Job 16
Magandang Balita Biblia
Idinaing ni Job ang Ginagawa sa Kanya ng Diyos
16 Sumagot naman si Job,
2 “Narinig ko nang lahat ang inyong mga sinabi,
kayong lahat ay mang-aaliw na walang silbi.
3 Wala na bang katapusan, mga salita mong walang laman?
Bakit ka ba nagsasalita ng ganyan?
4 “Kaya ko ring sabihin ang lahat ng sinabi ninyo,
kapag kayo ang dumaranas ng hirap kong ito.
Matatambakan ko rin kayo ng salita at payo,
may kibit na ng balikat, may iling pa ng ulo.
5 Ngunit ang sasabihin ko'y pampalakas ng inyong loob,
mga salitang bibitiwa'y pampabawas ng kirot.
6 “Kung ako ay magsalita, hirap ko'y di maaalis;
kung magsawalang-kibo nama'y naroon pa rin ang sakit.
7 Pinanlupaypay ng Diyos ang abâ kong katauhan
at nilipol pa niya pati aking sambahayan.
8 Nakadikit na sa buto at kulubot ang aking balat,
larawan ng mga hirap na aking dinaranas;
ito raw ay katunayan ng aking kasalanan.
9 Dahil sa matinding poot niya sa akin halos ako'y kanyang pagputul-putulin;
mga mata'y nanlilisik, may poot kung tumingin.
10 Nilalait ako ng mga tao,
pinapaligiran at sinasampal ako.
11 Ipinaubaya na ako ng Diyos sa masasama, pinabayaan sa mga taong walang awa.
12 Sa aking pananahimik,
ako'y kanyang ginambala,
sinakal, dinurog at pinuntirya ng pana.
13 Tinatamaan ako ng pana sa kabi-kabila,
sugat ko'y malubha
ngunit wala pa rin siyang awa.
14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan,
para siyang mandirigmang galit na galit sa kalaban.
15 “Ako'y nakasuot ng damit-panluksa,
nakaupo sa alikabok, katawa'y nanghihina.
16 Sa kaiiyak ko'y pula na ang aking mukha,
mata ko'y wala nang makita pagkat namamaga.
17 Wala naman akong ginagawang masama,
panalangin ko sa Diyos ay tapat at walang daya.
18 “Huwag mong tabunan, O Lupa, ang aking kaapihan,
huwag ipagkait sa akin ang hangad kong katarungan!
19 Ang(A) aking testigo ay nasa langit,
siyang tatayo't magtatanggol ng aking panig.
20 Mga kaibigan ko ang sa aki'y humahamak,
kaya sa Diyos na lamang ako ay iiyak.
21 “May magtanggol sana sa akin sa harap ng Maykapal,
tulad ng pagpanig ng isang tao sa kanyang kaibigan.
22 Pagkat ilang taon na lang itong aking itatagal,
ako'y papunta na sa huli kong hantungan.
Job 16
Ang Biblia, 2001
Idinaing ni Job ang Ginagawa sa Kanya ng Diyos
16 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Ako'y nakarinig ng maraming ganyang bagay;
kahabag-habag na mga mang-aaliw kayong lahat.
3 Magwawakas ba ang mga mahahanging salita?
O anong nag-uudyok sa iyo upang ikaw ay sumagot?
4 Ako ma'y makapagsasalita ring gaya mo,
kung ang iyong kaluluwa ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa,
ako'y makapagdudugtong ng mga salita laban sa iyo,
at maiiiling ang aking ulo sa iyo.
5 Maaari kong palakasin kayo ng aking bibig,
at ang pag-aliw ng aking mga labi ay mag-aalis ng inyong sakit.
6 “Kapag ako'y nagsasalita, ang aking kirot ay hindi nawawala,
at kapag ako'y tumatahimik, gaano dito ang lumalayo sa akin?
7 Ngunit ngayon ako'y pinapanghina niya,
nilansag niya ang aking buong pulutong.
8 At ako'y pinagdalamhati niya,
na siyang saksi laban sa akin,
at ang aking kapayatan ay bumabangon laban sa akin,
ito'y nagpapatotoo sa aking mukha.
9 Niluray niya ako sa kanyang kapootan, at kinamuhian ako;
pinapagngalit niya sa akin ang kanyang mga ngipin;
pinandidilatan ako ng mga mata ng kaaway ko.
10 Kanilang pinagbubukahan ako ng kanilang bibig,
nakakahiyang sinampal nila ako sa mukha,
sila'y nagsama-sama laban sa akin.
11 Ibinigay ako ng Diyos sa di banal,
at inihagis ako sa kamay ng masasama.
12 Ako'y nasa kaginhawahan at kanyang niligalig akong mainam;
sinunggaban niya ako sa leeg, at pinagpira-piraso ako;
inilagay naman niya ako upang kanyang tudlain.
13 Pinalibutan ako ng kanyang mga mamamana,
kanyang sinaksak ang aking mga bato, at hindi nagpatawad;
kanyang ibinuhos ang aking apdo sa lupa.
14 Kanyang binugbog ako nang paulit-ulit;
dinaluhong niya ako na gaya ng isang mandirigma.
15 Tumahi ako para sa aking katawan ng damit-sako,
at ang aking lakas sa alabok ay inilugmok ako.
16 Ang aking mukha ay namumula sa pag-iyak,
at sa aking mga pilik-mata ay pusikit na kadiliman;
17 bagaman walang karahasan sa aking mga kamay,
at ang aking dalangin ay malinis.
18 “O lupa, ang aking dugo ay huwag mong tabunan,
at hayaang huwag makatagpo ang aking daing ng lugar na kapahingahan.
19 Kahit(A) na ngayon, ang aking saksi ay nasa kalangitan,
at siyang nagtatanggol sa akin ay nasa kaitaasan.
20 Tinutuya ako ng aking mga kaibigan;
ang aking mata ay nagbubuhos ng mga luha sa Diyos.
21 Mayroon sanang taong makiusap sa Diyos;
gaya ng tao sa kanyang kapwa.
22 Sapagkat pagsapit ng ilang taon,
ako'y tutungo sa daan na hindi ko na babalikan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
