Job 14
Magandang Balita Biblia
Maikli ang Buhay ng Tao
14 “Ang(A) buhay ng tao'y maikli lamang,
subalit punung-puno ng kahirapan.
2 Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas,
parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam.
3 Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang?
Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman?
4 Mayroon bang malinis na magmumula,
sa taong marumi at masama?
5 Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw,
at bilang na rin ang kanyang mga buwan,
nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan.
6 Lubayan mo na siya at pabayaan,
nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan.
7 “Kahoy na pinutol ay may pag-asa,
muli itong tutubo at magsasanga.
8 Kahit pa ang ugat nito ay matanda na,
at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya,
9 ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan,
pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta?
11 “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos,
at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos.
12 Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon
hanggang ang langit ay maparam.
13 Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay,
hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan,
at muli mong maalala ang aking kalagayan.
14 Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay?
Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin.
15 Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot,
sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod.
16 Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan,
di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan.
17 Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin,
lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin.
18 “Darating ang araw na guguho ang kabundukan,
malilipat ng lugar mga batong naglalakihan.
19 Sa buhos ng tubig, ang bato ay naaagnas,
ang lupang matigas sa baha ay natitibag,
gayon ang pag-asa ng tao, kapag iyong winasak.
20 Nilulupig mo ang tao at tuluyang naglalaho,
sa sandali ng kamatayan nagbabago ang kanyang anyo.
21 Anak man niya'y parangalan, hindi na niya malalaman,
hindi na rin mababatid kung bigyan silang kahihiyan.
22 Ang kanya lamang nadarama ay sakit ng sariling katawan,
ang tanging iniisip ay ang sariling kalungkutan.”
Job 14
Ang Biblia (1978)
Ipinakilala ni Job ang kahinaan ng tao. Siya'y nanalangin upang makubli siyang sumandali hanggang makaraan ang poot ng Panginoon.
14 Taong (A)ipinanganak ng babae ay sa kaunting araw, at lipos ng kabagabagan.
2 Siya'y umuusli na gaya (B)ng bulaklak, at (C)nalalagas:
Siya rin nama'y tumatakas na (D)gaya ng anino, at hindi namamalagi.
3 At iyo bang idinidilat ang iyong mga mata sa isang gaya nito, At ipinagsasama mo (E)ako upang hatulan mo?
4 (F)Sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? wala.
5 Yayamang ang kaniyang mga kaarawan ay nangapasiyahan,
Ang bilang ng kaniyang mga buwan ay talastas mo,
At iyong hinanggahan ang kaniyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan;
6 (G)Ilayo mo sa kaniya ang iyong paningin, upang siya'y makapagpahinga,
Hanggang sa maganap niya, na (H)gaya ng isang magpapaupa, ang kaniyang araw.
7 Sapagka't may pagasa sa isang punong kahoy, na kung ito'y putulin, ay sisibol uli,
At ang sariwang sanga niyaon ay hindi maglilikat.
8 Bagaman ang kaniyang ugat ay tumanda sa lupa,
At ang puno niyao'y mamatay sa lupa;
9 Gayon ma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol,
At magsasanga na gaya ng pananim.
10 Nguni't ang tao ay namamatay at natutunaw;
Oo, ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan nandoon siya?
11 Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat,
At ang ilog ay humuhupa at natutuyo;
12 Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon:
(I)Hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon,
Ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.
13 Oh (J)ikubli mo nawa ako sa Sheol.
Na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa ang iyong poot ay makaraan,
Na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at iyong alalahanin ako!
14 (K)Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?
Lahat ng araw ng aking pakikipagbaka ay maghihintay ako,
Hanggang sa dumating ang pagbabago.
15 (L)Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo:
Ikaw ay magtataglay ng nasa sa (M)gawa ng iyong mga kamay.
16 (N)Nguni't ngayo'y binibilang mo ang aking mga hakbang:
Hindi mo ba pinapansin ang aking kasalanan?
17 Ang aking pagsalangsang ay natatatakan sa isang supot,
At iyong inilalapat ang aking kasamaan.
18 At tunay na ang bundok na natitibag, ay nawawala,
At ang bato ay napababago mula sa kinaroroonan niyaon;
19 Inuukit ng tubig ang mga bato;
Tinatangay ng mga baha niyaon ang alabok ng lupa:
Sa gayon iyong sinisira ang pagasa ng tao.
20 Ikaw ay nananaig kailan man laban sa kaniya at siya'y pumapanaw;
Iyong pinapagbabago ang kaniyang mukha, at iyong pinayayaon siya.
21 Ang kaniyang mga anak ay nagtataglay ng karangalan, (O)at hindi niya nalalaman;
At sila'y ibinababa, nguni't hindi niya nahahalata sila.
22 Nguni't ang kaniyang laman sa kaniya ay masakit,
At ang kaniyang kaluluwa sa loob niya ay namamanglaw.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978