Jeremias 52
Magandang Balita Biblia
Ang Kasaysayan ng Pagbagsak ng Jerusalem(A)
52 Si Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari sa Juda, at labing-isang taóng naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina'y si Hamutal, anak ni Jeremias ng Libna. 2 Tulad ng masamang ginawa ni Jehoiakim, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 3 Nagalit si Yahweh sa Jerusalem at sa Juda kaya sila'y itinakwil niya. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
4 Noong(B) ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay sa Jerusalem ang buong hukbo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Kinubkob nila iyon, at nagtayo sila ng mga toreng bantayan sa palibot. 5 Ang pagkubkob ay tumagal hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekias. 6 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taóng iyon, 7 nagkaroon(C) ng matinding taggutom sa lunsod. Walang makain ang mga mamamayan. Nang makita ito ni Haring Zedekias, gumawa sila ng butas sa pader ng lunsod at tumakas nang gabing iyon kasama ang mga sundalo. Dumaan sila sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng hari. Nakatakas sila patungong Araba, kahit napapaligiran ng mga hukbo ng Babilonia ang buong lunsod. 8 Ngunit hinabol ng hukbo ng Babilonia ang hari, at inabutan si Zedekias sa kapatagan ng Jerico; nagkawatak-watak ang kanyang mga kasama at iniwan siya. 9 Binihag ang hari at dinala sa hari ng Babilonia na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Doon siya hinatulan. 10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan niya. Pinatay rin sa Ribla ang lahat ng pinuno ng Juda. 11 Pagkatapos,(D) dinukit ng hari ang mga mata ni Zedekias, ginapos, dinala sa Babilonia, at ibinilanggo hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Giniba ang Templo(E)
12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, si Nebuzaradan, kapitan ng mga bantay ng hari, ay nagpunta sa Jerusalem. 13 Sinunog(F) niya ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay doon, pati ang mga tahanan ng mga kilalang tao. 14 Ang pader sa palibot ng Jerusalem ay iginuho ng mga sundalo ng Babilonia sa pangunguna ng kapitan ng mga bantay. 15 Binihag ni Nebuzaradan ang mga taong nalabi sa lunsod, ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia at ang mga nalabi sa mga manggagawa. 16 Subalit iniwan niya ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa mga ubasan at bukirin.
17 Sinira(G) nilang lahat ang mga haliging tanso sa Templo ni Yahweh, pati ang tuntungan at ang malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na dagat-dagatang tanso, at dinala nila sa Babilonia ang mga tinunaw na tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga palayok, pala, gunting, mangkok, kutsara at lahat ng sisidlang tanso na gamit sa paglilingkod sa Templo. 19 Kinuha rin ng kapitan ng mga bantay ang mga kopa, apuyan, mangkok, palayok, kandelero, kutsara at tasang yari sa ginto at pilak. 20 Hindi na makayang timbangin ang tanso ng dalawang haligi, ng dagat-dagatang nasa ilalim ng tuntungan, at ng labindalawang hugis-bakang tuntungan. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon para sa bahay ni Yahweh. 21 Ang isa sa mga haligi'y walong metro ang taas at lima't kalahating metro ang bilog. Walang laman ang loob nito ngunit apat na daliri ang kapal ng tanso niyon. 22 Ito'y may kapitel na tanso rin, dalawa't kalahating metro ang taas. May palamuti itong parang lambat at mga prutas na granada sa palibot. Ang lahat ng ito'y yari sa tanso. Ang isa pang haligi, na may mga palamuti ring granada ay kahawig ng unang haligi. 23 May siyamnapu't anim na lahat ang palamuting granada na nakikita, ngunit isandaang lahat ang nagawa na makikita sa buong palibot.
Binihag ang mga Taga-Juda at Dinala sa Babilonia(H)
24 Kinuha ng kapitan ng mga bantay ang punong paring si Seraias, at si Zepanaias, ang pangalawang pari, pati ang tatlong pinuno sa Templo. 25 Kumuha rin siya sa lunsod ng isang pinuno na mamamahala sa mga mandirigma, pitong lalaki sa konseho ng hari na naroon pa sa lunsod, isang kalihim ng kapitan at siyang nagsasanay sa mga tao para sa pakikidigma, at may animnapung lalaking naroroon pa rin. 26 Sila'y dinala ni Nebuzaradan sa harapan ng hari ng Babilonia sa Ribla, na nasa lupain ng Hamat, 27 sila'y ipinahampas ng hari ng Babilonia saka ipinapatay. Gayon naging bihag at inalis sa sariling lupain ang taga-Juda.
28-30 Ito ang bilang ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ni Nebucadnezar:
Noong ika-7 taon ng kanyang paghahari 3,023
Noong ika-18 taon ng kanyang paghahari 832 mula sa Jerusalem
Noong ika-23 taon ng kanyang paghahari 745 na dinalang-bihag ni Nebuzaradan
Lahat-lahat ay 4,600 katao.
31 Noong ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkakabihag ni Haring Jehoiakin ng Juda, pumalit na hari sa Babilonia si Evil-merodac. Naging mabuti ito kay Haring Jehoiakin ng Juda at pinalabas siya sa bilangguan; 32 pinakitaan ng kagandahang-loob, at binigyan pa ng katungkulang mas mataas kaysa mga haring kasama niya sa Babilonia. 33 Kaya't hinubad na ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilanggo, at namuhay sa kalinga ng hari sa natirang mga taon ng kanyang buhay. 34 Araw-araw, ang kanyang pangangailangan ay ibinibigay ng hari ng Babilonia, habang siya'y nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.