Joel 1-3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
1 Ito ang mensahe ng Panginoon na ipinahayag niya kay Joel na anak ni Petuel.
Sinira ng mga Balang ang mga Tanim
2 Kayong mga tagapamahala ng Juda at ang lahat ng inyong mamamayan, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo. Wala pang nangyari na katulad nito noong kapanahunan ng inyong mga ninuno o sa panahon ninyo ngayon. 3 Kailangang isalaysay ito sa bawat henerasyon ng inyong lahi.
4 Sunud-sunod na sumalakay ang mga pulutong ng balang. Ang mga naiwan na tanim na hindi naubos ng unang pulutong ay kinain ng sumunod na pulutong hanggang sa naubos ang mga tanim.[a]
5 Kayong mga lasenggo, bumangon kayo at umiyak nang malakas! Sapagkat wala na kayong maiinom; wala nang bunga ang mga ubas na gagawing alak. 6 Ang lupain ng Panginoon[b] ay sinalakay ng napakaraming balang.[c] Matalas ang kanilang mga ngipin na parang mga ngipin ng leon. 7 Sinira nila ang mga tanim na ubas ng Panginoon at ang kanyang mga puno ng igos. Nginatngat nila ang mga balat nito hanggang sa mamuti ang mga sanga.
8 Umiyak kayo katulad ng isang dalaga[d] na nakadamit ng sako[e] na namatayan ng binatang mapapangasawa. 9 Sapagkat wala nang butil o inumin na maihahandog sa templo ng Panginoon, kaya nalulungkot ang mga paring naglilingkod sa kanya. 10 Nasira ang mga bukirin na parang taong nagdadalamhati. Nasira na ang mga trigo, at wala na ang katas ng ubas at langis.
11 Kayong mga magsasaka, dapat kayong malungkot! Kayong mga tagapangalaga ng ubasan, umiyak kayo nang malakas! Sapagkat nasira ang aanihing mga trigo at sebada. 12 Nalanta ang mga tanim na ubas at ang lahat ng puno, pati na ang mga igos, pomegranata, palma, at mansanas. Talagang nawala ang kaligayahan ng mga tao.
Panawagan ng Pagsisisi
13 Kayong mga pari na naglilingkod sa altar ng aking Dios, magsuot kayo ng sako at pumunta sa templo at umiyak buong magdamag. Sapagkat wala nang butil o inumin na ihahandog sa templo ng inyong Dios. 14 Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda at sa lahat ng kanyang mamamayan na pumunta silang lahat sa templo ng Panginoon na inyong Dios at mag-ayuno. Humingi sila ng tulong sa Panginoon.
15 Naku! Malapit na ang araw ng pagpaparusa ng Panginoong Makapangyarihan. 16 Nakita natin mismo kung paano tayo nawalan ng pagkain at kung paano nawala ang kagalakan sa templo ng Dios. 17 Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa. At dahil natuyo ang mga butil, wala nang laman ang mga bodega, kaya nagiba na lamang ang mga ito. 18 Umaatungal ang mga hayop dahil sa gutom. Gumagala ang mga baka na naghahanap ng makakain, pati ang mga tupa ay nahihirapan na rin.
19 Nanalangin si Joel: Panginoon, nananawagan po ako sa inyo, dahil natuyo na ang mga pastulan at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin, na parang nilamon ng apoy. 20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumadaing sa inyo, dahil tuyong-tuyo na ang mga ilog at mga sapa, at tuyo na rin ang mga pastulan, na parang nilamon ng apoy.
Ang Pagparusa ng Panginoon ay Inihalintulad sa Pagsalakay ng mga Balang
2 Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang mga tao sa Zion,[f] ang banal[g] na bundok ng Panginoon. Lahat kayong nakatira sa Juda, manginig kayo sa takot, dahil malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon. 2 Magiging maulap at madilim ang araw na iyon. Kakalat ang napakaraming balang[h] sa mga kabundukan na parang sinag ng araw kapag nagbubukang-liwayway. Wala pang nangyaring kagaya nito noon, at hindi na mangyayari ang katulad nito kahit kailan.
3 Sunud-sunod na sumalakay ang mga balang na parang apoy.[i] Bago sila dumating ang lupain ay parang halamanan ng Eden. Pero nang masalakay na nila, para na itong disyerto. Wala silang halaman na itinira. 4 Parang kabayo ang kanilang anyo, at mabilis sila tulad ng mga kabayong pandigma. 5 Ang ingay ng kanilang paglukso sa ibabaw ng mga bundok ay parang mga karwaheng tumatakbo at parang ingay ng nasusunog na dayami. Tulad sila ng makapangyarihang hukbo na handang makipagdigma. 6 Ang mga taong makakakita sa kanila ay mamumutla sa takot. 7-8 Sumasalakay sila at umaakyat sa mga pader na parang mga sundalo. Diretso ang kanilang paglakad at hindi lumilihis sa kanilang dinadaanan. Hindi sila nagtutulakan, at kahit masalubong nila ang mga sandata ng kaaway, hindi sila naghihiwa-hiwalay. 9 Sinasalakay nila ang lungsod at inaakyat ang mga pader nito. Inaakyat nila ang mga bahay at pumapasok sa mga bintana na parang magnanakaw. 10 Nayayanig ang lupa at ang langit sa kanilang pagdating. At nagdidilim ang araw at ang buwan, at nawawalan ng liwanag ang mga bituin.
11 Inuutusan ng Panginoon ang kanyang hukbo – ang napakarami at makapangyarihang mga balang – at sumusunod sila sa kanyang utos. Nakakatakot ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Sino ang makakatagal dito?
Panawagan upang Magbalik-loob sa Dios
12 Sinabi ng Panginoon na ito na ang panahon para magbalik-loob kayo sa kanya nang buong puso, na nag-aayuno, nananangis at nagdadalamhati. 13 Magsisi kayo nang buong puso at hindi pakitang-tao lamang sa pamamagitan ng pagpunit ng inyong mga damit. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, dahil mahabagin siya at maalalahanin. Mapagmahal siya at hindi madaling magalit. Handa siyang magbago ng isip upang hindi na magpadala ng parusa. 14 Baka sakaling magbago ang isip ng Panginoon na inyong Dios at pagpalain kayo ng masaganang ani, para makapaghandog kayo sa kanya ng mga butil at inumin.
15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion upang ipaalam sa mga tao na magtipon sila at mag-ayuno. 16 Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis at magtipon kayong lahat, bata at matanda, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. 17 Umiyak sa pagitan ng altar at ng balkonahe ng templo ang mga pari na naglilingkod sa Panginoon, at manalangin sila ng ganito: “Panginoon, maawa po kayo sa mga mamamayang pag-aari ninyo. Huwag nʼyo pong payagan na hiyain sila at sakupin ng ibang bansa na nagsasabing, ‘Nasaan ang inyong Dios?’ ”
Pagpapalain ng Panginoon ang Juda
18 Nagmamalasakit ang Panginoon sa kanyang bayan at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan. 19 At bilang sagot sa kanilang dalangin sasabihin niya sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng mga butil, bagong katas ng ubas, at langis, at mabubusog kayo. Hindi ko papayagang hiyain kayo ng ibang bansa. 20 Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo mula sa hilaga at itataboy ko sila sa disyerto. Itataboy ko ang unang pulutong nila sa Dagat na Patay[j] at ang huling pulutong ay itataboy ko sa Dagat ng Mediteraneo.[k] At babaho ang kanilang mga bangkay.”
Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Panginoon. 21 Hindi dapat matakot ang lupain ng Juda, sa halip dapat itong magalak dahil sa kamangha-manghang ginawa ng Panginoon. 22 Huwag matakot ang mga hayop, dahil luntian na ang mga pastulan at namumunga na ang mga punongkahoy, pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.
23 Kayong mga taga-Zion, magalak kayo sa ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan at nasundan pa ito gaya ng dati para ipakita na matuwid siya. 24 Mapupuno ng butil ang mga giikan, at aapaw ang bagong katas ng ubas at langis sa mga pisaan nito. 25 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo noong mga panahon na sinalakay ang inyong mga pananim ng sunud-sunod na pulutong ng mga balang na iyon. Ako ang nagpadala sa inyo ng napakalaking pulutong ng mga balang. 26 Magkakaroon na kayo ngayon ng saganang pagkain at lubusang mabubusog. At dahil dito, pupurihin ninyo ako na inyong Dios, na gumawa ng mga kamangha-manghang bagay na iyon. At kayo na aking mga mamamayan ay hindi na mapapahiya kailanman. 27 Malalaman ninyo na akoʼy sumasainyo na mga taga-Israel, at ako lamang ang Panginoon na inyong Dios at wala nang iba pa. Kayo na aking mga mamamayan ay hindi na nga mapapahiya kailanman.
Ang mga Pagpapalang Espiritwal
28 “At pagkatapos, ibibigay ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip, at ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain. 29 Sa mga araw na iyon, ibibigay ko rin ang aking Espiritu sa mga utusang lalaki at babae. 30 Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa: May makikitang dugo, apoy, at makapal na usok. 31 Magdidilim ang araw at pupula ang buwan na parang dugo. Mangyayari ito bago dumating ang nakakatakot na araw ng paghuhukom ng Panginoon.”
32 Ang sinumang hihingi ng tulong sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating. Sapagkat ayon sa sinabi ng Panginoon, may matitirang mga Israelita sa Bundok ng Zion, ang Jerusalem. Sila ang mga pinili ng Panginoon na maliligtas.
Parurusahan ang mga Bansa
3 Sinabi ng Panginoon, “Sa panahong iyon na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Juda at Jerusalem,[l] 2 titipunin ko ang mga bansa at dadalhin ko sila sa Lambak ni Jehoshafat.[m] Doon ko sila hahatulan dahil sa kanilang ginawa sa mga Israelita na aking mamamayan na pag-aari ko. Pinangalat nila ang mga Israelita sa ibaʼt ibang bansa at pinaghati-hatian ang aking lupain. 3 Nagpalabunutan sila para paghati-hatian ang aking mga mamamayan, at ipinagbili nila bilang alipin ang mga batang lalaki at babae, upang ibili ng alak at ibayad sa babaeng bayaran.
4 “Kayong mga taga-Tyre, taga-Sidon, at ang lahat ng lugar ng Filistia, ano ba itong ginagawa ninyo laban sa akin? Ginagantihan ba ninyo ako sa mga bagay na aking ginawa? Kung ganoon, gagantihan ko agad kayo sa inyong ginagawa.[n] 5 Sapagkat kinuha ninyo ang aking mga ginto at pilak at iba pang mamahaling bagay at dinala ninyo ito roon sa inyong mga templo. 6 Ipinagbili ninyo sa mga Griego ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem bilang mga alipin, upang mailayo ninyo sila sa sarili nilang bayan. 7 Pero tutulungan ko silang makaalis sa mga bayang sa mga bayang pinagbilhan ninyo sa kanila, at gagawin ko sa inyo ang inyong ginawa sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda, at ipagbibili naman nila ang mga ito sa mga taga-Sabea[o] na nakatira sa malayong lugar.” Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
9 Ipaalam ito sa mga bansa: Humanda kayo sa pakikipagdigma. Tawagin ninyo ang inyong mga sundalo upang sumalakay. 10 Gawin ninyong mga espada ang sudsod ng inyong mga araro at gawin ninyong mga sibat ang inyong mga panggapas. Kahit ang mahihina ay kailangang makipaglaban. 11 Pumarito kayo, lahat kayong mga bansang nasa paligid, at magtipon kayo doon sa Lambak ni Jehoshafat. Panginoon, papuntahin nʼyo na po roon ang inyong hukbo.[p]
12 Sinabi ng Panginoon, “Kailangang hikayatin ang mga bansa sa paligid na pumunta sa Lambak ni Jehoshafat, dahil doon ko sila hahatulan. 13 Para silang mga aanihin na kailangan nang gapasin dahil hinog na, o parang ubas na kailangan nang pisain dahil puno na ng ubas ang pisaan. Ubod sila ng sama; ang kanilang kasalanan ay parang katas ng ubas na umaapaw sa sisidlan nito.”
14 Napakaraming tao ang naroon sa Lambak ng Paghatol, dahil malapit nang dumating ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. 15 Magdidilim ang araw at ang buwan, at hindi na magliliwanag ang mga bituin. 16 Aatungal na parang leon ang Panginoon mula sa Zion;[q] dadagundong ang kanyang tinig mula sa Jerusalem. Kaya mayayanig ang lupa at langit. Pero ang Panginoon ang matibay na kanlungan para sa mga Israelita na kanyang mamamayan.
Ang mga Pagpapalang para sa mga Mamamayan ng Dios
17 Sinabi ng Panginoon, “Malalaman ninyong mga taga-Juda na ako, ang Panginoon na inyong Dios, ay nakatira sa Zion, ang aking banal na bundok. Magiging banal muli ang Jerusalem; hindi na ito muling lulusubin ng ibang bansa. 18 Sa panahong iyon, pagpapalain ko kayo. Magiging sagana ang inyong bagong katas ng ubas na mula sa maraming ubas sa mga bundok. Magiging sagana rin ang inyong gatas mula sa maraming baka at kambing na nanginginain sa mga burol. At hindi na matutuyuan ang inyong mga sapa at ilog. At may bukal mula sa templo ng Panginoon na dadaloy sa lambak na may mga punong akasya.[r]
19 “Ang Egipto ay magiging malungkot na lugar at ang Edom ay magiging ilang, dahil pinagmalupitan nila ang mga taga-Juda; pinatay nila ang mga taong walang kasalanan. 20 Pero ang Juda at ang Jerusalem ay titirhan magpakailanman. 21 Ipaghihiganti ko ang mga pinatay sa aking mga mamamayan. Parurusahan ko ang mga gumawa nito sa kanila.[s] Ako, ang Panginoon na nakatira sa Zion.”
Footnotes
- 1:4 Maaari rin na ang sinasabi ng talatang ito ay ang apat na klaseng balang o ang apat na “stages” ng paglaki ng balang.
- 1:6 lupain ng Panginoon: sa literal, aking lupain, na siyang Juda.
- 1:6 napakaraming balang: sa literal, mga bansa. Maaaring ang mga balang na ito ay kumakatawan sa mga bansang sasalakay sa Juda.
- 1:8 dalaga: o, birhen.
- 1:8 nakadamit ng sako: tanda ng pagluluksa.
- 2:1 Zion: Isa ito sa mga tawag sa Jerusalem.
- 2:1 banal: o, pinili.
- 2:2 balang: sa literal, tao o bansa. Maaaring ang mga balang na ito ay kumakatawan sa mga taong sasalakay sa Juda.
- 2:3 Sunud-sunod … apoy: sa literal, Sa kanilang harapan at sa likuran ay may apoy na sumusunog. Maaaring ang ibig sabihin ay sa harapan at sa likuran ng isang kawan ng mga balang ay mayroon pang mga kawan ng balang. Tingnan sa 1:4 at 2:20.
- 2:20 Dagat na Patay: sa Hebreo, dagat sa silangan.
- 2:20 Dagat ng Mediteraneo: sa Hebreo, dagat sa kanluran.
- 3:1 ibabalik … Jerusalem: o, pababalikin ko ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem sa kanilang lupain mula sa pagkabihag.
- 3:2 Jehoshafat: Ang ibig sabihin, naghahatol ang Panginoon.
- 3:4 Ang ginagawa ng mga bansang ito laban sa Israel ay para na rin nilang ginagawa laban sa Panginoon.
- 3:8 Sabea: Isang lugar sa timog-kanluran ng Arabia.
- 3:11 Panginoon … hukbo: Sa Syriac, At doon ay lilipulin ng Panginoon ang inyong mga kawal.
- 3:16 Zion: Isa sa mga tawag sa Jerusalem.
- 3:18 na may mga punong akasya: o, ng Shitim.
- 3:21 Ipaghihiganti … sa kanila: Ito ang nasa Septuagint at Syriac. Sa Hebreo, Ituturing ko na walang kasalanan ang mga pinatay sa kanila na hindi ko pa naituring na walang kasalanan. O, Patatawarin ko ang mga pagpatay nila na hindi ko pa napapatawad.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®