Job 4
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Unang Sagutan(A)
4 Sinabi ni Elifaz na Temaneo,
2 “Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
3 Marami na ring tao ang iyong naturuan,
at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
4 Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
5 Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
6 Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.
7 “Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
8 Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
9 Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.
12 “Minsan, ako ay may narinig,
salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(B) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14 Ako'y sinakmal ng matinding takot,
ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’
Job 4
Ang Biblia, 2001
Ang Unang Pagsasalita ni Elifaz: Pinatunayan Niya ang Katarungan ng Diyos
4 Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi,
2 “Kung may isang mangahas magsalita sa iyo, magdaramdam ka ba?
Ngunit sinong makakapigil ng pagsasalita?
3 Tingnan mo, marami kang tinuruan,
at pinalakas mo ang mahihinang kamay.
4 Ang mga salita mo ay umalalay sa mga natitisod,
at pinalakas mo ang mahihinang tuhod.
5 Subalit ngayo'y inabutan ka nito, at ikaw ay naiinip;
ito'y nakarating sa iyo, at ikaw ay balisa.
6 Hindi ba ang iyong takot sa Diyos ay ang iyong tiwala,
at ang katapatan ng iyong mga lakad ang iyong pag-asa?
7 “Isipin mo ngayon, sino ba ang walang sala na napahamak?
O saan ang mga matuwid ay winasak?
8 Ayon sa aking nakita, ang mga nag-aararo ng kasamaan
at naghahasik ng kaguluhan ay gayundin ang inaani.
9 Sa hininga ng Diyos sila'y namamatay,
at sa bugso ng kanyang galit sila'y natutupok.
10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon,
at ang mga ngipin ng mga batang leon ay nababali.
11 Ang malakas na leon ay namamatay dahil walang nasisila,
at ang mga anak ng inahing leon ay nagkalat.
Ang Kawalang Kabuluhan ng Tao sa Harapan ng Diyos
12 “Ngayo'y may salitang dinala sa akin nang lihim,
at tinanggap ng aking tainga ang bulong niyon.
13 Sa(A) gitna ng mga pag-iisip mula sa mga panggabing pangitain,
kapag ang mahimbing na tulog sa mga tao ay dumarating;
14 ang takot ay dumating sa akin, at ang pangingilabot,
na nagpanginig sa lahat ng aking mga buto.
15 At dumaan ang isang espiritu sa harap ng aking mukha;
ang balahibo ng aking balat ay nagtindigan.
16 Tumayo iyon,
ngunit hindi ko mawari ang anyo niyon.
Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata;
nagkaroon ng katahimikan, at ako'y nakarinig ng isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang taong may kamatayan sa harapan ng Diyos?
Maaari bang maging malinis ang tao sa harapan ng kanyang Lumikha?
18 Maging sa kanyang mga lingkod ay hindi siya nagtitiwala,
at ang kanyang mga anghel ay pinaparatangan niya ng kamalian;
19 gaano pa kaya silang tumatahan sa mga bahay na putik,
na ang pundasyon ay nasa alabok,
na napipisang gaya ng gamu-gamo.
20 Sa pagitan ng umaga at gabi, sila ay nawawasak;
sila'y namamatay magpakailanman na walang pumapansin.
21 Kung nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila,
hindi ba sila'y namamatay na walang karunungan?’
Job 4
Ang Dating Biblia (1905)
4 Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
2 Kung tikman ng isa na makipagusap sa iyo, ikababalisa mo ba? Nguni't sinong makapipigil ng pagsasalita?
3 Narito, ikaw ay nagturo sa marami, at iyong pinalakas ang mahinang mga kamay.
4 Ang iyong mga salita ay nagsialalay sa nangabubuwal, at iyong pinalakas ang mahinang mga tuhod.
5 Nguni't ngayo'y dinaratnan ka ng kasamaan, at ikaw ay nanglulupaypay; ginagalaw ka, at ikaw ay nababagabag.
6 Hindi ba ang iyong takot sa Dios ay ang iyong tiwala, at ang iyong pagasa ay ang pagtatapat ng iyong mga lakad?
7 Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, kung sino ang namatay, na walang malay? O saan nangahiwalay ang mga matuwid?
8 Ayon sa aking pagkakita yaong nagsisipagararo ng kasamaan, at nangaghahasik ng kabagabagan ay gayon din ang inaani.
9 Sa hinga ng Dios sila'y nangamamatay, at sa bugso ng kaniyang galit sila'y nangalilipol.
10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon, at ang mga ngipin ng mga batang leon, ay nangabali.
11 Ang matandang leon ay namamatay dahil sa kawalan ng huli, at ang mga batang leong babae ay nagsisipangalat.
12 Ngayo'y nadalang lihim sa akin ang isang bagay, at ang aking pakinig ay nakakaulinig ng bulong niyaon.
13 Sa mga pagiisip na mula sa mga pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na tulog ay nahuhulog sa mga tao,
14 Takot ay dumating sa akin, at panginginig, na nagpapanginig ng lahat ng aking mga buto.
15 Nang magkagayo'y dumaan ang isang espiritu sa aking mukha. Ang balahibo ng aking balat ay nanindig.
16 Tumayong nakatigil, nguni't hindi ko mawari ang anyo niyaon; isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata: tahimik, at ako'y nakarinig ng tinig, na nagsasabi,
17 Magiging ganap pa ba ang taong may kamatayan kay sa Dios? Lilinis pa ba kaya ang tao kay sa Maylalang sa kaniya?
18 Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga lingkod; at inaari niyang mga mangmang ang kaniyang mga anghel:
19 Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik, na ang patibayan ay nasa alabok, na napipisang gaya ng paroparo!
20 Sa pagitan ng umaga at hapon, ay nangagigiba; nangapaparam magpakailan man na walang pumupuna.
21 Hindi ba nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila? Sila'y nangamamatay at walang karunungan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.