Job 35
Ang Biblia, 2001
35 At si Elihu ay sumagot at sinabi,
2 “Iniisip mo bang ito'y makatuwiran?
    Sinasabi mo bang, ‘Sa harapan ng Diyos ito'y aking karapatan,’
3 na iyong tinatanong, ‘Ano bang iyong kalamangan?
    Paanong mas mabuti ako kung ako'y nakagawa ng kasalanan?’
4 Sasagutin kita
    at ang iyong mga kaibigang kasama mo.
5 Tumingala ka sa langit at tingnan mo;
    at masdan mo ang mga ulap, na mas mataas kaysa iyo.
6 Kung(A) ikaw ay nagkasala, anong iyong nagawa laban sa kanya?
    At kung ang iyong mga pagsuway ay dumarami, anong iyong ginagawa sa kanya?
7 Kung ikaw ay matuwid, anong sa kanya'y iyong ibinibigay;
    o ano bang tinatanggap niya mula sa iyong kamay?
8 Ang iyong kasamaan ay nakakapinsala sa ibang gaya mo;
    at ang iyong katuwiran, ay sa ibang mga tao.
9 “Dahil sa dami ng mga kaapihan, ang mga tao'y sumisigaw;
    sila'y humihingi ng saklolo dahil sa kamay ng makapangyarihan.
10 Ngunit walang nagsasabing, ‘Nasaan ang Diyos na sa akin ay lumalang,
    na siyang nagbibigay ng awit sa kinagabihan,
11 na siyang nagtuturo sa atin ng higit kaysa mga hayop sa daigdig,
    at ginagawa tayong mas matalino kaysa mga ibon sa himpapawid?’
12 Tumatawag sila roon, ngunit siya'y hindi sumasagot,
    dahil sa kapalaluan ng mga taong buktot.
13 Tunay na hindi pinapakinggan ng Diyos ang walang kabuluhang karaingan,
    ni pinapahalagahan man ito ng Makapangyarihan sa lahat.
14 Lalo pa nga kung iyong sinasabing hindi mo siya nakikita,
    na ang usapin ay nasa harap niya, at iyong hinihintay siya!
15 At ngayon, sapagkat ang galit niya'y hindi nagpaparusa,
    at ang kasamaan ay hindi niya sinusunod,
16 ibinubuka ni Job ang kanyang bibig sa walang kabuluhan,
    siya'y nagpaparami ng mga salita na walang kaalaman.”
Job 35
Ang Dating Biblia (1905)
35 Bukod dito'y sumagot si Eliu, at nagsabi,
2 Iniisip mo bang ito'y matuwid? O sinasabi mong: Ang aking katuwiran ay higit kay sa Dios,
3 Na iyong sinasabi, Anong pakinabang ang tatamuhin mo? At, anong pakinabang ang tataglayin kong higit kung ako'y nagkasala?
4 Sasagutin kita, at ang iyong mga kasamahang kasama mo.
5 Tumingala ka sa mga langit at iyong tingnan; at masdan mo ang mga alapaap na lalong mataas kay sa iyo.
6 Kung ikaw ay nagkasala, anong iyong ginagawa laban sa kaniya? At kung ang iyong mga pagsalangsang ay dumami, anong iyong ginagawa sa kaniya?
7 Kung ikaw ay matuwid anong ibinibigay mo sa kaniya? O anong tinatanggap niya sa iyong kamay?
8 Ang iyong kasamaan ay makapagpapahamak sa isang lalaking gaya mo; at ang iyong katuwiran ay makapagpapakinabang sa anak ng tao.
9 Dahil sa karamihan ng mga kapighatian, sila'y humihiyaw: sila'y humihingi ng tulong dahil sa kamay ng makapangyarihan.
10 Nguni't walang nagsasabing, Saan nandoon ang Dios na Maylalang sa akin, na siyang nagbibigay ng awit kung gabi;
11 Na siyang nagtuturo sa atin ng higit kay sa mga hayop sa lupa. At ginagawa tayong lalong pantas kay sa mga ibon sa himpapawid?
12 Doo'y tumatawag sila, nguni't walang sumasagot, dahil sa kapalaluan ng mga masamang tao.
13 Tunay na hindi didinggin ng Dios ang walang kabuluhan, ni pakukundanganan man ito ng Makapangyarihan sa lahat.
14 Gaano pa kaliit kung iyong sinasabing hindi mo nakikita siya. Ang usap ay nasa harap niya, at iyong hinihintay siya!
15 Nguni't ngayon sapagka't hindi niya dinalaw sa kaniyang galit, ni ginunita mang maigi;
16 Kaya't ibinubuka ni Job ang kaniyang bibig sa walang kabuluhan; siya'y nagpaparami ng mga salita na walang kaalaman.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
