Job 26
Ang Biblia (1978)
Ang ika siyam na pagsasalita ni Job.
26 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
2 Paano mong tinulungan siya na walang kapangyarihan!
Paano mong iniligtas ang kamay na walang lakas!
3 Paano mong pinayuhan siya na walang karunungan,
At saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman!
4 Kanino mo binigkas ang mga salita?
At kanino ang diwa na lumabas sa iyo?
5 (A)Ang mga patay ay nanginginig
Sa ilalim ng tubig, at ang mga nananahan doon.
6 (B)Ang Sheol ay hubad sa harap ng Dios,
At ang (C)Abaddon ay walang takip.
7 (D)Kaniyang iniuunat ang hilagaan sa pagitang walang laman,
At ibinibitin ang lupa sa wala.
8 (E)Kaniyang itinatali ang tubig sa kaniyang masinsing alapaap;
At ang alapaap ay hindi nahahapak sa ilalim nila.
9 Kaniyang tinatakpan ang ibabaw ng kaniyang luklukan,
At iniladlad ang kaniyang mga alapaap sa ibabaw niyaon.
10 (F)Siya'y gumuguhit ng isang hangganan sa ibabaw ng tubig,
Hanggang sa pinagsasalikupan ng liwanag at kadiliman.
11 (G)Ang mga haligi ng langit ay nagsisipanginig.
At nangatitigilan sa kaniyang saway.
12 Kaniyang pinapag-iinalon ang dagat ng kaniyang kapangyarihan,
At sa kaniyang kaalaman ay sinasaktan niya ang Rahab.
13 (H)Sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu ay ginayakan niya ang langit;
Sinaksak ng kaniyang mga kamay ang maliksing ahas.
14 Narito, ang mga ito ang mga gilid lamang ng kaniyang mga daan:
At pagkarahan ng bulong na ating naririnig sa kaniya!
Nguni't sinong makakaunawa ng kulog ng kaniyang kapangyarihan?
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978