Jeremias 5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Kasalanan ng Jerusalem
5 Mga taga-Jerusalem, magmasid-masid kayo.
Ang mga lansangan ay inyong libutin at ang buong paligid ay halughugin.
Maghanap kayo sa mga pamilihan.
May makikita ba kayong isang taong matuwid at tapat kay Yahweh?
Kung mayroon kayong matatagpuan, patawad ni Yahweh sa Jerusalem igagawad.
2 Nanunumpa nga kayo sa pangalan ni Yahweh,
ngunit hindi taos sa inyong puso ang inyong sinasabi.
3 Ang hanap ni Yahweh ay katotohanan.
Pinarusahan niya kayo, ngunit hindi ninyo pinansin ang sakit;
pinahirapan niya kayo ngunit hindi pa rin kayo nagbago.
Ayaw ninyong talikuran ang inyong mga kasalanan; dahil sa katigasan ng inyong ulo.
4 At aking naisip, “Ang mga taong ito'y mga mahihirap at walang alam;
hindi nila alam ang hinihiling ni Yahweh,
ang utos ng kanilang Diyos.
5 Pupuntahan ko ang mga maykapangyarihan,
at sila ay aking papakiusapan.
Natitiyak kong alam nila ang kalooban ni Yahweh;
batid nila ang ipinag-uutos ng Diyos.
Ngunit pati silang lahat ay naging suwail
at tumangging sumunod sa kanyang mga utos.”
6 Dahil dito, sila'y papatayin ng mga leon mula sa gubat.
Sisilain sila ng mga asong-gubat mula sa ilang.
Maglilibot sa kanilang mga lunsod ang mga leopardo upang lurayin ang sinumang makita.
Sapagkat napakarami na ng kanilang pagkakasala
at maraming ulit na nilang tinalikuran ang Diyos.
7 Ang tanong nga ni Yahweh: “Bakit ko kayo patatawarin?
Nagtaksil sa akin ang iyong mga anak
at sumamba sa mga diyus-diyosan.
Pinakain ko kayo hanggang sa mabusog,
ngunit nangalunya pa rin kayo,
at ginugol ang panahon sa babaing bayaran.
8 Tulad nila'y mga lalaking kabayo,
nagpupumiglas dahil sa matinding pagnanasa sa asawa ng iba.
9 Hindi ba marapat na sila ay parusahan ko?
At pagbayarin ang bansang tulad nito?
10 Sasabihan ko ang kanilang mga kaaway na sirain ang kanilang ubasan,
subalit huwag naman nilang wawasakin ito nang lubusan.
Sasabihin kong putulin ang mga sanga,
sapagkat ang mga ito'y hindi naman para sa akin.
11 Kayong mga mamamayan ng Israel at ng Juda,
pareho kayong nagtaksil sa akin.
Akong si Yahweh ang nagsasalita.”
Itinakwil ni Yahweh ang Israel
12 Si Yahweh ay itinakwil ng kanyang bayan. “Wala naman siyang gagawing anuman!” ang sabi nila. “Hindi tayo daranas ng kahirapan; walang darating na digmaan o taggutom man. 13-14 Ang mga propeta'y walang kabuluhan; hindi talagang galing kay Yahweh ang ipinapahayag nila.”
Ganito naman ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: “Dahil nilapastangan ako ng mga taong iyan, ang aking salitang lalabas sa iyong bibig ay magiging parang apoy. Sila'y parang tuyong kahoy na tutupukin nito.”
15 Mga taga-Israel, magpapadala si Yahweh ng isang bansang buhat sa malayo upang salakayin kayo. Ito'y isang malakas at matandang bansa na ang wika'y hindi ninyo alam o nauunawaan man. Ito'y ipinahayag na ni Yahweh. 16 Mababangis ang mga kawal ng kaaway; kamatayan ang dulot ng kanilang mga pana. 17 Uubusin nila ang inyong mga ani at mga pagkain. Papatayin nila ang inyong mga anak. Kakatayin nila ang inyong mga kawan at baka, at wawasakin ang inyong mga tanim na igos at ubasan. Dudurugin ng kanilang hukbo ang matitibay na lunsod na pinagkakanlungan ninyo.
18 “Gayunman, akong si Yahweh ang nagsasabing hindi ko lubusang pupuksain ang aking bayan sa panahong iyon. 19 Kung sila'y magtanong sa iyo, Jeremias, kung bakit ko ginawa ang lahat ng ito, sabihin mo: ‘Kung papaanong tinalikuran ninyo si Yahweh at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos samantalang nasa sariling lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga dayuhan sa isang lupaing hindi inyo.’”
Nagbabala ang Diyos sa Kanyang Bayan
20 Sabihin mo sa mga anak ni Jacob; gayundin sa mga taga-Juda: 21 “Makinig(A) kayo, mga hangal; may mga mata kayo ngunit hindi naman makakita, may mga tainga ngunit hindi naman makarinig. 22 Ako(B) si Yahweh; hindi ba kayo natatakot sa akin o nanginginig sa presensya ko? Ako ang naglagay ng buhangin upang maging hangganan ng karagatan, isang palagiang hangganan na hindi kayang bagtasin. Kahit magngalit ang dagat at tumaas ang mga alon, hindi sila makakalampas dito. 23 Ngunit kayo'y mapaghimagsik at matitigas ang ulo; tinalikuran ninyo ako at nilayuan. 24 Hindi man lamang ninyo inisip na parangalan si Yahweh na inyong Diyos, gayong siya ang nagbibigay ng ulan sa takdang panahon, at nagpapasapit sa panahon ng pag-aani taun-taon. 25 At sa halip, nagiging hadlang ang inyong mga kasalanan upang makamit ang mabubuting bagay na ito.
26 “Tumira sa aking bayan ang manggagawa ng kasamaan; mga nanghuhuli ng ibon ang katulad nila. Ang pagkakaiba lamang, mga tao ang binibitag nila. 27 Kung paanong pinupuno ng isang nanghuhuli ng ibon ang kanyang hawla, gayon nila pinupuno ng mga ninakaw ang kanilang mga bahay. Kaya naging mayaman sila at naging makapangyarihan. 28 Lagi silang busog at matataba. Sukdulan na ang kanilang kasamaan. Inaapi nila ang mga ulila at hindi makatarungan ang paglilitis na kanilang ginagawa. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
29 “Dahil dito'y paparusahan ko sila; maghihiganti ako sa kanilang bansa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 30 Nakakapangilabot at nakakatakot ang nangyari sa buong lupain. 31 Pawang kasinungalingan ang pahayag ng mga propeta; ang kanilang utos ang sinusunod ng mga pari, at hindi naman tumututol ang aking bayan. Subalit ano ang gagawin ninyo kapag nagwakas na ang lahat?”