Job 14-16
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
14 “Ang buhay ng tao ay maikli lamang at puno ng kahirapan. 2 Ang katulad nito ay isang bulaklak, namumukadkad pero agad nalalanta. Katulad din ito ng aninong biglang nawawala. 3 Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan nang ganito ang tao? Gusto nʼyo pa ba siyang[a] hatulan sa inyong hukuman? 4 May tao bang nabubuhay na lubusang matuwid? Wala! Sapagkat ang lahat ay ipinanganak na makasalanan. 5 Sa simula paʼy itinakda nʼyo na kung gaano kahaba ang itatagal ng buhay ng isang tao. At hindi siya lalampas sa itinakda nʼyong oras sa kanya. 6 Kaya hayaan nʼyo na lamang siya para makapagpahinga naman siya katulad ng isang manggagawa pagkatapos magtrabaho.
7 “Kapag pinutol ang isang puno, may pag-asa pa itong mabuhay at tumubong muli. 8 Kahit na matanda na ang ugat nito at patay na ang tuod, 9 tutubo itong muli na parang bagong tanim kapag nadiligan. 10 Pero kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang wakas niya. 11 Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog, 12 gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit.
13 “Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon. 14 Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito. 15 At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon, sasagot ako, at kasasabikan nʼyo ako na inyong nilikha. 16 Sa mga araw na iyon, babantayan nʼyo pa rin ang aking mga ginagawa, pero hindi nʼyo na aalalahanin pa ang aking mga kasalanan. 17 Parang ipinasok nʼyo ito sa bag at tinakpan para hindi nʼyo na makita.
18 “Pero kung papaanong gumuguho ang mga bundok at nahuhulog ang mga bato mula sa kanilang kinalalagyan, 19 at kung paanong nagiging manipis ang bato sa patuloy na pag-agos ng tubig, at gumuguho ang lupa dahil sa malakas na ulan, ganyan nʼyo rin sinisira ang pag-asa ng tao. 20 Nilulupig nʼyo siyang lagi at namamatay siya, at binabago nʼyo ang mukha niya kapag patay na siya. 21 Hindi na niya malalaman kung ang mga anak niyaʼy nagtamo ng karangalan o kahihiyan. 22 Ang tanging madarama na lang niya ay ang sarili niyang paghihirap at kalungkutan.”
Nagsalita si Elifaz
15 Sumagot si Elifaz na taga-Teman, 2 “Job, ang taong marunong ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan. 3 Hindi siya nakikipagtalo sa mga salitang walang saysay. 4 Pero ang mga sinasabi moʼy magtutulak sa tao upang mawalan ng paggalang sa Dios at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya. 5 Ang sinasabi mo ay bunga ng iyong kasamaan. At dinadaya mo ang iba sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi. 6 Hindi na kailangang hatulan pa kita, dahil ang iyong mga sinasabi mismo ang nagpapatunay laban sa iyo. 7 Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang? Ipinanganak ka na ba bago nilikha ang mga bundok? 8 Narinig mo na ba ang mga plano ng Dios? Ikaw lang ba ang marunong? 9 Ano bang alam mo na hindi namin alam? At ano ang naunawaan mo na hindi namin naunawaan? 10 Natuto kami sa matatanda na mas matanda pa kaysa sa iyong ama. 11 Sinabi namin sa iyo ang mga salitang mula sa Dios na makapagbibigay ng lakas at aliw sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon? 12 Bakit nagpapadala ka sa iyong damdamin? Nabubulagan ka na ba sa katotohanan 13 para magalit ka sa Dios at magsalita ng masama laban sa kanya? 14 Kaya ba ng isang tao na mamuhay ng malinis at matuwid sa paningin ng Dios? 15 Ni hindi nga lubusang nagtitiwala ang Dios sa mga anghel niya. Kung ang mga nilalang niyang ito na nasa langit ay hindi lubusang malinis sa kanyang paningin, 16 ang tao pa kaya na ipinanganak na masama at makasalanan, at uhaw sa paggawa ng masama?
17 “Job, pakinggan mo ako. Sasabihin ko sa iyo at ipapaliwanag ang mga naranasan ko. 18 May masasabi rin tungkol dito ang mga marurunong na tao na natuto sa kanilang mga ninuno. 19 Sila lang ang nagmamay-ari ng kanilang lupain, at walang dayuhang sumakop sa kanila.
20 “Ang taong masama ay maghihirap habang buhay. 21 Palagi siyang kinakabahan kahit na walang panganib, dahil iniisip niya na baka salakayin siya ng mga tulisan. 22 Takot din siyang pumunta sa dilim dahil baka may pumatay sa kanya. 23 Kung saan-saan siya naghahanap ng pagkain. Alam niyang malapit nang dumating ang kapahamakan.[b] 24 Kaya labis ang kanyang pagkatakot, katulad ng hari na naghahanda sa pagsalakay sa kanyang mga kaaway. 25 Nangyayari ito sa kanya dahil nagrerebelde at sumusuway siya sa Makapangyarihang Dios. 26 Para siyang nakahawak sa matibay na kalasag at handang kalabanin ang Dios. 27 Kahit mataba at mayaman siya ngayon, 28 titira siya sa mga gibang bayan, sa mga bahay na walang nakatira at malapit nang gumuho. 29 Hindi na dadami ang kanyang kayamanan, at ang mga natitira niyang yaman at ari-arian ay hindi na magtatagal. 30 Hindi siya makakatakas sa kapahamakan.[c] Magiging tulad siya ng puno na ang mga sangaʼy masusunog. Lahat ng ari-arian niya ay mawawala sa isang ihip lamang ng Dios. 31 Huwag sana niyang dayain ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga bagay na walang kabuluhan, dahil wala siyang makukuha sa mga iyon. 32 Maagang darating sa kanya ang kanyang parusa at hindi na siya uunlad pa.[d] 33 At magiging tulad siya ng ubas na nalalagas ang mga hilaw na bunga o katulad ng olibo na nalalagas ang mga bulaklak. 34 Sapagkat mamamatay ng walang lahi ang mga taong walang takot sa Dios. At ang mga bahay na itinayo nila mula sa mga suhol ay masusunog. 35 Ang lagi nilang iniisip ay ang manggulo, gumawa ng masama, at mandaya.”
Sumagot si Job
16 Sumagot si Job, 2 “Napakinggan ko na iyan noon pa. Sa halip na aliwin ninyo ako, lalo nʼyo pang pinabigat ang paghihirap ko. 3 Hindi na ba kayo titigil sa pagsasalita ng walang kabuluhan? Ano bang gumugulo sa isipan nʼyo at wala kayong tigil sa pakikipagtalo sa akin? 4 Kung kayo ang nasa kalagayan ko, masasabi ko rin ang katulad ng mga sinasabi ninyo sa akin. Pagsasabihan ko kayo at kukutyain pa. 5 Pero hindi ko gagawin iyon. Sa halip, magsasalita ako ng mga salitang makapagpapalakas at makapagpapaaliw sa inyo. 6 Ngunit sa ngayon, patuloy pa rin ang paghihirap ko kahit ano pa ang sabihin ko. At kung tumahimik man ako, hindi rin ito mawawala.
7 “O Dios, pinanghina nʼyo ako at winasak ang buong sambahayan ko. 8 Pinapayat nʼyo ako; butoʼt balat na lang ako, at ayon sa iba ito ang katunayan na akoʼy nagkasala. 9 Sa galit nʼyo, O Dios, sinalakay nʼyo ako. Para kayong mabangis na hayop na lumuray ng aking laman. Nagngangalit ang inyong ngipin at tinititigan nʼyo ako na parang akoʼy inyong kaaway.
10 “Kinukutya ako at pinagtatawanan ng mga tao. Sinasampal para hiyain. Nagkaisa sila laban sa akin. 11 Ipinaubaya ako ng Dios sa kamay ng taong masasama at makasalanan. 12 Maganda ang kalagayan ko noon, pero sinira niya ako. Hinawakan niya ako sa leeg, inilugmok, at ginawa niya akong puntiryahan. 13 Pinalibutan ako ng mga tagapana niya at walang awang pinagpapana. Tinamaan ang aking bato, at ang apdo koʼy bumulwak sa lupa. 14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan. Sinasalakay niya akong parang mandirigma. 15 Nagdamit ako ng sako at naupo sa lupa para magluksa. 16 Namumula na ang mukha ko at namumugto na ang mga mata sa kakaiyak. 17 Wala akong nagawang kasalanan at tapat ang aking panalangin.
18 “Ang katulad koʼy isang taong pinatay na nakikiusap sa lupa na huwag tatabunan ang kanyang dugo hanggaʼt hindi niya nakakamtan ang katarungan. 19 Kahit ngayon ang saksi[e] koʼy nasa langit. Siya ang magpapatunay na wala akong kasalanan. 20 Hinahamak ako ng mga kaibigan ko; pero umiiyak ako sa Dios at humihingi ng tulong sa kanya. 21 Ang saksi ko ang siyang magmamakaawa sa Dios para sa akin, katulad ng taong nakikiusap para sa kanyang kaibigan. 22 Sapagkat malapit na akong pumanaw at hindi na babalik pa.
Footnotes
- 14:3 siyang: Itoʼy nasa teksto ng Septuagint, Vulgate at Syriac. Sa Hebreo, akong.
- 15:23 malapit nang dumating ang kapahamakan: sa literal, malapit na ang araw ng kadiliman.
- 15:30 kapahamakan: sa literal, kadiliman.
- 15:32 hindi na siya uunlad pa: sa literal, ang kanyang mga sanga ay hindi na tutubuan ng mga dahon.
- 16:19 saksi: Maaaring isa sa makalangit na nilalang.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®