Job 17
Ang Biblia, 2001
17 Ang aking espiritu ay nanlulumo, ang aking mga araw ay natatapos,
ang libingan ay nakahanda para sa akin.
2 Tunay na may mga manunuya sa aking paligid,
at ang aking mata ay nakatuon sa kanilang panggagalit.
3 “Ibigay mo ngayon ang iyong sarili sa sangla;
sinong mananagot para sa akin?
4 Yamang iyong sinarhan ang kanilang isipan sa pag-unawa,
kaya't hindi mo sila hahayaang magtagumpay.
5 Ang nagsasabi laban sa kanyang mga kaibigan na kunin ang bahagi ng kanilang ari-arian,
ang mga mata nga ng kanyang mga anak ay manlalabo.
6 “Ngunit ginawa rin niya akong katatawanan ng bayan,
at ako yaong sa mukha ay kanilang niluluraan.
7 Ang aking mata naman ay nanlabo dahil sa kalungkutan,
at ang lahat ng mga bahagi ko ay parang isang anino.
8 Mga matuwid na tao ay matitigilan dito,
at ang walang sala ay babangon laban sa masama.
9 Gayunma'y magpapatuloy ang matuwid sa kanyang lakad,
at ang may malinis na mga kamay ay lalakas nang lalakas.
10 Ngunit tungkol sa inyong lahat, pumarito kayo ngayong muli,
at hindi ako makakatagpo ng isang taong pantas sa gitna ninyo.
11 Ang aking mga araw ay lumipas, ang aking mga plano ay nasira,
ang mga naisin ng aking puso.
12 Kanilang ginawang araw ang gabi,
‘Ang liwanag,’ wika nila, ‘ay malapit sa kadiliman.’
13 Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay;
kung aking ilatag ang aking higaan sa kadiliman,
14 kung sabihin ko sa hukay, ‘Ikaw ay aking ama,’
at sa uod, ‘Aking kapatid na babae,’ o ‘Aking ina,’
15 nasaan nga ang aking pag-asa?
Sinong makakakita ng aking pag-asa?
16 Lulusong ba ang mga ito sa mga rehas ng Sheol,
magkasama ba kaming bababa sa alabok?”