Josue 9
Magandang Balita Biblia
Nilinlang ng mga Taga-Gibeon si Josue
9 Ang mga tagumpay ng Israel ay nabalitaan ng lahat ng mga hari sa ibayo ng Jordan, sa kaburulan, sa kapatagan, at sa baybayin ng Dagat Mediteraneo hanggang sa Lebanon, sa dulong hilaga. Ang mga haring ito ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Cananeo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita, at ng mga Jebuseo 2 ay nagsama-sama upang lusubin si Josue at ang bayang Israel.
3 Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai, 4 umisip sila ng paraan upang malinlang si Josue. Nagdala sila ng pagkain at kinargahan nila ang kanilang mga asno ng mga lumang sako at mga sisidlang-balat na tagpi-tagpi. 5 Nagsuot sila ng mga pudpod at butas-butas na sandalyas, at damit na gula-gulanit. Matigas na at amagin pa ang baon nilang tinapay. 6 Pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal. Ganito ang sabi nila kay Josue at sa kasama niyang mga pinuno ng Israel: “Kami po'y galing pa sa malayong lupain; nais po naming makipagkasundo sa inyo!”
7 Ngunit(A) sumagot ang mga pinuno ng Israel, “Baka kayo'y mga tagarito. Hindi kami maaaring makipagtipan sa inyo.”
8 Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maglingkod sa inyo!”
Tinanong sila ni Josue, “Sino ba kayo? Saan kayo galing?”
9 At ganito ang kanilang salaysay: “Buhat po kami sa napakalayong lupain. Nagsadya po kami sa inyo sapagkat nabalitaan namin ang tungkol kay Yahweh, na inyong Diyos. Narinig po namin ang ginawa niya sa Egipto. 10 Nalaman(B) din po namin ang ginawa niya sa dalawang haring Amoreo sa silangan ng Jordan: kay Sihon na hari ng Hesbon at kay Og na hari ng Bashan, na nakatira sa Astarot. 11 Kaya't isinugo po kami ng aming matatanda at mga kababayan. Nagdala po kami ng baon at naglakbay hanggang dito upang makipagkita sa inyo at paabutin sa inyo na kami'y handang maglingkod sa inyo! Marapatin po sana ninyong makipagkasundo sa amin. 12 Tingnan po ninyo ang tinapay na baon namin. Mainit pa po iyan nang umalis kami sa amin. Ngunit ngayo'y matigas na at amagin. 13 Bago pa rin ang mga sisidlang-balat na iyan nang aming lagyan. Tingnan po ninyo! Sira-sira at tagpi-tagpi na ngayon. Gula-gulanit na po itong aming kasuotan at pudpod na itong aming sandalyas dahil sa kalayuan ng aming nilakbay.”
14 Tinikman ng mga pinuno ng Israel ang mga pagkain ngunit hindi man lamang sumangguni kay Yahweh. 15 Kaya't nakipagkasundo sa kanila si Josue at nangako na hindi sila papatayin. Sumang-ayon din sa kasunduan ang mga pinuno ng Israel.
16 Tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nalaman ng mga Israelita na hindi pala taga malayo ang mga taong iyon, kundi tagaroon din sa lupaing iyon. 17 Kaya lumakad sila, at pagkatapos ng tatlong araw ay natagpuan nila ang mga tinitirhan ng mga taong iyon: ang mga lunsod ng Gibeon, Cefira, Beerot at Lunsod ng Jearim. 18 Ngunit hindi magawang patayin ng mga Israelita ang mga taong iyon sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nanumpa sa kanila sa pangalan ni Yahweh. At nagreklamo ang buong bayan laban sa pangyayaring iyon. 19 Kaya't nagpaliwanag ang mga pinuno, “Nakipagkasundo kami sa kanila sa ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Hindi natin sila maaaring saktan. 20 Kailangang igalang natin ang kanilang buhay; kung hindi, baka tayo parusahan ng Diyos dahil sa sumpang aming binitiwan sa kanila. 21 Hayaan ninyo silang mabuhay. Gagawin natin silang tagapangahoy at taga-igib.”
22 Ipinatawag naman ni Josue ang mga taga-Gibeon at kanyang sinabi, “Bakit ninyo kami nilinlang? Bakit ninyo sinabing kayo'y taga malayo, gayong tagarito pala kayo? 23 Dahil sa ginawa ninyo, isinusumpa kayo ng Diyos. Buhat ngayon, magiging alipin namin kayo, tagapangahoy at taga-igib sa bahay ng aking Diyos.”
24 Sumagot sila, “Ginawa po namin iyon sapagkat napatunayan namin na talagang iniutos ni Yahweh, na inyong Diyos, sa lingkod niyang si Moises na ipamahagi sa inyo ang mga lupaing ito at lipulin ang lahat ng taong nakatira dito. At ngayong kayo nga'y dumating na, natatakot po kaming baka kami'y lipulin ninyo. 25 Kami po'y nasa ilalim ng inyong kapangyarihan ngayon. Gawin po ninyo sa amin ang inyong mamarapatin.” 26 Kaya't ipinagtanggol ni Josue ang mga taong iyon at hindi pinabayaang patayin ng mga Israelita. 27 Subalit sila'y ginawa niyang mga alipin, tagapangahoy at taga-igib sa altar ni Yahweh. Nananatili sila sa kalagayang iyon hanggang ngayon, at naglilingkod sa altar ni Yahweh saanman sila kailanganin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.