Juan 15
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga nito. 2 Tinatanggal niya sa akin ang bawat sangang hindi namumunga. Bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pa itong mamunga. 3 Malilinis na kayo dahil sa salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako'y mananatili sa inyo. Hindi makapamumungang mag-isa ang sanga malibang manatili ito sa puno, gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. 5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay namumunga nang sagana, sapagkat hindi kayo makagagawa ng anuman kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nananatili sa akin ay itinatapon tulad ng sanga. Ito'y natutuyo, at ang gayong mga sanga ay tinitipon at inihahagis sa apoy, at sinusunog. 7 Kung nananatili kayo sa akin, at ang mga salita ko'y nananatili sa inyo, hilingin ninyo anumang ibig ninyo, at ito'y ipagkakaloob sa inyo. 8 Kayo'y mamunga nang sagana at maging mga alagad ko, sa ganitong paraan ay napaparangalan ang aking Ama. 9 Kung paanong minahal ako ng Ama, minamahal ko rin kayo; manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang mga utos ko, mananatili kayo sa pag-ibig ko, kung paanong tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. 11 Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang mapasainyo ang aking kagalakan, at ang kagalakan ninyo ay maging lubos. 12 (A)Ito ang aking utos: kayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang hihigit pa sa pag-ibig ng taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung sumusunod kayo sa ipinag-uutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip itinuturing ko kayong mga kaibigan, sapagkat lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin sa halip ako ang pumili sa inyo. Isinugo ko kayo upang humayo at mamunga ng mga bungang nananatili sa inyo. Sa gayon, anumang hilingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ipagkakaloob sa inyo. 17 Ito ang ipinag-uutos ko sa inyo: mahalin ninyo ang isa't isa. 18 Kung kinapopootan kayo ng sanlibutan, dapat ninyong malaman na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo ay kabilang sa sanlibutan, mamahalin kayo ng sanlibutan bilang kabahagi nito. Dahil hindi kayo kabilang sa sanlibutan, sa halip ay pinili ko kayo mula sa sanlibutan, kaya kinapopootan kayo nito. 20 (B)Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang aliping mas dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako ay pinahirapan nila, pahihirapan din nila kayo. Kung sinunod nila ang salita ko, susunod din sila sa salita ninyo. 21 Subalit gagawin nila ang lahat ng ito sa inyo dahil sa taglay ninyo ang pangalan ko, at hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi mahahayag na sila'y nagkasala, ngunit ngayon, wala na silang maidadahilan para sa kanilang pagkakasala. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa Ama. 24 Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawang wala pang sinumang nakagawa, hindi mahahayag na sila'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nakita na nila ang mga gawa ko, gayunma'y kinapopootan nila ako at ang aking Ama. 25 (C)Ito ay katuparan ng salita na nakasulat sa kanilang kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’ 26 Pagdating ng Kaagapay na aking isusugo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na darating mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At maging kayo ay magpapatotoo sapagkat kayo ay kasama ko mula pa sa simula.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.