Job 40
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
40 Sinabi pa ng Panginoon kay Job, 2 “Makikipagtalo ka ba sa akin na Makapangyarihang Dios? Sinasabi mong nagkamali ako. Ngayon, sagutin mo ako.” 3 Kaya sinagot ni Job ang Panginoon,
4 “Hindi po ako karapat-dapat na sumagot sa inyo. Tatahimik na lang po ako. 5 Marami na akong nasabi, kaya hindi na po ako magsasalita.” 6 Muling sinabi ng Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo,
7 “Ihanda mo ang iyong sarili, at sagutin mo ang mga tanong ko.
8 “Gusto mo bang patunayan na mali ako para palabasin na ikaw ang tama? 9 Ikaw baʼy makapangyarihang tulad ko? Magagawa mo bang parang kulog ang tinig mo na katulad ng sa akin? 10 Kung magagawa mo iyan, patunayan mo na ikaw ngaʼy makapangyarihan, marangal at dakila. 11-12 Ipakita mo ang matindi mong galit sa taong mayayabang at ibagsak sila. Wasakin mo ang taong masasama sa kanilang kinatatayuan. 13 Ilibing mo silang lahat sa lupa, sa lugar ng mga patay. 14 Kapag nagawa mo ang mga ito, ako ang pupuri sa iyo at tatanggapin ko na may kakayahan ka ngang iligtas ang iyong sarili.
15 “Tingnan mo ang hayop na Behemot,[a] nilalang ko rin siya katulad mo. Kumakain ito ng damo na tulad ng baka, 16 pero napakalakas nito, at napakatibay ng katawan. 17 Ang buntot niyaʼy tuwid na tuwid na parang kahoy ng sedro, at ang mga hitaʼy matipuno. 18 Ang mga buto nitoʼy kasintibay ng tubong tanso o bakal. 19 Kahanga-hanga siya sa lahat ng aking nilalang. Pero ako na Manlilikha niya ay hindi niya matatalo. 20 Nanginginain siya sa mga kabundukan habang naglalaro ang mga hayop sa gubat malapit sa kanya. 21 Nagpapahinga siya sa matitinik na halamang natatabunan ng talahib. 22 Ang mga halamang matinik at ang iba pang mga punongkahoy sa tabi ng batis ay nagiging kanlungan niya. 23 Hindi siya natatakot kahit na rumaragasa ang tubig sa ilog. Tahimik pa rin siya kahit halos natatabunan na siya ng tubig sa Ilog ng Jordan. 24 Sino ang makakahuli sa kanya sa pamamagitan ng pagbulag sa kanya? Sino ang makakabitag sa kanya at makakakawit sa ilong niya?
Footnotes
- 40:15 hayop na Behemot: Maaaring isang elepante o hipopotamus o dambuhalang hayop panlupa.
Job 40
Ang Biblia, 2001
40 At sumagot ang Panginoon kay Job at sinabi:
2 “Ang mapaghanap ng kamalian ay makikipagtalo ba sa Makapangyarihan sa lahat?
Siyang nakikipagtalo sa Diyos, ay sagutin niya ito.”
3 Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,
4 “Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo?
Aking inilalagay ang aking kamay sa bibig ko,
5 minsan ay nagsalita ako, at hindi ako tutugon;
makalawa, at hindi na ako magpapatuloy.”
6 Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo:
7 “Tulad sa isang lalaki'y magbigkis ka ng iyong baywang;
tatanungin kita, at sa akin ay iyong ipaalam.
8 Pati ba ako'y ilalagay mo sa kamalian?
Upang ikaw ay ariing ganap, ako ba'y iyong hahatulan?
9 Mayroon ka bang kamay na tulad sa Diyos?
Makakapagpakulog ka ba ng tinig na gaya niya?
10 “Maggayak ka ngayon ng karilagan at karangalan,
magbihis ka ng kaluwalhatian at karingalan.
11 Ang pag-uumapaw ng iyong galit ay ibuhos mong lahat,
tunghayan mo ang bawat palalo, at siya'y gawin mong hamak.
12 Masdan mo ang bawat mayabang, at pababain mo siya;
at yapakan mo ang masama sa kinatatayuan nila.
13 Silang lahat sa alabok ay sama-samang itago mo;
talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako.
14 Kung magkagayo'y kikilalanin ko sa iyo,
na mabibigyan ka ng tagumpay ng kanang kamay mo.
15 “Masdan mo, ang Behemot[a]
na aking ginawa kung paanong ika'y aking ginawa;
siya'y kumakain ng damo na gaya ng baka.
16 Masdan mo, ang lakas niya'y nasa kanyang mga balakang,
at ang kapangyarihan niya'y nasa kalamnan ng kanyang tiyan.
17 Pinapatigas niya ang kanyang buntot na sedro ang katulad,
ang mga litid ng kanyang mga hita ay magkakalapat.
18 Mga tubong tanso ang mga buto niya,
parang mga baretang bakal ang kanyang mga paa.
19 “Sa mga gawa ng Diyos ang pangunahin ay siya;
tanging ang lumalang sa kanya, ang makapaglalapit ng kanyang espada!
20 Sapagkat ang nagbibigay sa kanya ng pagkain ay ang mga bundok
na doo'y naglalaro ang lahat ng maiilap na hayop.
21 Sa lilim ng punong lotus siya'y nahihimlay,
sa puwang ng mga tambo, at sa mga latian.
22 Ang mga puno ng lotus, siya'y lumililim;
ang mga sangang batis sa kanya'y nakapaligid.
23 Narito, hindi siya natatakot kung ang ilog man ay nagngangalit;
siya'y tiwasay bagaman rumagasa ang Jordan sa kanyang bibig.
24 Mayroon bang makakakuha sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga mata,
o matutuhog ang kanyang ilong ng isang silo?
Footnotes
- Job 40:15 BEHEMOT: Maaaring hippopotamus .
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
