Joel 3
Ang Biblia, 2001
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
3 “Sapagkat, narito, sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, kapag aking ibinalik ang kayamanan ng Juda at Jerusalem,
2 aking titipunin ang lahat ng bansa at ibababa ko sila sa libis ni Jehoshafat; at hahatulan ko sila roon, dahil sa aking bayan at dahil sa aking manang Israel, sapagkat kanilang pinangalat sila sa mga bansa, at pinaghatian ang aking lupain,
3 at nagsapalaran para sa aking bayan, at kanilang ibinigay ang isang batang lalaki dahil sa isang babaing upahan, at ipinagbili ang isang batang babae dahil sa alak, at ininom iyon.
4 “Ano(A) (B) kayo sa akin, O Tiro at Sidon, at buong lupain ng Filistia? Binabayaran ba ninyo ako dahil sa isang bagay? Kung ako'y inyong binabayaran, mabilis at madali kong gagantihan ang inyong gawa sa inyong sariling ulo.
5 Sapagkat inyong kinuha ang aking pilak at ginto, at inyong dinala sa inyong mga templo ang aking mga kayamanan.
6 Inyong ipinagbili ang mga anak ng Juda at Jerusalem sa mga taga-Grecia, at inilayo sila sa kanilang sariling hangganan.
7 Ngunit ngayon ay gigisingin ko sila sa dako na inyong pinagbilhan sa kanila, at aking sisingilin ang inyong gawa sa inyong sariling ulo.
8 At aking ipagbibili ang inyong mga anak na lalaki at babae sa kamay ng mga anak ni Juda, at kanilang ipagbibili sila sa mga Sabeo, sa isang bansang malayo; sapagkat nagsalita ang Panginoon.”
9 Ipahayag ninyo ito sa mga bansa:
Maghanda kayo ng pakikidigma,
pasiglahin ninyo ang malalakas na lalaki.
Magsilapit ang lahat ng lalaking mandirigma,
sila'y magsiahon.
10 Gawin(C) ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod,
at mga sibat ang inyong mga karit;
hayaang sabihin ng mahina, “Ako'y malakas.”
11 Magmadali kayo, at magsiparito
kayong lahat ng bansa sa palibot,
magtipun-tipon kayo roon.
Ibaba mo ang iyong mga malalakas, O Panginoon.
12 Pasiglahin ng mga bansa ang kanilang sarili,
at sila'y umahon sa libis ni Jehoshafat;
sapagkat doo'y uupo ako upang hatulan
ang lahat ng bansa sa palibot.
13 Gamitin(D) ninyo ang karit,
sapagkat ang aanihin ay hinog na.
Pumasok kayo, at inyong yapakan,
sapagkat ang pisaan ng alak ay puno.
Ang imbakan ng alak ay inaapawan,
sapagkat ang kanilang kasamaan ay napakalaki.
14 Napakarami, napakarami,
ang nasa libis ng pagpapasiya!
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na
sa libis ng pagpapasiya.
15 Ang araw at ang buwan ay nagdidilim,
at pinipigil ng mga bituin ang kanilang pagningning.
Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan
16 At(E) ang Panginoon ay sumisigaw mula sa Zion,
at binibigkas ang kanyang tinig mula sa Jerusalem;
at ang langit at ang lupa ay nayayanig.
Ngunit ang Panginoon ay kanlungan sa kanyang bayan,
at muog sa mga anak ni Israel.
17 “At inyong malalaman na ako ang Panginoon ninyong Diyos,
na naninirahan sa Zion, na aking banal na bundok.
Kung magkagayo'y magiging banal ang Jerusalem,
at hindi na ito daraanan ng mga dayuhan.
18 “At sa araw na iyon,
ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak,
at ang mga burol ay dadaluyan ng gatas,
at ang lahat ng batis ng Juda ay dadaluyan ng tubig;
at isang bukal ay lalabas mula sa bahay ng Panginoon,
at didiligin ang libis ng Shittim.
19 “Ang Ehipto ay masisira,
at ang Edom ay magiging ilang na sira,
dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda,
sapagkat sila'y nagpadanak ng dugong walang sala sa kanilang lupain.
20 Ngunit ang Juda'y tatahanan magpakailanman,
at ang Jerusalem sa lahat ng salinlahi.
21 Ipaghihiganti ko ang kanilang dugo
at hindi ko pawawalang-sala ang nagkasala,
sapagkat ang Panginoon ay naninirahan sa Zion.”