Jeremias 6
Ang Biblia (1978)
Ang nagbabalang pagkulong sa Jerusalem.
6 Kayo'y magsitakas para maligtas, kayong mga anak ni Benjamin, mula sa gitna ng Jerusalem, (A)at kayo'y magsihihip ng pakakak sa Tecoa, at mangagtaas ng tanda sa (B)Beth-hacherem; sapagka't ang kasamaan ay natatanaw sa (C)hilagaan, at isang malaking paglipol.
2 Ang maganda at maayos na babae, ang anak na babae ng Sion, ihihiwalay ko.
3 Mga pastor na kasama ng kanilang mga kawan ay magsisiparoon sa kaniya; kanilang itatayo ang kanilang mga tolda laban sa kaniya sa palibot; sila'y mangagpapasabsab bawa't isa sa kanikaniyang dako.
4 Mangaghanda kayo ng digma laban sa kaniya; (D)kayo'y magsibangon, at (E)tayo'y magsisampa sa katanghaliang tapat. Sa aba natin! sapagka't ang araw ay kumikiling, sapagka't ang mga dilim ng gabi ay nangangalat.
5 Magsibangon, at tayo'y magsisampa sa gabi, at ating gibain ang kaniyang mga palacio.
6 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y magsiputol ng mga punong kahoy, at mangagtayo kayo ng bunton laban sa Jerusalem: ito ang bayang dadalawin; siya'y lubos na kapighatian sa gitna niya.
7 Kung paanong ang isang bukal ay nilalabasan ng kaniyang tubig, (F)gayon siya nilalabasan ng kaniyang kasamaan: (G)pangdadahas at pagkagiba ay naririnig sa kaniya; sa harap ko ay palaging hirap at mga sugat.
8 Maturuan ka, Oh Jerusalem, (H)baka ang aking kaluluwa ay mahiwalay sa iyo; baka ikaw ay gawin kong sira, lupaing hindi tinatahanan.
Ang paglagpak ng Jerusalem ay dadating dahil sa kaniyang kasamaan.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, (I)Kanilang lubos na sisimutin ang (J)nalabi sa Israel na parang puno ng ubas: idukot mo uli ang iyong kamay sa mga buslo na gaya ng mamimitas ng ubas.
10 Kanino ako magsasalita at magpapatotoo, upang kanilang marinig? narito, ang kanilang (K)pakinig ay paking, (L)at hindi mangakarinig: narito, ang salita ng Panginoon ay naging kadustaan sa kanila; sila'y walang kaluguran sa kaniya.
11 Kaya't ako'y puspus ng kapusukan ng Panginoon; ako'y pagod na ng pagpipigil ko: ibuhos sa mga bata sa lansangan, at sa kapulungan ng mga binata na magkakasama: sapagka't gayon din ang lalake sangpu ng asawa ay mahuhuli, ang matanda sangpu niya na puspus ng mga kaarawan.
12 At ang (M)kanilang mga bahay ay malilipat sa mga iba, (N)ang kanilang mga parang at ang kanilang mga asawa na magkakasama: sapagka't iuunat ko ang aking kamay sa mga mananahan sa lupain, sabi ng Panginoon.
13 Sapagka't (O)mula sa kaliitliitan nila hanggang sa kalakilakihan nila, bawa't isa ay ibinigay sa kasakiman; at (P)mula sa propeta hanggang sa saserdote bawa't isa'y gumagawang may kasinungalingan.
14 (Q)Kanilang pinagaling din naman ng kaunti ang sugat ng aking bayan, na sinasabi, Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan.
15 Nangahiya baga sila nang sila'y gumawa ng kasuklamsuklam? hindi, hindi sila nangahiya sa anoman, o sila man ay nangamula: kaya't sila'y mangabubuwal sa gitna niyaong nangabubuwal; sa panahon na aking dadalawin sila ay nangabubulagta sila, sabi ng Panginoon.
16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsitayo kayo sa mga daan at magsitingin kayo, at ipagtanong ninyo (R)ang mga dating landas, kung saan nandoon ang mabuting daan; at magsilakad kayo roon, at (S)kayo'y mangakakasumpong ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa: nguni't kanilang sinabi, Hindi kami magsisilakad doon.
17 At ako'y naglagay ng mga bantay (T)sa inyo, na aking sinasabi, Inyong pakinggan ang tunog ng pakakak, nguni't kanilang sinabi, Hindi kami makikinig.
18 Kaya't inyong pakinggan, ninyong mga bansa, at inyong talastasin, Oh kapulungan, kung ano ang nasa gitna nila.
19 (U)Iyong pakinggan, Oh lupa: (V)narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa bayang ito, (W)na bunga ng kanilang mga pagiisip, sapagka't sila'y hindi nangakinig sa aking mga salita; at tungkol sa aking kautusan ay kanilang itinakuwil.
20 (X)Sa anong panukala nangagdadala kayo sa akin (Y)ng kamangyan na mula sa Seba, at ng mabangong kalamo na mula sa malayong lupain? (Z)ang inyong mga handog na susunugin ay hindi nakalulugod, ni ang inyo mang mga hain ay nakalulugod sa akin.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, (AA)Narito, ako'y maglalagay ng katitisuran sa harap ng bayang ito: at ang mga magulang at ang mga anak ay magkakasamang mangatitisod doon; ang kalapit bahay at ang kaniyang kaibigan ay mamamatay.
22 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, (AB)ang isang bayan ay nagmumula (AC)sa hilagaang lupain; at isang dakilang bansa (AD)ay pupukawin mula sa mga kaduluduluhang bahagi ng lupa.
23 Sila'y nagsisihawak ng busog at ng sibat; sila'y mabagsik at walang habag; ang kanilang tinig ay humuhugong na parang dagat, at sila'y nagsisisakay sa mga kabayo, bawa't isa ay humahanay, na parang isang lalake sa pakikipagbaka, laban sa iyo Oh anak na babae ng Sion.
24 Aming narinig ang balita niyaon; ang aming mga kamay ay nanganghihina: kahirapan ay (AE)humawak sa amin, at hirap na gaya ng sa isang babae sa pagdaramdam.
25 Huwag kang lumabas sa parang, o lumakad man sa daan; sapagka't may tabak ng kaaway, at kakilabutan sa bawa't dako.
26 Oh anak na babae ng aking bayan, magbigkis ka (AF)ng kayong magaspang, at gumumon ka sa abo: manangis ka, gaya ng sa bugtong na anak, ng kalagimlagim na panaghoy; sapagka't ang manglilipol ay biglang darating sa akin.
27 Iginawa kita (AG)ng isang moog at ng kuta sa gitna ng aking bayan: upang iyong maalaman at (AH)masubok ang kanilang lakad.
28 Silang lahat ay lubhang mapanghimagsik na (AI)nanganinirang puri; (AJ)sila'y tanso at bakal: silang lahat ay nagsisigawang may kabulukan.
29 Ang panghihip ay humihihip na malakas; ang tingga ay natutunaw sa apoy: sa walang kabuluhan nagdadalisay sila; sapagka't ang (AK)masasama ay hindi nangaalis.
30 Tatawagin silang pilak na itinakuwil, (AL)sapagka't itinakuwil sila ng Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978