Job 22
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nagsalita si Elifaz
22 Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,
2 “May maitutulong ba ang tao sa Dios, o kahit ang taong marunong? 3 Matutuwa kaya ang Makapangyarihang Dios kung matuwid ka? May mapapala ba siya sa iyo kung walang kapintasan ang buhay mo? 4 Sinasaway ka at hinahatulan ng Dios hindi dahil may takot ka sa kanya, 5 kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan. 6 Walang awa mong kinukuha ang damit ng iyong kapwa bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo. 7 Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw at hindi mo rin binibigyan ng pagkain ang nagugutom. 8 Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa. 9 Kapag humihingi sa iyo ng tulong ang mga biyuda, pinauuwi mo silang walang dala. Pinagmamalupitan mo pa pati ang mga ulila. 10 Iyan ang mga dahilan kung bakit napapalibutan ka ng patibong at dumarating sa iyo ang biglang pagkatakot. 11 Iyan din ang mga dahilan kung bakit nadiliman ka at hindi nakakita, at inaapawan pa ng baha.
12 “Ang Dios ay nasa kataas-taasang langit, mas mataas pa sa pinakamataas na bituin. 13 Kaya sinasabi mo, ‘Hindi alam ng Dios ang ginagawa ko. Paano siya makakahatol kung napapalibutan siya ng makapal na ulap? 14 Napapalibutan nga siya ng makapal na ulap, kaya hindi niya tayo makikita habang naglalakad siya sa itaas ng langit.’
15 “Patuloy ka bang susunod sa pag-uugaling matagal ng sinusunod ng taong masasama? 16 Namatay sila nang wala pa sa panahon; katulad sila ng pundasyon ng bahay na tinangay ng baha. 17 Sinabi nila sa Makapangyarihang Dios, ‘Hayaan mo na lamang kami! Ano bang magagawa mo para sa amin?’ 18 Pero ang Dios ang pumuno ng mabubuting bagay sa bahay nila. Kaya anuman ang ipapayo nitong mga taong masama ay hindi ko tatanggapin.
19 “Kapag nakita ng mga taong matuwid at walang kasalanan ang kapahamakan ng mga taong masama, matutuwa sila at magdiriwang. 20 Sasabihin nila, ‘Napahamak na ang mga kaaway natin, at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’
21 “Job, magpasakop ka sa Dios at makipagkasundo ka sa kanya upang pagpalain ka niya. 22 Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo at ingatan mo sa iyong puso ang kanyang mga salita. 23 Kung manunumbalik ka sa Dios na Makapangyarihan, at aalisin ang kasamaan sa sambahayan mo, pagpapalain ka niyang muli. 24 Huwag mong pahalagahan ang iyong kayamanan; ituring mo ito na parang buhangin o batong nasa ilog. 25 At ang Dios na Makapangyarihan ang ituring mong ginto at mamahaling pilak. 26 At saka mo matatagpuan ang kaligayahang nagmumula sa Makapangyarihang Dios, at hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya. 27 Manalangin ka sa kanya at didinggin ka niya. Tuparin mo ang iyong mga pangako sa kanya. 28 Anuman ang binabalak mong gawin ay mangyayari at magiging maliwanag ang iyong daan. 29 Kung may taong nanghihina, at kung idadalangin mo sa Dios na palakasin siya, tutulungan niya ang taong iyon. 30 Pati ang mga taong nagkasala ay ililigtas niya sa pamamagitan ng buhay mong matuwid.”
Job 22
Ang Biblia (1978)
Ang ikatlong pagsasalita ni Eliphaz. Pinaalalahanan niya si Job na huwag tumutol sa Panginoon, kundi bumalik sa Kaniya.
22 Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
2 (A)Mapapakinabangan ba ang tao ng Dios?
Tunay na siyang pantas ay nakikinabang sa kaniyang sarili.
3 May kasayahan ba sa Makapangyarihan sa lahat na ikaw ay matuwid?
O may pakinabang ba sa kaniya na iyong pinasasakdal ang iyong mga lakad?
4 Dahil ba sa iyong takot sa kaniya na kaniyang sinasaway ka,
Na siya'y pumasok sa iyo sa kahatulan?
5 Hindi ba malaki ang iyong kasamaan?
Ni wala mang anomang wakas sa iyong mga kasamaan.
6 Sapagka't ikaw ay (B)kumuha ng sangla ng iyong kapatid sa wala,
At iyong hinubdan ng kanilang suot ang hubad.
7 Ikaw ay hindi nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom,
At (C)ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
8 Nguni't tungkol sa makapangyarihang tao, siya'y nagtatangkilik ng lupa;
At ang marangal na tao, ay tumatahan doon.
9 (D)Iyong pinayaong walang dala ang mga babaing bao,
At ang mga kamay ng ulila ay nangabali.
10 Kaya't ang (E)mga silo ay nangasa palibot mo,
At biglang takot ay bumabagabag sa iyo,
11 O kadiliman, upang huwag kang makakita.
(F)At kasaganaan ng tubig ay tumatabon sa iyo.
12 Hindi ba ang Dios ay nasa kaitaasan ng langit?
At, narito, ang kataasan ng mga bituin, pagkataastaas nila!
13 At iyong sinasabi, (G)Anong nalalaman ng Dios?
Makahahatol ba siya sa salisalimuot na kadiliman?
14 Masinsing alapaap ang tumatakip sa kaniya, na siya'y hindi nakakakita;
At siya'y lumalakad sa (H)balantok ng langit.
15 Iyo bang pagpapatuluyan ang dating daan,
Na nilakaran ng mga masamang tao?
16 (I)Na siyang mga naalis bago dumating ang kanilang kapanahunan.
Na ang patibayan ay nahuhong parang agos:
17 Na nagsabi sa Dios: Lumayo ka sa amin;
At, Anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?
18 Gayon ma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mga mabuting bagay;
(J)Nguni't ang payo ng masama ay malayo sa akin.
19 (K)Nakikita ng mga matuwid at nangatutuwa;
At tinatawanang mainam ng walang sala:
20 Na nagsasabi, Walang pagsalang silang nagsisibangon laban sa atin ay nahiwalay,
At ang nalabi sa kanila ay sinupok ng apoy.
21 Makipagkilala ka sa kaniya, at ikaw ay mapayapa:
Anopa't ang mabuti ay darating sa iyo.
22 Iyong tanggapin, isinasamo ko sa iyo, ang kautusan mula sa kaniyang bibig,
At ilagak mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.
23 Kung ikaw ay bumalik sa Makapangyarihan sa lahat, ay matatayo ka;
Kung iyong ilayo ang kalikuan sa iyong mga tolda.
24 At ilagay mo ang iyong kayamanan sa alabok,
At ang ginto ng Ophir sa gitna ng mga bato ng mga batis:
25 At ang Makapangyarihan sa lahat ay magiging iyong kayamanan,
At mahalagang pilak sa iyo.
26 Sapagka't ikaw ay (L)magagalak nga ng iyong sarili sa Makapangyarihan sa lahat,
At iyong itataas ang iyong mukha sa Dios.
27 (M)Ikaw ay dadalangin sa kaniya, at kaniyang didinggin ka:
At iyong babayaran ang iyong mga panata.
28 Ikaw nama'y magpapasiya ng isang bagay, at ito'y matatatag sa iyo;
At liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
29 Pagka inilulugmok ka nila, ay iyong sasabihin: Magpakataas;
At ililigtas niya (N)ang mapagpakumbabang tao.
30 Kaniyang ililigtas, pati ng hindi banal:
Oo, siya'y maliligtas sa kalinisan ng iyong mga kamay.
Job 22
Ang Biblia, 2001
Ang Paratang ni Elifaz kay Job
22 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,
2 “Mapapakinabangan(A) ba ng Diyos ang isang tao?
Tunay na kapaki-pakinabang sa kanyang sarili ang matalino.
3 May kasiyahan ba sa Makapangyarihan sa lahat kung matuwid ka?
O kapag pinasasakdal mo ang iyong mga lakad ay may pakinabang ba siya?
4 Dahil ba sa iyong takot sa kanya na ikaw ay sinasaway niya,
at pumapasok siya sa paghuhukom na kasama ka?
5 Hindi ba malaki ang iyong kasamaan?
Mga kasamaan mo'y walang hangganan.
6 Sapagkat kumuha ka ng sangla sa iyong kapatid kapalit ng wala,
ang hubad ay hinubaran mo ng kasuotan nila.
7 Hindi ka nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom,
at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
8 Ang makapangyarihang tao ang nagmay-ari ng lupa;
at tumahan doon ang taong pinagpala.
9 Ang mga babaing balo ay pinaalis mong walang dala,
at nadurog ang mga kamay ng mga ulila.
10 Kaya't ang mga silo ay nasa palibot mo,
at biglang takot ang sumasaklot sa iyo,
11 dumilim ang iyong ilaw, anupa't hindi ka makakita,
at tinatabunan ka ng tubig-baha.
12 “Hindi ba ang Diyos ay nasa itaas ng kalangitan?
Masdan mo ang pinakamataas na mga bituin, sila'y napakaringal!
13 At iyong sinasabi, ‘Ano bang nalalaman ng Diyos?
Makakahatol ba siya sa kadilimang lubos?
14 Makakapal na ulap ang bumabalot sa kanya, kaya't hindi siya nakakakita;
sa balantok ng langit ay lumalakad siya!’
15 Mananatili ka ba sa dating daan,
na ang masasamang tao'y ito ang nilakaran?
16 Sila'y inagaw bago dumating ang kapanahunan nila;
ang kanilang patibayan ay nadala ng baha.
17 Sinabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin;’
at, ‘Anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?’
18 Gayunma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mabubuting bagay—
ngunit ang payo ng masama ay malayo sa akin.
19 Nakikita ito ng matutuwid at sila'y natutuwa;
at tinatawanan sila ng walang sala na may pangungutya,
20 na nagsasabi, ‘Tiyak na malilipol ang ating mga kalaban,
at tinupok ng apoy ang sa kanila'y naiwan.’
21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, at ikaw ay mapapayapa;
at ang mabuti ay darating sa iyo.
22 Iyong tanggapin ang turo mula sa kanyang bibig,
at ilagak mo ang kanyang mga salita sa iyong puso.
23 Kapag ikaw ay manunumbalik sa Makapangyarihan sa lahat, at magpapakumbaba ka,
kung iyong ilalayo ang kasamaan mula sa iyong mga tolda,
24 kapag inilagay mo ang ginto sa alabok,
at ang ginto ng Ofir sa gitna ng mga bato ng mga batis,
25 at kung ang iyong ginto ay ang Makapangyarihan sa lahat,
at siyang iyong mahalagang pilak,
26 kung gayo'y magagalak ka sa Makapangyarihan sa lahat,
at ang iyong mukha sa Diyos ay iyong itataas.
27 Ikaw ay dadalangin sa kanya, at kanyang diringgin ka;
at iyong tutuparin ang iyong mga panata.
28 Ikaw ay magpapasiya ng isang bagay, at iyon ay matatatag para sa iyo;
at ang liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
29 Sapagkat ibinababa ng Diyos ang mapagmataas,[a]
ngunit ang mapagpakumbaba ay kanyang inililigtas.
30 Kanyang ililigtas ang taong walang kasalanan;
maliligtas ka sa pamamagitan ng kalinisan ng iyong mga kamay.”
Footnotes
- Job 22:29 Sa Hebreo ay kapag hinamak ka nila, Palalo .
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
