Job 37-39
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
37 “Kumakabog ang dibdib ko dahil sa bagyo. 2 Pakinggan ninyo ang dumadagundong na tinig ng Dios na parang kulog. 3 Pinakikidlat niya ang buong kalangitan at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo. 4 Pagkatapos ay maririnig ang dagundong ng kanyang tinig na parang isang kulog. Hindi niya ito pinipigilan. 5 Kagila-gilalas ang dumadagundong na tinig ng Dios. Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na hindi natin kayang unawain. 6 Inuutusan niya ang yelo na pumatak sa lupa, ganoon din ang ulan na bumuhos nang malakas, 7 para ang taoʼy makapagpahinga sa kanilang mga ginagawa at makapagbulay-bulay sa mga ginawa ng Dios. 8 Nagtatago ang mga hayop sa kanilang mga taguan at nananatili roon kapag may bagyo. 9 Dumadating ang bagyo at ang hanging malamig mula sa kanilang taguan. 10 Sa pamamagitan ng hininga ng Dios nabubuo ang yelo, at nagiging yelo ang malalawak na bahagi ng tubig. 11 Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap at pinakikidlat ito. 12 Sa kanyang utos, nagpapaikot-ikot sa buong mundo ang mga ulap. 13 Ginagamit niya ang mga ito upang ituwid ang tao, o ipadama ang kanyang pag-ibig.
14 “Job, pakinggan mo ito, at pagbulay-bulayan ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Dios. 15 Alam mo ba kung paano inuutusan ng Dios ang ulap, at kung paano siya nagpapakidlat mula rito? 16 Alam mo ba kung paano lumulutang ang mga ulap? Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Dios na ang dunong ay walang hangganan. 17 Ikaʼy pagpapawisan dahil sa mainit na hangin mula sa timog, 18 matutulungan mo ba ang Dios na ilatag ang kalangitan at patigasin na parang tansong salamin?
19 “Kung matalino ka, sabihin mo sa amin kung ano ang dapat naming sabihin sa Dios. Hindi namin alam kung paano kami mangangatwiran dahil kulang ang aming kaalaman. 20 Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Dios, dahil baka akoʼy kanyang ipahamak. 21 Walang sinumang makakatitig sa araw na nagliliwanag sa himpapawid, pagkatapos mahawi ng hangin ang mga ulap. 22 Mula sa hilaga, paparating ang Dios na nagniningning na parang ginto at ang kanyang liwanag ay kahanga-hanga. 23 Hindi natin lubos na maunawaan ang Makapangyarihang Dios na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi, 24 kaya iginagalang siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga taong nagsasabing sila ay marunong.”
Nagsalita ang Panginoon
38 Pagkatapos, sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipu-ipo, sinabi niya,
2 “Sino ka na nag-aalinlangan sa aking karunungan? Ang mga sinasabi moʼy nagpapatunay lang na wala kang nalalaman. 3 Humanda ka. Sagutin mo ang aking mga tanong.
4 “Nasaan ka noong nilikha ko ang pundasyon ng daigdig? Kung talagang may alam ka, sabihin mo sa akin. 5 Alam mo ba kung sino ang nagpasya ng magiging lawak ng pundasyon at sukat nito? 6 Sino ang may hawak ng pundasyon ng mundo? At sino ang naglagay ng pundasyon na ito 7 habang sama-samang umaawit ang mga bituin sa umaga at nagsisigawan sa tuwa ang lahat ng anghel?[a]
8 “Sino ang naglagay ng hangganan sa dagat nang bumulwak ito mula sa kailaliman? 9 Ako ang naglagay ng makapal na ulap at kadiliman bilang takip ng dagat. 10 Nilagyan ko ng hangganan ang dagat; parang pintuang isinara at nilagyan ng trangka. 11 Sinabihan ko ang dagat, ‘Hanggang dito ka lang at huwag kang lalampas; hanggang dito lang ang malalaki mong alon.’
12 “Minsan ba sa buhay mo Job ay nautusan mo ang umaga na magbukang-liwayway 13 para ang ningning nito ay lumiwanag sa buong mundo at mapatigil ang kasamaang ginagawa kapag madilim? 14 At dahil sa sikat ng araw, ang daigdig ay malinaw na nakikita katulad ng marka ng pantatak at lukot ng damit. 15 Ang liwanag ay nakakapigil sa masasama, dahil hindi sila makakagawa ng karahasan sa iba.
16 “Ikaw baʼy nakapunta na sa mga bukal na nasa ilalim ng dagat o sa pinakamalalim na bahagi ng dagat? 17 Naipakita na ba sa iyo ang mga pintuan patungo sa lugar ng mga patay? 18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sabihin mo sa akin kung alam mo ang lahat ng ito!
19 “Alam mo ba kung saan nanggaling ang liwanag at dilim? 20 At kaya mo ba silang pabalikin sa kanilang pinanggalingan? 21 Oo nga pala, alam mo ang lahat ng ito dahil ipinanganak ka na bago pa likhain ang mga ito at matagal na panahon ka nang nabubuhay!
22 “Nakapunta ka na ba sa lugar na pinanggagalingan ng nyebe o ulan na yelo? 23 Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko para sa panahon ng kaguluhan at digmaan. 24 Alam mo ba ang daan patungo sa lugar na pinanggagalingan ng kidlat,[b] o sa lugar na pinanggagalingan ng hanging silangan? 25 Sino nga ba ang gumawa ng dadaanan ng ulan at ng bagyo? 26 Sino nga ba ang nagpapadala ng ulan sa disyerto, sa lugar na walang nakatirang tao? 27 Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang para tumubo ang mga damo? 28 Sino ang ama ng ulan, ng hamog, 29 at ng yelong mula sa langit? 30 Ang tubig ay nagyeyelo na kasingtigas ng bato, pati na ang itaas na bahagi ng dagat.
31 “Kaya mo bang talian o kalagan ng tali ang grupo ng mga bituin na tinatawag na Pleyades at Orion? 32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin na lumabas sa tamang oras? Maituturo mo ba sa grupo ng mga bituing tinatawag na Malaki at Maliit na Oso ang kanilang daan? 33 Alam mo ba ang mga tuntuning umiiral sa kalangitan?[c] Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa mundo?
34 “Mauutusan mo ba ang ulap na umulan? 35 Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap? Mapapasunod mo kaya ito? 36 Sino ang nagbibigay ng karunungan at pang-unawa ng tao? 37 Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap? Sinong makakapagbuhos ng tubig mula sa langit 38 upang ang mga tuyong alikabok ay maging buo-buong putik?
39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon para sila ay mabusog 40 habang silaʼy nagtatago sa kanilang lungga o sa maliliit na punongkahoy? 41 Sino ang nagpapakain sa mga uwak kapag silaʼy nagugutom at kapag ang mga inakay nilaʼy humihingi ng pagkain sa akin?
39 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing-gubat? Nakakita ka na ba ng usa na nanganganak? 2 Binibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang pagbubuntis hanggang sa sila ay manganak? At alam mo rin ba kung kailan sila manganganak? 3 Nakayukyok silaʼt nagtitiis ng hirap hanggang sa makapanganak. 4 Paglaki ng kanilang mga anak sa kagubatan, umaalis sila at hindi na bumabalik.
5 “Sino ang nagpalaya sa asnong-gubat? 6 Ibinigay ko sa kanya ang ilang para kanyang tirhan, pinatira ko siya sa lupaing pinabayaan. 7 Lumalayo siya sa maingay na bayan at ayaw niyang siya ay mapaamo. 8 Paikot-ikot siya sa mga kabundukan para maghanap ng sariwang pastulan.
9 “Mapagtatrabaho mo ba ang bakang-gubat? Mapapanatili mo kaya siya sa kanyang kulungan kung gabi? 10 Matatalian mo kaya siya at mapag-aararo sa iyong bukid? 11 Makakaasa ka kaya sa lakas niya para gawin ang mabibigat na gawain? 12 Maaasahan mo kaya siyang tipunin at hakutin ang iyong ani papunta sa giikan?
13 “Napakagandang tingnan ng pakpak ng malaking ibong[d] kapag itoʼy pumapagaspas, pero hindi nito mapantayan ang ganda ng pakpak ng tagak. 14 Iniiwanan ng malaking ibong ito ang kanyang mga itlog sa lupa para mainitan. 15 Hindi siya nag-aalalang baka matapakan ito o madaganan ng mga hayop sa gubat. 16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, parang hindi kanya kung ituring. Hindi siya nag-aalala na ang pinaghirapan niya ay mawawalan ng kabuluhan. 17 Sapagkat hindi ko siya binigyan ng karunungan at pang-unawa. 18 Pero kapag tumakbo na siya, tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.
19 “Job, ikaw ba ang nagbibigay ng lakas sa kabayo? Ikaw din ba ang naglagay ng kanyang kiling?[e] 20 Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya gaya ng isang balang at nagpapatakot sa mga tao kapag siya ay sumisinghal? 21 Kumakahig siya sa lupa na parang ipinagmamalaki ang kanyang lakas. Pagkatapos ay tumatakbo siya papunta sa digmaan. 22 Wala siyang kinatatakutan, ni hindi siya natatakot sa espada.[f] 23 Kumakalansing at kumikislap ang mga sandata ng sumasakay sa kanya. 24 Lumilipad ang alikabok sa bilis ng kanyang pagtakbo. Hindi na siya mapigilan kapag tumunog na ang trumpeta. 25 Sumisinghal siya kapag naririnig ang trumpeta. Naaamoy niya ang digmaan kahit sa malayo, at naririnig niya ang ingay ng digmaan at ang sigaw ng mga kumander.
26 “Ikaw ba ang nagtuturo sa lawin na lumipad at pumunta sa timog? 27 Ikaw ba ang nag-uutos sa agila na lumipad at gumawa ng kanyang pugad sa mataas na dako? 28 Nakatira ang agila sa mataas na bato. Ang matarik na lugar ang kanyang taguan. 29 Mula roon naghahanap siya ng madadagit, kahit ang malayo ay naaabot ng kanyang paningin. 30 At kapag may nakita siyang bangkay ay pinupuntahan niya, at ang dugo nito ang iniinom ng kanyang mga inakay.”
Footnotes
- 38:7 lahat ng anghel: sa literal, lahat ng anak ng Dios.
- 38:24 kidlat: o, liwanag.
- 38:33 tuntuning … kalangitan: Ang ibig sabihin nito ay ang “batas ng kalikasan.”
- 39:13 malaking ibon: o, “ostrich.” Ganito rin sa talatang 14.
- 39:19 kiling: o, buhok ng kabayo sa kanyang leeg.
- 39:22 espada: o, labanan.
2 Corinto 4:13-5:10
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
13 Sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya ako, kaya nagsalita ako.”[a] Ganoon din ang aming ginagawa: Sumasampalataya kami, kaya nagsasalita kami. 14 Sapagkat alam namin na ang Dios na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ang siya ring bubuhay sa amin, tulad ng ginawa niya kay Jesus, at dadalhin niya tayong lahat sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng paghihirap namin ay para sa inyong ikabubuti, para lalo pang dumami ang tumanggap ng biyaya ng Dios. At habang dumarami ang tumatanggap ng biyaya ng Dios, dumarami rin ang nagpapasalamat sa kanya. At dahil dito ay mapupuri siya.
16 Iyan ang dahilan kung bakit hindi kami pinanghihinaan ng loob. Kahit na unti-unting humihina ang aming katawan, patuloy namang lumalakas ang aming espiritu. 17 Sapagkat ang mga paghihirap na dinaranas namin sa mundong ito ay panandalian lamang at hindi naman gaanong mabigat. At dahil sa aming mga paghihirap, may inihahandang gantimpala ang Dios para sa amin na mananatili magpakailanman at hinding-hindi mapapantayan. 18 Kaya hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, pero ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang Bagong Katawan
5 Alam natin na ang ating katawang panlupa ay parang bahay na ating tinutuluyan habang nasa mundo pa tayo, at itoʼy masisira. Ngunit alam din natin na may inihandang katawang panlangit ang Dios para sa atin na hindi mamamatay kailanman. Ang katawang ito ay ginawa ng Dios at hindi ng tao. 2 Dumaraing tayo sa ngayon, dahil pinananabikan nating maisuot na ang katawang panlangit. 3 At kapag nangyari ito, hindi matatagpuang hubad ang ating kaluluwa. 4 Habang nandito pa tayo sa ating katawan, dumadaing tayo dahil sa mga paghihirap. Hindi dahil sa gusto na nating mamatay, kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan, para mapalitan na ang katawang may kamatayan ng katawang walang kamatayan. 5 Ang Dios na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu.
6 Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam namin na habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. 7 Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. 8 Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. 9 Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Dios sa amin, maging dito man o sa piling na niya. 10 Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.
Footnotes
- 4:13 Salmo 116:10.
Salmo 44:9-26
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
Footnotes
- 44:19 asong-gubat: sa Ingles, “jackal.”
Kawikaan 22:13
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
13 Ang taong tamad ay laging may dahilan, sinasabi niyang baka siya ay lapain ng leon sa daan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®