Add parallel Print Page Options

Nagsalita si Job

Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na isinilang siya. Sinabi niya, “Isinusumpa ko ang araw na akoʼy ipinanganak. Naging madilim na lang sana ang araw na iyon at hindi na sinikatan ng araw. Kinalimutan na lang sana ng Dios sa langit ang araw na iyon. Nanatili na lang sana itong madilim o natatakpan ng makapal na ulap, at nilukuban na lang sana ng kadiliman ang kaliwanagan. Kinuha na lang sana ng kadiliman ang gabing iyon nang akoʼy isilang, at hindi na sana napabilang sa kalendaryo. Hindi na nga lang sana ako ipinanganak ng gabing iyon, at wala rin sanang kasayahan noon. Sumpain nawa ang gabing iyon ng mga manunumpa na alam kung paano pakilusin ang Leviatan.[a] Hindi na sana sumikat ang tala sa umaga ng araw na iyon, at hindi na sana dumating ang bukang-liwayway. 10 Isinusumpa ko ang araw na iyon dahil hindi niya pinigilan ang pagsilang sa akin, nang hindi ko na sana naranasan ang ganitong paghihirap.

11 “Mabuti pang namatay na lang ako sa sinapupunan ng aking ina. 12 Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina? 13 Kung namatay na sana ako noon, tahimik na sana ako ngayong natutulog at nagpapahinga 14 kasama ng mga hari at mga pinuno ng mundo na nagtayo ng mga palasyo[b] na giba na ngayon.[c] 15 Nagpapahinga na rin sana ako kasama ng mga pinuno na ang mga tahanan ay puno ng mga gintoʼt pilak. 16 Mas mabuti pang akoʼy naging katulad ng mga batang patay na nang ipinanganak at hindi na nakakita ng liwanag. 17 Doon sa lugar ng mga patay, ang masama ay hindi na gumagawa ng kasamaan at ang mga pagod ay nagpapahinga na. 18 Doon, ang mga bihag ay nagpapahinga rin at hindi na nila naririnig ang sigaw ng taong pumipilit sa kanila na magtrabaho. 19 Naroon ang lahat ng uri ng tao, tanyag man o hindi. At ang mga alipin ay malaya na sa kanilang amo.

20 “Bakit pa pinapayagang mabuhay ang taong nagtitiis at nagdurusa? 21 Nagnanais silang mamatay pero hindi pa rin sila namamatay. Hangad nila ang kamatayan ng higit pa sa isang taong naghahanap ng nakatagong kayamanan. 22 Mas sasaya sila kapag namatay na at nailibing. 23 Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan? 24 Hindi ako makakain dahil sa labis na pagdaramdam at walang tigil ang aking pagdaing. 25 Ang kinatatakutan koʼy nangyari sa akin. 26 Wala akong kapayapaan at katahimikan. Wala akong kapahingahan, pawang kabagabagan ang nararanasan ko.”

Footnotes

  1. 3:8 Leviatan: Maaaring dambuhalang hayop, buwaya, ahas, o balyena.
  2. 3:14 palasyo: o, gusali.
  3. 3:14 giba na ngayon: o, na muling itatayo.

Ang Unang Pagsasalita ni Job

Pagkatapos(A) nito'y ibinuka ni Job ang kanyang bibig at sinumpa ang araw ng kanyang kapanganakan.

Sinabi ni Job:

“Maglaho nawa ang araw nang ako'y isilang,
    at ang gabi na nagsabi,
    ‘May batang lalaking ipinaglihi.’
Magdilim nawa ang araw na iyon!
    Huwag nawang hanapin iyon ng Diyos sa itaas,
    ni silayan man iyon ng liwanag.
Hayaang angkinin iyon ng mapanglaw at pusikit na kadiliman.
    Tirahan nawa iyon ng ulap;
    takutin nawa iyon ng kadiliman ng araw.
Ang gabing iyon—sakmalin nawa ng makapal na kadiliman!
    Huwag itong magsaya na kasama ng mga araw ng taon,
    huwag nawa itong mapasama sa bilang ng mga buwan.
Oo, ang gabing iyon nawa ay maging baog,
    huwag marinig doon ang tinig ng kagalakan.
Sumpain nawa iyon ng mga sumusumpa sa araw,
    ng mga bihasa sa paggising sa Leviatan.[a]
Magdilim nawa ang mga bituin ng pagbubukang-liwayway niyon;
    hayaang umasa ito ng liwanag, ngunit hindi magkakaroon,
    ni mamalas ang mga talukap-mata ng umaga,
10 sapagkat hindi nito tinakpan ang mga pinto ng sinapupunan ng aking ina,
    o ikinubli man ang kaguluhan sa aking mga mata.

11 “Bakit hindi pa ako namatay nang ako'y isilang?
    Bakit hindi ako nalagutan ng hininga nang ako'y iluwal?
12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod?
    O bakit ang mga dibdib, na aking sususuhan?
13 Sapagkat nahihimlay at natatahimik na sana ako,
    ako sana'y natutulog; nagpapahinga na sana ako;
14 kasama ng mga hari at ng mga tagapayo ng daigdig,
    na muling nagtayo ng mga guho para sa kanilang sarili,
15 o kasama ng mga prinsipeng may mga ginto,
    na pinuno ng pilak ang kanilang bahay.
16 Bakit hindi pa ako inilibing tulad ng batang patay nang isilang,
    gaya ng sanggol na hindi nakakita ng liwanag kailanman?
17 Doon ang masama ay tumitigil sa paggambala,
    at doo'y ang pagod ay nagpapahinga.
18 Doon ang mga bilanggo ay sama-samang nagiginhawahan,
    hindi nila naririnig ang tinig ng nag-aatang ng pasan.
19 Ang hamak at ang dakila ay naroroon,
    at ang alipin ay malaya sa kanyang panginoon.

20 “Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa kahirapan,
    at ng buhay ang kaluluwang nasa kapighatian,
21 na(B) nasasabik sa kamatayan, ngunit hindi ito dumarating;
    at naghuhukay dito ng higit kaysa mga kayamanang nakalibing;
22 na labis ang kagalakan,
    at natutuwa kapag natagpuan nila ang libingan?
23 Bakit ang liwanag ay ibibigay sa taong ang daan ay nakatago,
    at ang taong binakuran ng Diyos?
24 Sapagkat ang buntong-hininga ko ay dumarating na parang aking pagkain,[b]
    at ang aking mga daing ay bumubuhos na parang tubig.
25 Sapagkat ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin,
    at ang aking pinangingilabutan ay nangyayari sa akin.
26 Hindi ako mapalagay at hindi rin matahimik,
    wala akong kapahingahan; kundi dumarating ang kaguluhan.”

Footnotes

  1. Job 3:8 LEVIATAN: Isang dambuhala sa tubig .
  2. Job 3:24 o bago ako kumain .