Add parallel Print Page Options

39 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing sa kabundukan?
    Ang pagsilang ng mga usa ay iyo bang napagmasdan?
Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan,
    o alam mo ba kung kailan ang kanilang pagsisilang,
kapag sila'y yumuko, ang kanilang mga anak ay iniluluwal,
    at ang kanilang sanggol ay isinisilang?
Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sa kaparangan sila'y lumalaki,
    sila'y humahayo at sa kanila'y hindi na bumabalik muli.

“Sinong nagpakawala sa asnong mabangis?
    Sinong nagkalag ng mga tali ng asnong mabilis?
Na ginawa kong bahay niya ang ilang,
    at ang lupang maasin na kanyang tahanan?
Nililibak nito ang ingay ng bayan,
    ang sigaw ng nagpapatakbo ay di nito napapakinggan.
Nililibot niya ang mga bundok bilang kanyang pastulan,
    at naghahanap siya ng bawat luntiang bagay.

“Payag ba ang torong mailap na ikaw ay paglingkuran?
    Magpapalipas ba siya ng gabi sa iyong sabsaban?
10 Matatalian mo ba siya ng lubid sa tudling,
    ang mga libis sa likuran mo ay kanya bang bubungkalin?
11 Aasa ka ba sa kanya, dahil siya'y lubhang malakas?
    At ang iyong gawain sa kanya ba'y iaatas?
12 May tiwala ka ba sa kanya na siya'y babalik,
    at dadalhin ang mga butil sa iyong lugar ng paggiik?

13 “Ang pakpak ng avestruz ay may pagmamalaking kumakampay,
    ngunit ang mga iyon ba'y mga pakpak at balahibo ng pagmamahal?
14 Sapagkat iniiwan niya sa lupa ang kanyang mga itlog,
    at pinaiinit ang mga iyon sa alabok,
15 na kinalilimutang baka mapisa ang mga iyon ng paa,
    o ang mailap na hayop ay yumurak sa kanila.
16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, na parang sila ay hindi kanya;
    bagaman ang kanyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi siya nangangamba;
17 sapagkat ipinalimot sa kanya ng Diyos ang karunungan,
    at hindi siya binahaginan ng kaunawaan.
18 Kapag siya'y tumatayo upang tumakbo,
    tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.

19 “Binibigyan mo ba ang kabayo ng kanyang kapangyarihan?
    Binibihisan mo ba ang kanyang leeg ng kalakasan?
20 Pinalulukso mo ba siya na parang balang?
    Ang maharlika niyang pagbahin ay kagimbal-gimbal.
21 Siya'y kumakahig sa libis, at nagagalak sa lakas niya,
    siya'y lumalabas upang harapin ang mga sandata.
22 Tinatawanan niya ang pagkatakot at hindi siya nanlulupaypay;
    ang tabak ay hindi niya tinatalikuran.
23 Tumutunog sa kanya ang suksukan ng pana,
    ang makintab na sibat at ang sibat na mahaba.
24 May bangis at galit na sinasakmal niya ang lupa,
    hindi siya makatayong tahimik sa tunog ng trumpeta.
25 Kapag tumutunog ang trumpeta, ay sinasabi niya, ‘Aha!’
    At kanyang naaamoy ang labanan mula sa kalayuan,
    ang ingay ng mga kapitan at ang sigawan.

26 “Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng iyong karunungan,
    at ibinubuka ang kanyang mga pakpak sa dakong timugan?
27 Sa pamamagitan ba ng iyong utos pumapailanglang ang agila,
    at siya'y gumagawa sa itaas ng pugad niya?
28 Siya'y naninirahan sa malaking bato, at ginagawa itong tahanan,
    sa tuktok ng burol na batuhan.
29 Mula roo'y nag-aabang siya ng mabibiktima,
    mula sa malayo'y nakikita ito ng kanyang mga mata.
30 Sumisipsip(A) ng dugo ang mumunting mga anak niya;
    at kung saan naroon ang pinatay, ay naroroon siya.”

39 Nalalaman mo ba ang panahong ipinanganganak ng mga kambing bundok? O matatandaan mo ba ang mga pagdaramdam ng mga usa?

Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan? O nalalaman mo ba ang panahong kanilang ipinanganak?

Sila'y nagsisiyuko, kanilang inilalabas ang kanilang mga anak, kaniyang iniwawaksi ang kanilang kapanglawan.

Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sila'y nagsisilaki sa kaparangan; sila'y nagsisiyao at hindi na nagsisibalik.

Sinong nagpakawala sa mabangis na asno? O sinong nagkalag ng mga tali ng mailap na asno?

Na ginawa kong bahay niya ang ilang, at ang lupaing maasin na kaniyang tahanan.

Kaniyang nililibak ang kaguluhan ng bayan. Ni hindi niya dinidinig ang sigaw ng nagpapatakbo ng hayop.

Ang libot ng mga bundok ay kaniyang pastulan, at kaniyang sinasaliksik ang bawa't sariwang bagay.

Matutuwa ba ang bakang gubat na maglingkod sa iyo? O matitira ba sa siping ng iyong pasabsaban?

10 Matatalian mo ba ang bakang gubat ng iyong panali sa pangbukid? O magbubusagsag ba ng mga libis sa likuran mo?

11 Aasa ka ba sa kaniya, dahil sa siya'y totoong malakas? O iiwan mo ba ang iyong gawain sa kaniya?

12 Ipagkakatiwala mo ba sa kaniya na iuuwi sa bahay ang iyong binhi, at pipisanin ang mga butil sa iyong giikan?

13 Ang pakpak ng avestruz ay nagagalak; nguni't may kagandahang loob ba ang kanilang mga pakpak at mga balahibo?

14 Sapagka't nagiiwan ng kaniyang mga itlog sa lupa, at pinaiinit ang mga yaon sa alabok,

15 At kinalilimutang mangapipisa ng paa, o mangayuyurakan ng mabangis na hayop.

16 Siya'y nagmamatigas laban sa kaniyang mga sisiw na tila hindi kaniya: bagaman ang kaniyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi niya ikinatatakot;

17 Sapagka't binawian siya ng Dios ng karunungan, ni hindi siya binahaginan ng unawa.

18 Anomang panahon na siya'y napaiitaas, hinahamak niya ang kabayo at ang sakay nito.

19 Nagbigay ka ba sa kabayo ng kalakasan? Binihisan mo ba ang kaniyang leeg ng buhok na gumagalaw?

20 Pinalulukso mo ba siya na parang balang? Ang kaluwalhatian ng kaniyang bahin ay kakilakilabot.

21 Siya'y kumukutkot sa libis, at nagagalak sa kaniyang kalakasan, siya'y sumasagupa sa mga taong may sandata.

22 Tinutuya niya ang takot at hindi nanglulupaypay: ni hindi tinatalikuran ang tabak.

23 Ang suksukan ng pana ay tumutunog laban sa kaniya, ang makintab na sibat at ang kalasag.

24 Kaniyang sinasakmal ang lupa na may kabangisan at poot; ni hindi siya naniniwala na yao'y tunog ng pakakak.

25 Kaniyang sinasabi sa tuwing tutunog ang mga pakakak: Aha! At kaniyang naaamoy ang pagbabaka sa malayo, ang sigaw ng mga kapitan at ang hiyaw.

26 Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng inyong karunungan, at iniuunat ba ang kaniyang mga pakpak sa dakong timugan?

27 Napaiilanglang ba ang agila sa iyong utos, at gumagawa ba ng kaniyang pugad sa itaas?

28 Sila'y nananahan sa malaking bato, at doon tumitira, sa taluktok ng burol at sa katibayan,

29 Mula roo'y tumitingin siya ng madadagit; ang kaniyang mga mata ay tumatanaw sa malayo.

30 Ang mga anak naman niya ay nagsisihitit ng dugo: at kung saan naroon ang pinatay ay naroon siya.

39 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing-gubat? Nakakita ka na ba ng usa na nanganganak? Binibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang pagbubuntis hanggang sa sila ay manganak? At alam mo rin ba kung kailan sila manganganak? Nakayukyok silaʼt nagtitiis ng hirap hanggang sa makapanganak. Paglaki ng kanilang mga anak sa kagubatan, umaalis sila at hindi na bumabalik.

“Sino ang nagpalaya sa asnong-gubat? Ibinigay ko sa kanya ang ilang para kanyang tirhan, pinatira ko siya sa lupaing pinabayaan. Lumalayo siya sa maingay na bayan at ayaw niyang siya ay mapaamo. Paikot-ikot siya sa mga kabundukan para maghanap ng sariwang pastulan.

“Mapagtatrabaho mo ba ang bakang-gubat? Mapapanatili mo kaya siya sa kanyang kulungan kung gabi? 10 Matatalian mo kaya siya at mapag-aararo sa iyong bukid? 11 Makakaasa ka kaya sa lakas niya para gawin ang mabibigat na gawain? 12 Maaasahan mo kaya siyang tipunin at hakutin ang iyong ani papunta sa giikan?

13 “Napakagandang tingnan ng pakpak ng malaking ibong[a] kapag itoʼy pumapagaspas, pero hindi nito mapantayan ang ganda ng pakpak ng tagak. 14 Iniiwanan ng malaking ibong ito ang kanyang mga itlog sa lupa para mainitan. 15 Hindi siya nag-aalalang baka matapakan ito o madaganan ng mga hayop sa gubat. 16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, parang hindi kanya kung ituring. Hindi siya nag-aalala na ang pinaghirapan niya ay mawawalan ng kabuluhan. 17 Sapagkat hindi ko siya binigyan ng karunungan at pang-unawa. 18 Pero kapag tumakbo na siya, tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.

19 Job, ikaw ba ang nagbibigay ng lakas sa kabayo? Ikaw din ba ang naglagay ng kanyang kiling?[b] 20 Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya gaya ng isang balang at nagpapatakot sa mga tao kapag siya ay sumisinghal? 21 Kumakahig siya sa lupa na parang ipinagmamalaki ang kanyang lakas. Pagkatapos ay tumatakbo siya papunta sa digmaan. 22 Wala siyang kinatatakutan, ni hindi siya natatakot sa espada.[c] 23 Kumakalansing at kumikislap ang mga sandata ng sumasakay sa kanya. 24 Lumilipad ang alikabok sa bilis ng kanyang pagtakbo. Hindi na siya mapigilan kapag tumunog na ang trumpeta. 25 Sumisinghal siya kapag naririnig ang trumpeta. Naaamoy niya ang digmaan kahit sa malayo, at naririnig niya ang ingay ng digmaan at ang sigaw ng mga kumander.

26 “Ikaw ba ang nagtuturo sa lawin na lumipad at pumunta sa timog? 27 Ikaw ba ang nag-uutos sa agila na lumipad at gumawa ng kanyang pugad sa mataas na dako? 28 Nakatira ang agila sa mataas na bato. Ang matarik na lugar ang kanyang taguan. 29 Mula roon naghahanap siya ng madadagit, kahit ang malayo ay naaabot ng kanyang paningin. 30 At kapag may nakita siyang bangkay ay pinupuntahan niya, at ang dugo nito ang iniinom ng kanyang mga inakay.”

Footnotes

  1. 39:13 malaking ibon: o, “ostrich.” Ganito rin sa talatang 14.
  2. 39:19 kiling: o, buhok ng kabayo sa kanyang leeg.
  3. 39:22 espada: o, labanan.