Add parallel Print Page Options

16 “Sinabi ko ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananalig sa akin. Ititiwalag kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag dumating na ang oras na gagawin na nila ang mga ito, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo tungkol sa kanila.”

Ang Gawain ng Espiritu Santo

“Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. Subalit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit pag-alis ko, isusugo ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kanyang patutunayan na mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol ng Diyos. Patutunayan niya ang tungkol sa kanilang kasalanan sapagkat hindi sila naniwala sa akin. 10 Patutunayan niya ang tungkol sa katuwiran sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; 11 at ang tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito.

12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin sa ngayon. 13 Ngunit(A) pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. 14 Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”

Kalungkutang Magiging Kagalakan

16 “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.”

17 Nag-usap-usap ang ilan sa kanyang mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin na kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ 18 Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”

19 Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ 20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at tatangis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan.

21 “Kapag manganganak na ang isang babae, siya'y nalulungkot sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, nakakalimutan na niya ang kanyang paghihirap; sapagkat nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.

22 “Gayundin naman, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. 23 Sa araw na iyon, hindi na ninyo kailangang humingi sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”

Pagtatagumpay sa Pangalan ni Jesus

25 “Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinghaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. 27 Mahal kayo ng Ama sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos.[a] 28 Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo'y aalis na ako sa sanlibutan at babalik na sa Ama.”

29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! 30 Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.”

31 Sumagot si Jesus, “Talaga bang naniniwala na kayo? 32 Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwan ninyo ako. Gayunma'y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”

Footnotes

  1. Juan 16:27 Diyos: Sa ibang manuskrito'y Ama .