Add parallel Print Page Options

Inilahad ni Job ang Kapangyarihan at ang Kaalaman ng Diyos

12 Ang sagot ni Job:

“Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan;
    kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw.
Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din,
    di mo masasabing higit ka kaysa akin,
    lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin.
Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan,
    kahit ako ay matuwid at walang kasalanan,
    minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan.
Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya,
    hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina.
Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay,
    kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay.

“Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan.
    Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.
Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang.
10 Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay,
    ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay.
11 Nalalasahan ng dila ang mga pagkain,
    naririnig ng tainga ang salitang dumarating.

12 “Ang matatanda ay may taglay na karunungan,
    pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan.
13 Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan,
    taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
14 Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba,
    sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya.
15 Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan,
    dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan.

16 “Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay,
    ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay.
17 Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong,
    ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala, at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala.
19     Maging mga pari'y kanyang hinihiya, mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababâ.
20 Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik,
    talino ng matatanda'y kanya ring inaalis.
21 Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan,
    mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan.
22 Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag,
    maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag.
23 Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak,
    ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak.
24 Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan,
    sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan.
25     Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw, animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray.

Pinatunayan ni Job ang kapangyarihan ng Dios.

12 Nang magkagayo'y sumagot si Job; at nagsabi,

Walang pagaalinlangan na kayo ang bayan,
At ang karunungan ay mamamatay na kasama ninyo.
Nguni't ako'y may pagkaunawang gaya ninyo:
Hindi ako huli sa inyo:
Oo, sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
(A)Ako'y gaya ng tinatawanan ng kaniyang kapuwa,
Ako na tumawag sa Dios, at sinagot niya:
Ang ganap, ang taong sakdal ay tinatawanan.
Sa pagiisip niyaong nasa katiwasayan ay may pagkakutya sa ikasasawi;
Nahahanda sa mga iyan yaong nangadudulas ang paa.
Ang mga tolda ng mga tulisan ay (B)gumiginhawa,
At silang nangagmumungkahi sa Dios ay tiwasay;
Na ang kamay ay pinadadalhan ng Dios ng sagana.
Nguni't tanungin mo ngayon ang mga hayop, at tuturuan ka nila:
At ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasaysayin sa iyo:
O magsalita ka sa lupa, at magtuturo sa iyo;
At ang mga isda sa dagat ay magsasaysay sa iyo.
Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito,
Na (C)ang kamay ng Panginoon ang siyang gumawa nito?
10 (D)Nasa kamay niya ang kaluluwa ng bawa't bagay na may buhay,
At ang hininga ng lahat ng mga tao.
11 (E)Hindi ba lumilitis ng mga salita ang pakinig;
Gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain niya?
12 Nasa mga matanda ang karunungan,
At sa kagulangan ang unawa.
13 Nasa Dios ang karunungan at kakayahan;
Kaniya ang payo at pagkaunawa.
14 Narito, siya'y nagbabagsak at hindi maitayo uli;
(F)Siya'y kumulong ng tao at hindi mapagbubuksan.
15 Narito, (G)kaniyang pinipigil ang tubig at nangatutuyo;
Muli, kaniyang (H)binibitawan sila at ginugulo nila ang lupa.
16 Nasa kaniya ang kalakasan at ang karunungan,
Ang nadadaya at ang magdaraya ay kaniya.
17 Kaniyang (I)pinalalakad ang mga kasangguni na hubad sa bait,
At ginagawa niyang mga mangmang ang mga hukom.
18 Kaniyang kinakalag ang panali ng mga hari,
At binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Kaniyang pinalalakad na (J)hubad sa bait ang mga saserdote.
20 Kaniyang pinapagbabago ang pananalita ng napagtitiwalaan.
At (K)inaalis ang pagkaunawa ng mga matanda.
21 (L)Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pangulo,
At kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Siya'y naglilitaw ng mga malalim
na bagay mula sa kadiliman,
At inilalabas sa liwanag ang lihim ng kamatayan.
23 (M)Kaniyang pinararami ang mga bansa at mga nililipol niya:
Kaniyang pinalaki ang mga bansa, at mga dinala sa pagkabihag.
24 Kaniyang inaalis ang pangunawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
At (N)kaniyang pinagagala sila sa ilang na doo'y walang lansangan.
25 Sila'y nagsisikapa sa dilim na walang liwanag,
At kaniyang (O)pinagigiraygiray sila na gaya ng lango.