Job 19
Ang Biblia, 2001
Naniniwala si Job na Siya'y Pawawalang-sala ng Diyos
19 At sumagot si Job, at sinabi,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan,
at pipira-pirasuhin ako ng mga salita?
3 Makasampung ulit ninyo akong pinulaan,
hindi ba kayo nahihiyang gawan ako ng masama?
4 At kung totoo man na nagkamali ako,
ay nananatili sa aking sarili ang pagkakamali ko.
5 Kung tunay na itinataas ninyo ang inyong sarili laban sa akin,
at gawin ang aking kakutyaan bilang katuwiran laban sa akin,
6 alamin ninyo ngayon na inilagay ako ng Diyos sa pagkakamali,
at isinara ang kanyang lambat sa paligid ko.
7 Narito, ako'y sumisigaw, ‘Karahasan!’ ngunit hindi ako pinapakinggan,
ako'y humihiyaw ngunit walang katarungan.
8 Kanyang pinaderan ang aking daan kaya't hindi ako makaraan,
siya'y naglagay ng kadiliman sa aking mga daan.
9 Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian,
at inalis ang korona sa aking ulo.
10 Kanyang inilugmok ako sa bawat dako, at ako'y pumanaw,
at ang aking pag-asa ay binunot niyang parang punungkahoy.
11 Kanya rin namang pinapagningas ang kanyang poot laban sa akin,
at ibinilang niya ako na kanyang kaaway.
12 Ang kanyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama,
at naglagay ng mga pangkubkob laban sa akin,
at nagkampo sa palibot ng aking tolda.
13 “Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin,
at ang aking mga kakilala ay lubusang napalayo sa akin.
14 Ang aking mga kamag-anak at malapit na mga kaibigan, ay nagsilayo sa akin.
15 Kinalimutan ako ng mga panauhin sa aking bahay,
itinuring akong isang dayuhan ng aking mga lingkod na kababaihan,
sa kanilang paningin ako'y isang taga-ibang bayan.
16 Ako'y tumatawag sa aking lingkod, at hindi ako sinasagot,
dapat ko siyang pakiusapan ng aking bibig.
17 Kakaiba ang aking hininga para sa aking asawa,
at nakakainis sa mga anak ng sarili kong ina.
18 Pati mga bata ay humahamak sa akin;
kapag ako'y tumayo, sila'y nagsasalita laban sa akin.
19 Lahat ng malapit kong mga kaibigan ay napopoot sa akin,
at ang aking minamahal ay bumaling laban sa akin.
20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman,
at ako'y nakatakas nang bahagya lamang.
21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, O kayong mga kaibigan ko;
sapagkat hinampas ako ng kamay ng Diyos!
22 Bakit ninyo ako tinutugis na gaya ng Diyos?
At hindi pa kayo nasisiyahan sa aking laman?
23 “O masulat nawa ngayon ang mga salita ko!
O malimbag nawa sa isang aklat ang mga ito!
24 Sa pamamagitan nawa ng panulat na tingga at bakal,
maukit nawa ang mga ito sa bato magpakailanman!
25 Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay,
at sa wakas siya'y tatayo sa lupa;
26 at pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat,
gayunma'y makikita ko ang Diyos sa aking laman,
27 na aking makikita sa aking tabi,
at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba.
Ang aking puso ay nanghihina sa loob ko!
28 Kung inyong sabihin, ‘Paanong aming tutugisin siya?’
at, ‘Ang ugat ng pangyayari ay nasumpungan sa kanya;’
29 matakot kayo sa tabak,
sapagkat ang poot ang nagdadala ng mga parusa ng tabak,
upang inyong malaman na may paghuhukom.”
Job 19
Ang Dating Biblia (1905)
19 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
2 Hanggang kailan pahihirapan ninyo ang aking kaluluwa, at babagabagin ako ng mga salita?
3 Ng makasangpung ito ay pinulaan ninyo ako: kayo'y hindi nangapapahiya na nangagpapahirap sa akin.
4 At kahima't ako'y magkamali, ang aking kamalian ay maiwan sa aking sarili.
5 Kung tunay na kayo'y magpapakalaki laban sa akin, at ipakikipagtalo laban sa akin ang kakutyaan ko:
6 Talastasin ninyo ngayon na inilugmok ako ng Dios, at inikid ako ng kaniyang silo.
7 Narito, ako'y humihiyaw dahil sa kamalian, nguni't hindi ako dinidinig; ako'y humihiyaw ng tulong, nguni't walang kahatulan.
8 Kaniyang pinadiran ang aking daan upang huwag akong makaraan, at naglagay ng kadiliman sa aking mga landas.
9 Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian, at inalis ang putong sa aking ulo.
10 Kaniyang inilugmok ako sa bawa't dako, at ako'y nananaw: at ang aking pagasa ay binunot niyang parang punong kahoy.
11 Kaniya rin namang pinapagalab ang kaniyang pagiinit laban sa akin, at ibinilang niya ako sa kaniya na gaya ng isa sa kaniyang mga kaaway,
12 Ang kaniyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama, at ipinagpatuloy ang kanilang lakad laban sa akin, at kinubkob ang palibot ng aking tolda.
13 Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin, at ang aking mga kakilala ay pawang nangiba sa akin.
14 Ang aking mga kamaganak ay nangagsilayo, at nilimot ako ng aking mga kasamasamang kaibigan.
15 Silang nagsisitahan sa aking bahay, at ang aking mga lingkod na babae, ay ibinibilang akong manunuluyan; ako'y naging kaiba sa kanilang paningin.
16 Aking tinatawag ang aking lingkod, at hindi ako sinasagot, bagaman sinasamo ko siya ng aking bibig.
17 Ang aking hininga ay iba sa aking asawa, at ang aking pamanhik sa mga anak ng tunay kong ina.
18 Pati ng mga bata ay humahamak sa akin; kung ako'y bumangon, sila'y nangagsasalita ng laban sa akin:
19 Lahat ng aking mahal na kaibigan ay nangayayamot sa akin: at ang aking minamahal ay nagsipihit ng laban sa akin,
20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman, at ako'y nakatanan ng sukat sa balat ng aking mga ngipin.
21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, Oh kayong mga kaibigan ko; sapagka't kinilos ako ng kamay ng Dios,
22 Bakit ninyo ako inuusig na gaya ng Dios. At hindi pa kayo nasisiyahan sa akin laman?
23 Oh mangasulat nawa ngayon ang aking mga salita! Oh mangalagda nawa sa isang aklat!
24 Ng isa nawang panulat na bakal at tingga, na mangaukit nawa sa bato magpakailan man!
25 Nguni't talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya'y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:
26 At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma'y makikita ko ang Dios sa aking laman:
27 Siyang makikita ko ng sarili, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba. Ang aking puso ay natutunaw sa loob ko.
28 Kung inyong sabihin: paanong aming pag-uusigin siya? Dangang ang kadahilanan ay nasusumpungan sa akin;
29 Mangatakot kayo sa tabak: sapagka't ang kapootan ang nagdadala ng mga parusa ng tabak, upang inyong malaman na may kahatulan.
