Job 42
Ang Dating Biblia (1905)
42 Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,
2 Nalalaman ko na magagawa mo ang lahat ng mga bagay, at wala kang akala na mapipigil.
3 Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman? Kaya't aking sinambit na hindi ko nauunawa, mga bagay na totoong kagilagilalas sa akin na hindi ko nalalaman.
4 Dinggin mo, isinasamo ko sa iyo, at ako'y magsasalita; ako'y magtatanong sa iyo, at magpahayag ka sa akin.
5 Narinig kita sa pakikinig ng pakinig; nguni't ngayo'y nakikita ka ng aking mata,
6 Kaya't ako'y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.
7 At nangyari, na pagkatapos na masalita ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay Eliphaz na Temanita, Ang aking poot ay nagaalab laban sa iyo, at laban sa iyong dalawang kaibigan: sapagka't hindi kayo nangagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.
8 Kaya't magsikuha kayo sa inyo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at magsiparoon kayo sa aking lingkod na kay Job, at ihandog ninyo sa ganang inyo na pinakahandog na susunugin: at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job: sapagka't siya'y aking tatanggapin, baka kayo'y aking gawan ng ayon sa inyong kamangmangan; sapagka't hindi kayo nangagsasalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng aking lingkod na si Job.
9 Sa gayo'y nagsiyaon si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon: at nilingap ng Panginoon si Job.
10 At inalis ng Panginoon ang pagkabihag ni Job, nang kaniyang idalangin ang kaniyang mga kaibigan; at binigyan ng Panginoon si Job na makalawa ang higit ng dami kay sa tinatangkilik niya ng dati.
11 Nang magkagayo'y nagsiparoon sa kaniya ang lahat niyang mga kapatid na lalake at babae, at lahat na naging kakilala niya ng una, at nagsikain ng tinapay na kasalo niya sa kaniyang bahay; at nakipagdamdam sa kaniya, at inaliw siya tungkol sa lahat na kasamaan na pinasapit sa kaniya ng Panginoon: bawa't tao nama'y nagbigay sa kaniya ng isang putol na salapi, at bawa't isa'y ng isang singsing na ginto.
12 Sa gayo'y pinagpala ng Panginoon, ang huling wakas ni Job na higit kay sa kaniyang pasimula: at siya'y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae.
13 Siya nama'y nagkaroon din ng pitong anak na lalake at tatlong anak na babae.
14 At tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima; at ang pangalan ng ikalawa, Cesiah, at ang pangalan ng ikatlo, Keren-hapuch.
15 At sa buong lupain ay walang mga babaing masumpungan na totoong maganda na gaya ng mga anak na babae ni Job: at binigyan sila ng kanilang ama ng mana sa kasamahan ng kanilang mga kapatid.
16 At pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isang daan at apat na pung taon, at nakita niya ang kaniyang mga anak, at ang mga anak ng kaniyang mga anak, hanggang sa apat na saling lahi.
17 Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan.
Job 42
Ang Biblia (1978)
Nagsisi si Job ng kaniyang kasalanan.
42 Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,
2 (A)Nalalaman ko na magagawa mo ang lahat ng mga bagay,
At wala kang akala na mapipigil.
3 (B)Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman?
Kaya't aking sinambit na hindi ko nauuunawa,
(C)Mga bagay na totoong kagilagilalas sa akin na hindi ko nalalaman.
4 Dinggin mo, isinasamo ko sa iyo, at ako'y magsasalita;
Ako'y magtatanong sa iyo, at magpahayag ka sa akin.
5 Narinig kita sa pakikinig ng pakinig;
Nguni't ngayo'y nakikita ka ng aking mata,
6 Kaya't ako'y (D)nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako
Sa alabok at mga abo.
Nagalab ang poot ng Panginoon sa tatlong kaibigan ni Job.
7 At nangyari, na pagkatapos na masalita ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay (E)Eliphaz na Temanita, Ang aking poot ay nagaalab laban sa iyo, at laban sa iyong dalawang kaibigan: sapagka't hindi kayo nangagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.
8 Kaya't magsikuha kayo sa inyo ngayon ng (F)pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at magsiparoon kayo sa aking lingkod na kay Job, at ihandog ninyo sa ganang inyo na pinakahandog na susunugin: at (G)idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job: sapagka't siya'y aking tatanggapin, baka kayo'y aking gawan ng ayon sa inyong kamangmangan; sapagka't hindi kayo nangagsasalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng aking lingkod na si Job.
9 Sa gayo'y nagsiyaon si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon: at nilingap ng Panginoon si Job.
10 (H)At inalis ng Panginoon ang pagkabihag ni Job, nang kaniyang idalangin ang kaniyang mga kaibigan; at binigyan ng Panginoon si Job (I)na makalawa ang higit ng dami kay sa tinatangkilik niya ng dati.
11 Nang magkagayo'y nagsiparoon sa kaniya ang lahat (J)niyang mga kapatid na lalake at babae, at lahat na naging kakilala niya ng una, at nagsikain ng tinapay na kasalo niya sa kaniyang bahay; at nakipagdamdam sa kaniya, at inaliw siya tungkol sa lahat na kasamaan na pinasapit sa kaniya ng Panginoon: bawa't tao nama'y nagbigay sa kaniya ng isang putol na salapi, at bawa't isa'y ng isang singsing na ginto.
12 Sa gayo'y pinagpala ng Panginoon, (K)ang huling wakas ni Job na higit kay sa kaniyang pasimula: at siya'y (L)nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae.
13 (M)Siya nama'y nagkaroon din ng pitong anak na lalake at tatlong anak na babae.
14 At tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima; at ang pangalan ng ikalawa, Cesiah, at ang pangalan ng ikatlo, Keren-hapuch.
15 At sa buong lupain ay walang mga babaing masumpungan na totoong maganda na gaya ng mga anak na babae ni Job: (N)at binigyan sila ng kanilang ama ng mana sa kasamahan ng kanilang mga kapatid.
16 At pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isang daan at apat na pung taon, at nakita niya ang kaniyang mga anak, at ang mga anak ng kaniyang mga anak, hanggang sa apat na saling lahi.
17 Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan.
Job 42
Ang Biblia, 2001
Kinilala ni Job ang Kanyang Pagkakamali
42 Pagkatapos ay sumagot si Job sa Panginoon, at sinabi,
2 “Alam kong magagawa mo ang lahat ng mga bagay,
at wala kang layunin na mahahadlangan.
3 ‘Sino(A) itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman?’
Kaya't aking nasambit ang hindi ko nauunawaan,
mga bagay na lubhang kahanga-hanga para sa akin, na hindi ko nalalaman.
4 ‘Makinig(B) ka at magsasalita ako;
tatanungin kita at sa akin ay ipahayag mo.’
5 Narinig kita sa pakikinig ng tainga,
ngunit ngayo'y nakikita ka ng aking mata,
6 kaya't ako'y namumuhi sa sarili ko,
at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”
7 Pagkatapos na masabi ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay Elifaz na Temanita, “Ang aking poot ay nag-aalab laban sa iyo at sa iyong dalawang kaibigan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.
8 Kaya't kumuha kayo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at pumunta kayo sa aking lingkod na si Job. Maghandog kayo para sa inyo ng handog na sinusunog, at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job. Tatanggapin ko ang kanyang panalangin na huwag kayong pakitunguhan ayon sa inyong kamangmangan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng aking lingkod na si Job.”
9 Sa gayo'y humayo si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon, at tinanggap ng Panginoon ang panalangin ni Job.
Muling Pinagpala ng Diyos si Job
10 At(C) ibinalik ng Panginoon ang kayamanan ni Job, nang kanyang idalangin ang kanyang mga kaibigan. At dinoble ng Panginoon ang dating kayamanan ni Job.
11 Nang magkagayo'y pumunta sa kanya ang lahat niyang mga kapatid na lalaki at babae, at lahat na naging kakilala niya nang una, at kumain ng tinapay na kasalo niya sa kanyang bahay. Nakiramay sila sa kanya, at inaliw siya tungkol sa lahat ng kasamaan na ibinigay sa kanya ng Panginoon. Bawat tao'y nagbigay sa kanya ng isang pirasong salapi,[a] at singsing na ginto.
12 Sa gayo'y pinagpala ng Panginoon ang mga huling araw ni Job na higit kaysa kanyang pasimula. Siya'y nagkaroon ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, isang libong magkatuwang na baka, at isang libong asnong babae.
13 Siya'y nagkaroon din ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.
14 Tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima, ang ikalawa ay Keziah, at ang ikatlo ay Keren-hapuch.
15 At sa buong lupain ay walang mga babaing natagpuang kasingganda ng mga anak na babae ni Job, at binigyan sila ng kanilang ama ng mana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki.
16 Pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isandaan at apatnapung taon, at nakita niya ang kanyang mga anak, at ang mga anak ng kanyang mga anak, hanggang sa apat na salinlahi.
17 At namatay si Job, matanda na at puspos ng mga araw.
Footnotes
- Job 42:11 Sa Hebreo ay qesitah .
Job 42
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
42 Sinabi ni Job sa Panginoon,
2 “Alam ko pong magagawa nʼyo ang lahat ng bagay, at walang sinumang makapipigil sa inyo. 3 Ako poʼy tinanong nʼyo kung bakit ako nag-aalinlangan sa inyong karunungan, gayong wala naman akong nalalaman. Totoo pong nagsalita ako ng mga bagay na hindi ko naiintindihan at mga bagay na sa hindi ko lubos maunawaan.
4 “Nakipag-usap po kayo sa akin at sinabi nʼyong makinig ako sa inyo at sagutin ko ang mga tanong ninyo. 5 Noon ay naririnig ko lang po sa iba ang tungkol sa inyo, pero ngayon ay nakita ko na kayo. 6 Kaya ako ay nahihiya sa lahat ng sinabi ko tungkol sa inyo, ako po ngayon ay nagsisisi sa pamamagitan ng pag-upo sa abo at alikabok.”[a]
Ang Katapusan
7 Pagkatapos sabihin ng Panginoon kay Job ang mga bagay na ito, sinabi niya kay Elifaz na taga-Teman, “Galit ako sa iyo at sa dalawa mong kaibigan, dahil hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin katulad ng ginawa ni Job na aking lingkod. 8 Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong lalaking tupa at dalhin ninyo kay Job, at ialay ninyo sa akin bilang handog na sinusunog para sa inyong sarili. Si Job ay mananalangin para sa inyo at sasagutin ko ang kanyang panalangin, at hindi ko kayo parurusahan nang nararapat sa inyong kamangmangan. Hindi nga ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin katulad ng ginawa ni Job na aking lingkod.”
9 Kaya ginawa nina Elifaz na taga-Teman, Bildad na taga-Shua at Zofar na taga-Naama ang iniutos ng Panginoon sa kanila. At sinagot ng Panginoon ang dalangin ni Job.
10 Pagkatapos maipanalangin ni Job ang kanyang mga kaibigan, muli siyang pinaunlad ng Panginoon at dinoble pa niya ang dating kayamanan ni Job. 11 Lahat ng kapatid niya at mga kaibigan noon ay nagpunta sa kanya at nagsalo-salo sila sa kanyang bahay. Inaliw nila si Job sa kahirapang pinasapit sa kanya ng Panginoon. At bawat isa sa kanilaʼy nagbigay kay Job ng pera at gintong singsing.
12 Sa gayoʼy lalong pinagpala ng Panginoon ang mga huling araw ni Job ng higit pa kaysa sa dati. Binigyan siya ng Panginoon ng 14,000 tupa, 6,000 kamelyo, 1,000 pares ng baka, at 1,000 babaeng asno. 13 Binigyan din siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 14 Ang panganay niyang babae ay si Jemima, ang pangalawa ay si Kezia, at ang pangatlo ay si Keren Hapuc. 15 Walang babaeng mas gaganda pa kaysa sa kanila sa buong lupain.[b] Binigyan sila ni Job ng mana katulad ng kanilang mga kapatid na lalaki.
16 Pagkatapos nitoʼy nabuhay pa si Job ng 140 taon. Nakita pa niya ang kanyang mga apo hanggang sa ikaapat na salinlahi. 17 Matandang-matanda na si Job nang siya ay namatay.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
