilaga, sa Kapatagan ng Jordan, sa timog ng lawa ng Cineret at sa kapatagan hanggang sa baybayin ng Dor sa gawing kanluran. 3 Nagpasabi rin siya sa mga Cananeo sa magkabilang panig ng Ilog Jordan, sa mga Amoreo, Heteo at Perezeo. Nagpadala rin siya ng mensahe sa mga Jebuseo na naninirahan sa kaburulan, at sa mga Hivita na naninirahan sa paanan ng Bundok Hermon, sa lupain ng Mizpa. 4 Dumating lahat ang mga haring iyon, kasama ang kanilang mga sandatahang lakas. Halos sindami ng buhangin sa tabing-dagat ang bilang ng kanilang hukbo. Napakarami rin ng kanilang mga kabayo at mga karwaheng pandigma. 5 Nagkaisa ang mga haring iyon na pag-isahin ang kanilang mga pwersa at sama-sama silang nagkampo sa may batisan ng Merom upang salakayin ang Israel.
6 Ngunit sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Asahan mo, bukas sa ganito ring oras, lilipulin ko silang lahat para sa Israel. Lalagutan ninyo ng litid upang mapilay ang kanilang mga kabayo at susunugin ang kanilang mga karwahe.” 7 Kaya't sila'y biglang sinalakay ni Josue at ng kanyang mga kawal sa may batis ng Merom. 8 Pinagtagumpay ni Yahweh ang mga Israelita. Hinabol nila ang mga kaaway hanggang sa Dakilang Sidon at sa Misrefot-mayim sa gawing hilaga, at hanggang sa Libis ng Mizpa sa gawing silangan. Nagpatuloy ang labanan hanggang walang natirang buháy sa mga kaaway. 9 Ginawa sa kanila ni Josue ang utos ni Yahweh, pinilayan niya ang mga kabayo at sinunog ang kanilang mga karwahe.
10 Pagkatapos, bumalik si Josue, sinakop ang Hazor at pinatay ang hari roon. Nang panahong iyon, ang Hazor ang kinikilalang pinakamakapangyarihang lunsod sa mga kahariang iyon. 11 Sinunog ng mga Israelita ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon—walang itinira ni isa man. 12 Natalo ni Josue ang lahat ng mga haring iyon at sinakop ang kanilang mga lunsod. Pinatay niyang lahat ang mga tao roon, gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Yahweh. 13 Maliban sa Hazor na sinunog ni Josue, hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lunsod na nasa burol. 14 Sinamsam ng mga Israelita ang kanilang mahahalagang kagamitan at mga baka. Ngunit pinatay nila ang mga tao roon at walang itinirang buháy. 15 Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises, at ibinigay naman ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises.
Sinakop ni Josue ang Buong Lupain
16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon: ang kaburulan at ang mga nasa paanan ng bundok na nasa hilaga at timog, ang buong saklaw ng Goshen, at ang tuyong bahagi sa katimugan nito, pati ang Kapatagan ng Jordan. 17 Buhat sa Bundok Halac paahon sa Seir hanggang sa Baal-gad sa Kapatagan ng Lebanon, sa may paanan ng Bundok Hermon, ay nasakop lahat ni Josue at pinatay ang kanilang mga hari. 18 Matagal ding dinigma ni Josue ang mga bansang ito. 19 Walang nakipagkasundo sa Israel kundi ang mga Hivita na naninirahan sa Gibeon. 20 Ipinahintulot(S) ni Yahweh na mahigpit silang makipaglaban sa mga Israelita, upang walang awa silang lipuling lahat at matupok ang kanilang mga lunsod, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Moises.
21 Nang panahon ding iyon, sinalakay ni Josue ang lahi ng mga higante na tinatawag na mga Anaceo sa kaburulan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kaburulan ng Juda at Israel. Sila'y nilipol niya, 22 kaya't walang natirang Anaceo sa lupain ng Israel. Sa Gaza, sa Gat at sa Asdod lamang may natirang ilan. 23 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, at ipinamahagi sa bawat lipi ng Israel, upang paghati-hatian ng lahat ng bumubuo ng bawat lipi.
Pagkatapos nito, namuhay na nang mapayapa ang mga Israelita sa lupaing iyon.