Add parallel Print Page Options

10 Ang aking kaluluwa ay nalulunos sa aking buhay; aking palalayain ang aking daing; ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.

Sasabihin ko sa Dios: Huwag mo akong hatulan; ipakilala mo sa akin kung bakit nakikipagtalo ka sa akin.

Mabuti ba sa iyo na ikaw ay mamighati, na iyong itakuwil ang gawa ng iyong mga kaaway, at iyong pasilangin ang payo ng masama?

Ikaw ba'y may mga matang laman, o nakakakita ka bang gaya ng pagkakita ng tao?

Ang iyo bang mga kaarawan ay gaya ng mga kaarawan ng tao, o ang iyong mga taon ay gaya ng mga kaarawan ng tao,

Upang ikaw ay magsiyasat ng aking kasamaan, at magusisa ng aking kasalanan,

Bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi masama; at walang makapagliligtas sa iyong kamay?

Ang iyong mga kamay ang siyang lumalang at nagbigay anyo sa akin sa buong palibot; gayon ma'y pinahihirapan mo ako.

Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, na ako'y iyong binigyang anyo na gaya ng putik; at iuuwi mo ba ako uli sa pagkaalabok?

10 Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas, at binuo mo akong parang keso?

11 Ako'y binihisan mo ng balat at laman, at sinugpong mo ako ng mga buto at mga litid.

12 Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at kagandahang-loob, at pinamalagi ang aking diwa ng iyong pagdalaw.

13 Gayon ma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso; talastas ko na ito'y sa iyo:

14 Kung ako'y magkasala, iyo nga akong tinatandaan, at hindi mo ako patatawarin sa aking kasamaan.

15 Kung ako'y maging masama, sa aba ko; at kung ako'y maging matuwid, hindi ko man itataas ang aking ulo; yamang puspos ng kakutyaan, at ng pagmamasid niring kadalamhatian.

16 At kung ang aking ulo ay mataas, iyong hinuhuli akong parang leon: at napakikita ka uling kagilagilalas sa akin.

17 Iyong binabago ang iyong mga pagsaksi laban sa akin, at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin; paninibago at pakikipagbaka ang sumasaakin.

18 Bakit mo nga ako inilabas mula sa bahay-bata? Napatid sana ang aking hininga, at wala nang matang nakakita pa sa akin.

19 Ako sana'y naging parang hindi nabuhay; nadala sana ako mula sa bahay-bata hanggang sa libingan,

20 Hindi ba kaunti ang aking mga araw? paglikatin mo nga, at ako'y iyong bayaan, upang ako'y maginhawahan ng kaunti,

21 Bago ako manaw doon na hindi ako babalik, sa lupain ng kadiliman at ng lilim ng kamatayan;

22 Ang lupain na dilim, na gaya ng salimuot na kadiliman; lupain ng lilim ng kamatayan, na walang anomang ayos, at doon sa ang liwanag ay gaya ng salimuot na kadiliman.

10 “Kinasusuklaman ko ang buhay ko, kaya dadaing ako hanggaʼt gusto ko. Sasabihin ko ang aking sama ng loob. Ito ang sasabihin ko sa Dios: ‘Huwag nʼyo akong hatulan na masama ako. Sabihin nʼyo sa akin kung ano ang kasalanan ko sa inyo. Natutuwa ba kayo na pinahihirapan nʼyo ako? Bakit nʼyo itinatakwil ang inyong nilikha, at sinasang-ayunan naman ang binabalak ng masama? Ang paningin nʼyo baʼy tulad ng paningin ng tao? Ang buhay nʼyo baʼy kasing-ikli ng buhay ng tao? Bakit pilit nʼyo akong hinahanapan ng kasalanan? Alam nʼyong wala akong kasalanan, pero sino ang makapagtatanggol sa akin mula sa inyong kamay?

“ ‘Kayo ang gumawa at humubog sa akin, at ngayon kayo rin ang sisira sa akin. Alalahanin ninyong akoʼy hinubog nʼyo mula sa lupa[a] at ngayon baʼy ibabalik nʼyo na ako sa lupa? 10 Hindi baʼt kayo ang humubog sa akin mula sa sinapupunan ng aking ina na parang keso na hinubog mula sa gatas? 11 Binuo nʼyo ang aking mga buto at litid, at saka binalutan ng laman at balat. 12 Pagkatapos, binigyan nʼyo ako ng buhay, pinakitaan ng kabutihan at iningatan. 13 Pero nalaman ko na ang tunay ninyong plano sa akin 14 ay ang bantayan ako kung magkakasala ako at kapag nangyari iyon, hindi nʼyo ako patatawarin. 15 Nagkasala man ako o hindi, pareho lang naman na nakakaawa ako, dahil sa labis na kahihiyan at paghihirap na dinaranas ko. 16 Pinagsisikapan kong bumangon, pero para kayong leon na nakaabang sa akin. Ginagamit nʼyo ang inyong kapangyarihan laban sa akin. 17 Patuloy nʼyo akong isinasakdal at lalo kayong nagagalit sa akin. Walang tigil nʼyo akong nilulusob.

18 “ ‘Bakit niloob nʼyo pa na isilang ako? Sanaʼy namatay na lang ako at wala nang nakakita sa akin. 19 Hindi na lang sana ako nilikha. Namatay na lang sana ako bago isinilang at itinuloy sa libingan. 20 Maikling panahon na lang ang natitira sa akin, kaya hayaan nʼyo na lang ako para kahit saglit man lang ay sumaya naman ako, 21 bago ako pumunta sa lugar na malungkot at madilim, at hindi na ako makakabalik pa rito. 22 Napakadilim sa lugar na iyon; palaging gabi at walang liwanag, at naghahari doon ang kaguluhan.’ ”

Footnotes

  1. 10:9 hinubog … lupa: o, hinubog mo mula sa putik.

Siya ay Tumututol sa Kalabisang Parusa ng Panginoon

10 “Kinasusuklaman ko ang aking buhay;
    malaya kong bibigkasin ang aking karaingan;
    ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.
Sasabihin ko sa Diyos, Huwag mo akong hatulan;
    ipaalam mo sa akin kung bakit mo ako kinakalaban.
Mabuti ba sa iyo na ikaw ay magpahirap,
    na iyong hamakin ang gawa ng iyong mga kamay
    at iyong sang-ayunan ang mga pakana ng masama?
Ikaw ba'y may mga matang laman?
    Ikaw ba'y nakakakita tulad ng pagkakita ng tao?
Ang iyo bang mga araw ay gaya ng mga araw ng tao,
    o ang iyong mga taon ay gaya ng mga taon ng tao,
upang ikaw ay maghanap ng kasamaan ko,
    at mag-usisa ng kasalanan ko,
bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi nagkasala,
    at walang makapagliligtas mula sa iyong kamay?
Ang iyong mga kamay ang humugis at gumawa sa akin,
    at ngayo'y pumipihit ka at pinupuksa ako.
Iyong alalahanin, na ako'y ginawa mo mula sa luwad,
    at ibabalik mo ba akong muli sa alabok?
10 Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas,
    at binuo mo akong parang keso?
11 Ako'y dinamitan mo ng balat at laman,
    at ako'y hinabi mo ng mga buto at mga litid.
12 Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at tapat na pag-ibig,
    at ang iyong kalinga ang nag-ingat ng aking espiritu.
13 Gayunma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso;
    alam ko na ito ang layunin mo.
14 Kung ako'y magkasala, ako nga'y iyong tinatandaan,
    at hindi mo ako pinawawalang-sala sa aking kasamaan.
15 Kung ako'y masama, kahabag-habag ako!
    Kung ako'y matuwid, hindi ko maitaas ang aking ulo;
sapagkat ako'y puspos ng kahihiyan,
    at tingnan mo ang aking kahirapan.
16 At kung itaas ko ang aking sarili, tinutugis mo akong parang leon;
    at ipinapakita mong muli ang iyong kapangyarihan sa akin.
17 Pinanunumbalik mo ang iyong mga pagsaksi laban sa akin,
    at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin;
    nagdadala ka ng mga bagong hukbo laban sa akin.

18 “Bakit mo pa ako inilabas sa sinapupunan?
    Namatay na sana ako bago pa ako nakita ng alinmang mata.
19 Ako sana'y naging parang hindi nabuhay;
    nadala sana ako mula sa sinapupunan hanggang sa libingan.
20 Hindi ba iilan ang mga araw ng aking buhay? Tapusin mo na nga!
    Bayaan mo na ako, upang ako'y makatagpo ng kaunting kaginhawahan,
21 bago ako magtungo na mula roo'y hindi ako makakabalik,
    sa lupain ng kapanglawan at ng pusikit na kadiliman,
22 sa lupain ng kapanglawan gaya ng kadiliman ng malalim na anino na walang kaayusan,
    na doon ay nagliliwanag na gaya ng kadiliman.”