Add parallel Print Page Options

Ang Matuwid at Mayamang si Job

May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Ang lalaking iyon ay walang kapintasan, matuwid, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.

May isinilang sa kanya na pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.

Siya ay mayroong pitong libong tupa, tatlong libong kamelyo, limang daang magkatuwang na baka, limang daang babaing asno, at napakaraming mga lingkod; kaya't ang lalaking ito ay siyang pinakadakila sa lahat ng mga taga-silangan.

Ang kanyang mga anak na lalaki ay laging nagtutungo at nagdaraos ng pagdiriwang sa bahay ng bawat isa sa kanyang araw; at sila'y nagsusugo at inaanyayahan ang kanilang tatlong kapatid na babae upang kumain at uminom na kasalo nila.

Pagkatapos ng mga araw ng kanilang pagdiriwang, sila ay ipinasugo ni Job at pinapagbanal. Siya'y maagang bumabangon sa umaga at naghahandog ng mga handog na sinusunog ayon sa bilang nilang lahat, sapagkat sinabi ni Job, “Maaaring ang aking mga anak ay nagkasala, at sinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ganito ang palaging ginagawa ni Job.

Isang(A) araw, ang mga anak ng Diyos ay dumating upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at si Satanas[a] ay dumating din namang kasama nila.

Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas sa Panginoon, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”

At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.”

Pagkatapos(B) ay sumagot si Satanas sa Panginoon, “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang kapalit?

10 Hindi ba't binakuran mo siya at ang kanyang sambahayan, at ang lahat ng nasa kanya sa bawat dako? Pinagpala mo ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang mga pag-aari ay dumami sa lupain.

11 Ngunit pagbuhatan mo siya ngayon ng iyong kamay, galawin mo ang lahat ng pag-aari niya, at susumpain ka niya nang mukhaan.”

12 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Ang lahat ng pag-aari niya ay nasa iyong kapangyarihan, subalit huwag mo lamang siyang pagbubuhatan ng iyong kamay.” Sa gayo'y umalis si Satanas sa harapan ng Panginoon.

Ang mga Kasawiang-palad ni Job at ang Kanyang Pagtitiis

13 Isang araw, nang ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay,

14 dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, “Nag-aararo ang mga baka, at ang mga asno ay kumakain sa tabi nila,

15 sinalakay at tinangay sila ng mga Sabeo, at kanilang pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”

16 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang apoy ng Diyos ay bumagsak mula sa langit, at sinunog ang mga tupa at ang mga lingkod, at inubos sila. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”

17 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang mga Caldeo ay nagtatlong pangkat, sinalakay ang mga kamelyo, tinangay ang mga iyon, at pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod; at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”

18 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.

19 Biglang dumating ang isang malakas na hangin mula sa ilang, hinampas ang apat na sulok ng bahay, lumagpak ito sa mga kabataan, at sila'y namatay. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”

20 Pagkatapos ay tumindig si Job, pinunit ang kanyang balabal, inahitan ang kanyang ulo, nagpatirapa sa lupa at sumamba.

21 Sinabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, at hubad akong babalik doon. Ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi; purihin ang pangalan ng Panginoon.”

22 Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni pinaratangan man ng kasamaan ang Diyos.

Footnotes

  1. Job 1:6 Sa Hebreo ay ang kaaway o ang tagausig .

May isang lalake sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan.

At may ipinanganak sa kaniya na pitong anak na lalake at tatlong anak na babae.

Ang kaniyang pag-aari naman ay pitong libong tupa, at tatlong libong kamelyo, at limang daang magkatuwang na baka, at limang daang asnong babae, at isang totoong malaking sangbahayan; na anopa't ang lalaking ito ay siyang pinaka dakila sa lahat na mga anak ng silanganan.

At ang kaniyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawa't isa sa kanikaniyang kaarawan; at sila'y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila.

At nangyari, nang makaraan ang mga kaarawan ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka't sinabi ni Job, Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakuwil ang Dios sa kanilang mga puso. Ganito ang ginawa ni Job na palagi.

Isang araw nga nang ang mga anak ng Dios ay magsiparoon na magsiharap sa Panginoon, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila.

At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.

At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka't walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan.

Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Dios?

10 Hindi mo ba kinulong siya, at ang kaniyang sangbahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawa't dako? iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pag-aari ay dumami sa lupain.

11 Nguni't pagbuhatan mo siya ng iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakuwil ka niya ng mukhaan,

12 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nangasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay. Sa gayo'y lumabas si Satanas na mula sa harapan ng Panginoon.

13 At nangyari isang araw, nang ang kaniyang mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.

14 Na dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, Ang mga baka ay nagsisipagararo, at ang mga asno ay nagsisisabsab sa siping nila:

15 At dinaluhong ng mga Sabeo, at pinagdadala; oo, kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

16 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang apoy ng Dios ay nalaglag mula sa langit, at sinunog ang mga tupa, at ang mga bataan, at pinagsupok; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

17 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang mga Caldeo ay nagtatlong pulutong, at dumaluhong sa mga kamelyo, at pinagdadala, oo, at pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

18 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang iyong mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay:

19 At, narito, dumating ang malakas na hangin na mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at lumagpak sa mga binata, at sila'y nangamatay; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.

20 Nang magkagayo'y bumangon si Job, at hinapak ang kaniyang balabal, at inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba;

21 At sinabi niya, Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.

22 Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios.

'Job 1 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Matuwid na Pamumuhay ni Job

May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Matuwid siya, walang kapintasan ang pamumuhay, may takot sa Dios at umiiwas sa kasamaan. Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Ang mga pag-aari naman niya ay 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 pares ng baka at 500 ang kanyang asnong babae. Marami ang kanyang alipin. Siya ang pinakamayaman sa buong silangan ng Israel.

Nakaugalian na ng mga anak niyang lalaki na halinhinang maghanda sa kani-kanilang mga bahay at inaanyayahan nilang dumalo ang tatlo nilang kapatid na babae. Tuwing matatapos ang handaan, naghahandog si Job para sa kanyang mga anak. Maaga siyang gumigising at nag-aalay ng handog na sinusunog[a] para sa bawat anak niya, dahil naisip niyang baka nagkasala ang mga ito at sinadyang magsalita ng masama laban sa Dios. Ito ang palaging ginagawa ni Job.

Ang Unang Pagsubok kay Job

Isang araw, nagtipon ang mga anghel[b] sa presensya ng Panginoon, at sumali sa kanila si Satanas. Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa akin at umiiwas sa kasamaan.” Sumagot si Satanas, “May takot si Job sa iyo dahil pinagpapala mo siya. 10 Iniingatan mo siya at ang sambahayan niya, pati na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain. 11 Pero subukan mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa ka niya.” 12 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Sige, kunin mo ang lahat ng mayroon siya, pero huwag mo siyang sasaktan.” Kaya umalis agad si Satanas sa harapan ng Panginoon.

13 Isang araw, habang nagkakasayahan sa handaan ang mga anak ni Job sa bahay ng panganay, 14 dumating sa bahay ni Job ang isa niyang tauhan at ibinalita ang ganito, “Habang nag-aararo po kami gamit ang inyong mga baka, at pinapastol ang inyong mga asno sa di-kalayuan, 15 bigla kaming sinalakay ng mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga hayop at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”

16 Habang nagsasalita pa ang tauhan, dumating din ang isa pang tauhan ni Job at sinabi, “Tinamaan po ng apoy ng Dios ang inyong mga tupa at ang mga pastol nito, at nasunog. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”

17 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha po nila ang mga kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”

18 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Habang nagkakasayahan po ang inyong mga anak sa bahay ng kanilang nakatatandang kapatid, 19 bigla pong dumating ang malakas na hangin mula sa ilang at nawasak po ang bahay. Nabagsakan po ang inyong mga anak at namatay. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”

20 Nang marinig iyon ni Job, tumayo siya at pinunit ang kanyang damit dahil sa pagdadalamhati. Pagkatapos, inahitan niya ang kanyang buhok sa ulo at nagpatirapa sa lupa para sumamba sa Panginoon. 21 Sinabi niya, “Ipinanganak akong walang dala at mamamatay din akong walang dala. Ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng mayroon ako at ang Panginoon din ang kumuha nito. Purihin ang pangalan ng Panginoon!” 22 Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi nagkasala si Job. Hindi niya sinisi ang Dios.

Footnotes

  1. 1:5 handog na sinusunog: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  2. 1:6 anghel: sa literal, mga anak ng Dios.