Job 19
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Naniniwala si Job na Pawawalang-sala Siya ng Diyos
19 Ang sagot ni Job,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan
sa mga salitang inyong binibitawan?
3 Maraming ulit na ninyo akong nilait,
di na kayo nahiya na sa aki'y magmalabis.
4 Kung nakagawa man ako ng kasalanan;
walang ibang mananagot kundi ako lamang.
5 Akala ninyo kayo'y mas mabuti kaysa akin,
pinagbabatayan ninyo'y ang hirap kong pasanin.
6 Dapat ninyong malaman, ang Diyos ang may gawa nito;
ang bitag niyang iniumang ay nasa paligid ko.
7 Tumututol ako sa ganitong karahasan,
ngunit walang nakikinig
sa sigaw kong katarungan.
8 Hinarangan ng Diyos ang aking daraanan;
binalot niya ng dilim ang landas kong lalakaran.
9 Inalis niyang lahat ang aking kayamanan,
sinira pa niya ang aking karangalan.
10 Saanman ako bumaling, ako'y kanyang pinapalo,
parang punong binunot, pag-asa ko'y natutuyo.
11 Matindi ang galit ng Diyos sa akin;
isang kaaway ang sa aki'y kanyang turing.
12 Ang hukbo niya ay tinipon at ako ay kinubkob,
ang aking tahanan ay kanilang sinakop.
13 “Ang mga kapatid ko'y pinalayo niya sa akin;
mga dating kakilala, hindi na ako pinapansin.
14 Pati mga kamag-anak ko'y nag-alisan; naiwan akong walang kaibigan.
15 Dati kong mga panauhi'y di na ako kilala;
para na akong dayuhan sa aking mga alila.
16 Ang utos ko sa kanila'y hindi na rin pinapansin,
makiusap man ako'y ayaw pa rin akong sundin.
17 Pati na ang asawa ko'y nandidiri sa akin;
mga kapatid ko sa laman, ayaw akong makapiling.
18 Ako'y kinukutya ng mga batang paslit; kapag ako'y nakita, pinagtatawanan at nilalait.
19 Mga(A) kaibigan kong matalik sa akin ay nasusuklam,
ang mga minamahal ko, ako'y nilalayuan.
20 Buto't balat na lamang ang natitira sa akin,
ang pag-asa kong mabuhay, maliit na at katiting.
21 Mga kaibigan ko, sa akin sana'y mahabag;
kamay na ng Diyos ang sa aki'y humahampas.
22 Bakit n'yo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Diyos?
Di pa ba kayo masaya sa kahirapan kong lubos?
23 “Ang mga salita ko sana'y maisulat
at maitala sa isang buong aklat!
24 At maiukit sa bato itong mga sinabi ko
upang habang panaho'y mabasa ng mga tao.
25 Ngunit alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas,[a]
na magtatanggol sa akin pagdating ng wakas.
26 Pagkatapos na maubos itong aking buong balat,
makikita ko ang Diyos kahit laman ay maagnas.
27 Siya'y aking mamamasdan, at mukhaang makikita;
siya'y makikilala nitong aking mga mata.
Ang puso ko'y nananabik na masdan ko na siya.
28 “Ako ay patuloy ninyong uusigin,
pagkat iniisip ninyong ang sala nga ay sa akin.
29 Kayo sana ay mag-ingat sa talim nitong tabak,
na siyang maghahatid ng parusa sa kasalanan,
upang inyong malamang may hahatol nga sa wakas.”
Footnotes
- 25 Ngunit…Tagapagligtas: o kaya'y Ngunit alam kong buháy ang aking Tagapagligtas .