Job 14
Ang Biblia, 2001
Maikli ang Buhay ng Tao
14 “Ang tao, na ipinanganak ng babae
ay may kaunting araw, at punô ng kaguluhan.
2 Siya'y umuusbong na gaya ng bulaklak, at nalalanta;
siya'y nawawalang gaya ng anino, at hindi namamalagi.
3 At iyo bang iminumulat ang iyong mga mata sa isang gaya nito,
at dinadala siya sa kahatulan na kasama mo?
4 Sinong makakakuha ng malinis na bagay mula sa marumi?
Walang sinuman.
5 Yamang ang kanyang mga araw ay itinakda na,
at ang bilang ng kanyang mga buwan ay nasa iyo,
at iyong itinalaga ang kanyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan;
6 ilayo mo sa kanya ang iyong paningin, at ikaw ay huminto,
upang siya'y masiyahan sa kanyang araw tulad ng isang taong upahan.
7 “Sapagkat may pag-asa sa isang punungkahoy,
na kung ito'y putulin ay muling sisibol,
at ang sariwang sanga niyon ay hindi hihinto.
8 Bagaman ang kanyang ugat ay tumanda sa lupa,
at ang tuod niyon ay mamatay sa lupa;
9 gayunma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol iyon,
at magsasanga na gaya ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao ay namamatay at ibinabaon;
ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan siya naroon?
11 Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat,
at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;
12 gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon;
hanggang sa ang langit ay mawala, siya'y hindi na muling magigising,
ni mapupukaw man sa kanilang pagkakatulog.
13 O sa Sheol ay ikubli mo ako nawa,
itago mo ako hanggang sa ang iyong poot ay mawala,
takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at ako'y iyong alalahanin!
14 Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?
Lahat ng araw ng aking pagpupunyagi ay ipaghihintay ko,
hanggang sa dumating ang pagbabago ko.
15 Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo;
iyong nanasain ang gawa ng mga kamay mo.
16 Kung magkagayo'y bibilangin mo ang aking mga hakbang,
at hindi mo babantayan ang aking kasalanan.
17 Ang aking pagsalangsang ay itatago sa isang lalagyan,
at iyong tatakpan ang aking kasamaan.
18 “Ngunit ang bundok ay natitibag at nawawala,
at ang bato ay inalis sa kinaroroonan niyon;
19 inaagnas ng tubig ang mga bato;
tinatangay ng mga baha niyon ang alabok ng lupa;
sa gayon mo winasak ang pag-asa ng tao.
20 Ikaw ay nananaig kailanman laban sa kanya, at siya'y pumapanaw;
iyong binabago ang kanyang mukha, at iyong pinalayas siya.
21 Ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng karangalan, at hindi niya nalalaman;
sila'y ibinababa, ngunit hindi niya iyon nahahalata.
22 Ngunit ang sakit lamang ng kanyang katawan ay nagbibigay ng sakit sa kanya,
at nagluluksa lamang siya para sa kanyang sarili!”
Job 14
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
14 “Ang buhay ng tao ay maikli lamang at puno ng kahirapan. 2 Ang katulad nito ay isang bulaklak, namumukadkad pero agad nalalanta. Katulad din ito ng aninong biglang nawawala. 3 Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan nang ganito ang tao? Gusto nʼyo pa ba siyang[a] hatulan sa inyong hukuman? 4 May tao bang nabubuhay na lubusang matuwid? Wala! Sapagkat ang lahat ay ipinanganak na makasalanan. 5 Sa simula paʼy itinakda nʼyo na kung gaano kahaba ang itatagal ng buhay ng isang tao. At hindi siya lalampas sa itinakda nʼyong oras sa kanya. 6 Kaya hayaan nʼyo na lamang siya para makapagpahinga naman siya katulad ng isang manggagawa pagkatapos magtrabaho.
7 “Kapag pinutol ang isang puno, may pag-asa pa itong mabuhay at tumubong muli. 8 Kahit na matanda na ang ugat nito at patay na ang tuod, 9 tutubo itong muli na parang bagong tanim kapag nadiligan. 10 Pero kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang wakas niya. 11 Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog, 12 gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit.
13 “Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon. 14 Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito. 15 At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon, sasagot ako, at kasasabikan nʼyo ako na inyong nilikha. 16 Sa mga araw na iyon, babantayan nʼyo pa rin ang aking mga ginagawa, pero hindi nʼyo na aalalahanin pa ang aking mga kasalanan. 17 Parang ipinasok nʼyo ito sa bag at tinakpan para hindi nʼyo na makita.
18 “Pero kung papaanong gumuguho ang mga bundok at nahuhulog ang mga bato mula sa kanilang kinalalagyan, 19 at kung paanong nagiging manipis ang bato sa patuloy na pag-agos ng tubig, at gumuguho ang lupa dahil sa malakas na ulan, ganyan nʼyo rin sinisira ang pag-asa ng tao. 20 Nilulupig nʼyo siyang lagi at namamatay siya, at binabago nʼyo ang mukha niya kapag patay na siya. 21 Hindi na niya malalaman kung ang mga anak niyaʼy nagtamo ng karangalan o kahihiyan. 22 Ang tanging madarama na lang niya ay ang sarili niyang paghihirap at kalungkutan.”
Footnotes
- 14:3 siyang: Itoʼy nasa teksto ng Septuagint, Vulgate at Syriac. Sa Hebreo, akong.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
