Job 6
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sumagot si Job
6 Sumagot si Job,
2 “Kung matitimbang lang ang dinaranas kong pagtitiis at paghihirap, 3 mas mabigat pa ito kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Iyan ang dahilan kung bakit nagsasalita ako nang hindi ko pinag-iisipan nang mabuti. 4 Sapagkat para akong pinana ng Makapangyarihan na Dios ng panang nakakalason, at ang lason nitoʼy kumalat sa buo kong katawan. Ang nakakatakot na pana ng Dios ay nakatusok na sa akin. 5 Wala ba akong karapatang dumaing? Kahit asnong-gubat at baka ay umaatungal kapag walang damo. 6 Ang tao namaʼy nagrereklamo kapag walang asin ang kanyang pagkain, lalo naʼt kung ang kakainin ay puti lang ng itlog. 7 Ako man ay wala ring ganang kainin iyan, para akong masusuka.
8 “Nawaʼy ibigay ng Dios sa akin ang aking kahilingan. Matanggap ko na sana ang aking hinahangad, 9 na bawiin na lang sana ng Dios ang aking buhay. 10 At kapag itoʼy nangyari, masaya pa rin ako, dahil sa kabila ng aking paghihirap hinding-hindi ko itinakwil ang mga salita ng Banal na Dios.
11 “Ngunit pagod na akong maghintay at wala na rin akong maaasahan pa. Bakit kailangang patagalin pa ang buhay ko? 12 Kasingtibay ba ako ng bato at gawa ba sa tanso ang katawan ko? Hindi! 13 Wala na akong lakas para iligtas ang sarili ko. Wala na rin akong pagkakataong magtagumpay pa.
14 “Bilang mga kaibigan nais kong damayan ninyo ako sa paghihirap kong ito, kahit na sa tingin ninyoʼy itinakwil ko na ang Dios na Makapangyarihan. 15 Pero kayong mga itinuturing kong kapatid ay hindi pala maaasahan; para kayong sapa na kung minsan ay umaapaw ang tubig at kung minsan naman ay tuyo. 16 Itoʼy umaapaw kapag napupuno ng tunaw na yelo at nyebe, 17 at natutuyo kapag tag-init. 18 Kapag dumaan doon ang mga naglalakbay, wala silang tubig na maiinom, kaya pagdating nila sa ilang namamatay sila. 19 Ang mga mangangalakal na nagmula sa Tema at Sheba na naglalakbay ay umaasang makakainom sa sapa, 20 pero nabigo sila. Umaasa silang may tubig doon pero wala pala. 21 Ang sapa na iyon ang katulad ninyo. Wala rin kayong naitutulong sa akin. Natakot kayo nang makita ninyo ang nakakaawa kong kalagayan. 22 Pero bakit? Humingi ba ako ng regalo sa inyo? Nakiusap ba ako na tulungan ninyo ako mula sa inyong kayamanan, 23 o iligtas sa kamay ng aking mga kaaway? 24 Hindi! Ang pakiusap ko lamang ay sabihin ninyo sa akin ang tamang sagot sa nangyayari sa akin, at tatahimik na ako. Sabihin ninyo sa akin kung ano ang nagawa kong pagkakamali. 25 Hindi baleng masakit ang sasabihin ninyo bastaʼt iyon ay totoo. Pero ang ibinibintang ninyo sa akin ay hindi totoo at hindi ninyo mapatunayan. 26 Gusto ninyong ituwid ang mga sinasabi ko, dahil para sa inyo, ang aking sinasabi bilang desperadong tao ay walang kabuluhan. 27 Bakit, kayo baʼy matuwid? Nagagawa nga ninyong ipaalipin ang isang ulila, o di kayaʼy ipagbili ang isang kaibigan! 28 Tingnan ninyo ako. Sa tingin ba ninyoʼy magsisinungaling ako sa inyo? 29 Tigilan na ninyo ang paghatol sa akin, dahil wala akong kasalanan. 30 Akala ba ninyo ay nagsisinungaling ako, at hindi ko alam kung ano ang tama at mali?
Job 6
Ang Biblia (1978)
Inilarawan ni Job ang kaniyang pagkasawi.
6 Nang magkagayo'y sumagot si Job at nagsabi,
2 Oh timbangin nawa ang aking pagkainip,
At ang aking mga kasakunaan ay malagay sa mga timbangan na magkakasama.
3 Sapagka't ngayo'y (A)magiging lalong mabigat kay sa buhangin sa mga dagat:
Kaya't ang aking pananalita ay napabigla.
4 Sapagka't ang mga (B)palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasasaksak sa akin,
Ang lason niyaon ay hinitit ng aking diwa;
Ang mga (C)pangkilabot ng Dios ay nangahahanay laban sa akin.
5 Umuungal ba ang mailap na asno pag may damo?
O umuungal ba ang baka sa kaniyang pagkain?
6 Makakain ba ng walang asin ang matabang?
O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Tinatanggihang hipuin ng aking kaluluwa;
Mga karumaldumal na pagkain sa akin.
8 Oh mangyari nawa ang (D)aking kahilingan;
At ipagkaloob nawa sa akin ng Dios ang bagay na aking minimithi!
9 Sa makatuwid baga'y kalugdan nawa ng Dios na pisain ako;
Na bitawan ang kaniyang kamay, at ihiwalay ako!
10 Kung magkagayo'y magtataglay pa ako ng kaaliwan;
Oo, ako'y makapagbabata sa mga walang awang sakit;
Sapagka't hindi ko itinakuwil ang mga salita (E)ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, na ako'y maghihintay?
At ano ang aking wakas na ako'y magtitiis?
12 Ang akin bang tibay ay tibay ng mga bato?
O ang akin bang laman ay tanso?
13 Di ba ako'y walang sukat na kaya,
At ang karunungan ay lumayo sa akin?
Ang kadayaan at kalupitan ng kaniyang mga kaibigan.
14 (F)Siyang nanglulupaypay ay dapat pagpakitaang loob ng kaniyang kaibigan;
Kahit siya na walang takot sa Makapangyarihan sa lahat.
15 Ang aking mga kapatid ay nagsipagdaya na parang batis,
Na parang daan ng mga batis na nababago;
16 Na malabo dahil sa hielo,
At siyang kinatunawan ng nieve:
17 Paginit ay nawawala:
Pagka mainit, ay nangatutunaw sa kanilang dako.
18 Ang mga pulutong na naglalakbay sa pagsunod sa mga yaon ay nangaliligaw;
Nagsisilihis sa ilang at nawawala.
19 Minasdan ng mga pulutong (G)na mula sa Tema,
Hinintay ang mga yaon ng mga pulutong na mula sa (H)Seba.
20 Sila'y nangapahiya, sapagka't sila'y nagsiasa;
Sila'y nagsiparoon at nangatulig.
21 Sapagka't ngayon, kayo'y nauwi sa wala;
Kayo'y nangakakakita ng kakilabutan, at nangatatakot.
22 Sinabi ko baga: Bigyan mo ako?
O, Maghandog ka ng isang kaloob sa akin ng iyong pagaari?
23 O, Iligtas mo ako sa kamay ng kaaway?
O, Tubusin mo ako sa kamay ng mga namimighati?
24 Turuan mo ako, at ako'y mamamayapa;
At ipaunawa mo sa akin kung ano ang aking pinagkasalahan.
25 Pagkatindi nga ng mga salita ng katuwiran!
Nguni't anong sinasaway ng iyong pakikipagtalo?
26 Iniisip ba ninyong sumaway ng mga salita?
Dangang ang mga salita ng walang inaasahan ay parang hangin.
27 Oo, kayo'y magsasapalaran sa ulila,
At ginawa ninyong (I)kalakal ang inyong kaibigan.
28 Ngayon nga'y kalugdan mong lingapin ako;
Sapagka't tunay na hindi ako magbubulaan sa iyong harap.
29 (J)Kayo'y magsibalik isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kalikuan;
Oo, kayo'y magsibalik uli, ang aking usap ay matuwid.
30 May di ganap ba sa aking dila?
Hindi ba makapapansin ang aking pagwawari ng mga suwail na bagay?
Job 6
Ang Biblia, 2001
Inilarawan ni Job ang Kanyang Kasawian
6 Pagkatapos ay sumagot si Job at sinabi,
2 “O tinimbang sana ang aking pagkayamot,
at lahat ng aking mga sakuna ay inilagay sana sa mga timbangan.
3 Sapagkat kung gayon iyon ay magiging mas mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya't ang aking mga salita ay naging padalus-dalos.
4 Sapagkat ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasa akin,
iniinom ng aking espiritu ang kanilang lason;
ang mga kilabot ng Diyos ay nakahanay laban sa akin.
5 Umuungal ba ang mailap na asno kapag mayroon siyang damo?
O inuungalan ba ng baka ang kanyang pagkain?
6 Ang wala bang lasa ay makakain nang walang asin?
O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Wala akong ganang hawakan ang mga iyon;
ang mga iyon ay parang nakakapandiring pagkain sa akin.
8 “Makamit ko nawa ang aking kahilingan;
at ipagkaloob nawa ng Diyos ang aking minimithi;
9 na kalugdan nawa ng Diyos na durugin ako;
na ibitaw niya ang kanyang kamay, at putulin ako!
10 Ito nga ang magiging kaaliwan ko;
magsasaya pa ako sa walang tigil na sakit;
sapagkat hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, upang ako'y maghintay?
At ano ang aking wakas upang ako'y magtiis?
12 Ang lakas ko ba ay lakas ng mga bato,
o ang laman ko ba ay tanso?
13 Sa totoo ay walang tulong sa akin,
at anumang mapagkukunan ay inilayo sa akin.
Ang Daya at Lupit ng Kanyang mga Kaibigan
14 “Siyang nagkakait ng kagandahang-loob sa kanyang kaibigan
ay nagtatakuwil ng takot sa Makapangyarihan sa lahat.
15 Ang aking mga kapatid ay mapandayang tulad sa batis,
na parang daluyan ng mga batis na lumilipas,
16 na madilim dahil sa yelo,
malabo dahil sa natutunaw na niyebe.
17 Sa panahon ng init, sila'y nawawala;
kapag mainit, sila'y nawawala sa kanilang kinalalagyan.
18 Ang mga pangkat ng manlalakbay ay lumilihis sa kanilang daan;
umaakyat sila sa pagkapahamak at namamatay.
19 Tumitingin ang mga pulutong ng manlalakbay mula sa Tema,
umaasa ang mga manlalakbay mula sa Sheba.
20 Sila'y nabigo, sapagkat sila'y nagtiwala;
sila'y pumaroon at sila'y nalito.
21 Naging ganyan kayo ngayon sa akin,
nakikita ninyo ang aking kasawian at kayo'y natatakot.
22 Sinabi ko ba: ‘Bigyan ninyo ako ng kaloob?’
O, ‘Mula sa inyong yaman ay handugan ninyo ako ng suhol?’
23 O, ‘Iligtas ninyo ako mula sa kamay ng kaaway?’
O, ‘Tubusin ninyo ako mula sa kamay ng mga manlulupig?’
24 “Turuan ninyo ako, at ako'y tatahimik;
ipaunawa ninyo sa akin kung paano ako nagkamali.
25 Napakatindi ng mga tapat na salita!
Ngunit ang inyong saway, ano bang sinasaway?
26 Sa akala ba ninyo ay masasaway ninyo ang mga salita,
gayong ang mga salita ng taong sawi ay hangin?
27 Magpapalabunutan nga kayo para sa ulila,
at magtatawaran para sa inyong kaibigan.
28 “Subalit ngayon, tumingin kayo sa akin na may kaluguran,
sapagkat hindi ako magsisinungaling sa inyong harapan.
29 Bumalik kayo, isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kamalian.
Oo, kayo'y magsibalik, nakataya rito ang aking katuwiran.
30 May masama ba sa aking dila?
Hindi ba nakakabatid ng kasawian ang aking panlasa?
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
