Jeremias 48
Magandang Balita Biblia
Ang Pagwasak sa Moab
48 Tungkol(A) sa Moab, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel:
“Kahabag-habag ang Nebo, sapagkat ito'y ganap na mawawasak.
Nalupig ang Kiryataim, nawasak ang kanyang pader,
at nalagay sa kahihiyan ang mga mamamayan.
2 Wala na ang katanyagan ng Moab;
ang Hesbon ay nasakop na ng kaaway.
Sinabi pa nila,
‘Halikayo, wasakin natin ang Moab hanggang hindi na ito matawag na isang bansa!’
At kayong nakatira sa Dibon, kayo'y patatahimikin;
hahabulin ng tabak ang inyong mamamayan.
3 Dinggin ninyo ang pagtangis sa Horonaim;
dahil sa karahasan at pagkawasak.
4 “Wasak na ang Moab.
Iyakan ng mga bata ang siyang maririnig.
5 Sa pag-akyat sa Luhit,
mapait na tumatangis ang mga mamamayan;
pagbaba sa Horonaim,
naririnig ang paghiyaw ng ‘Kapahamakan!’
6 Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong buhay,
gaya ng mailap na asno sa disyerto.
7 “Mga taga-Moab, dahil nagtiwala kayo sa inyong lakas at kayamanan,
kayo'y malulupig din;
at dadalhing-bihag ang diyus-diyosan ninyong si Quemos,
pati ang kanyang mga pari at mga lingkod.
8 Papasukin ng tagawasak ang bawat lunsod;
at walang makakatakas.
Mawawasak ang kapatagan at ang libis ay guguho.
9 Lagyan ninyo ng puntod ang Moab,
sapagkat tiyak ang kanyang pagbagsak;
mawawasak ang kanyang mga lunsod,
at wala nang maninirahan doon.”
10 Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!
Sumpain siya na ayaw gumamit ng kanyang tabak sa pagpatay.
Nawasak ang mga Lunsod ng Moab
11 “Namuhay na panatag ang Moab mula sa kanyang kabataan,” sabi ni Yahweh. “Siya'y gaya ng alak na hindi nagagalaw ang latak. Hindi siya isinasalin sa ibang sisidlan; hindi pa siya nadadalang-bihag. Kaya hindi pa nagbabago ang kanyang lasa, at ang kanyang amoy ay hindi pa nawawala.
12 “Kaya, tiyak na darating ang panahon na magsusugo ako ng mga lalaking magtutumba sa mga sisidlan; itatapon nila ang laman nito, at saka babasagin hanggang sa madurog. 13 At ikakahiya ng mga taga-Moab si Quemos, na kanilang diyus-diyosan, katulad ng Bethel, ang diyus-diyosang ikinahiya ng Israel matapos niyang pagtiwalaan.
14 “Kayong mga lalaki sa Moab, paano ninyo masasabing kayo'y mga bayani,
at mga matatapang na mandirigma?
15 Dumating na ang wawasak sa Moab at sa kanyang mga lunsod,
at ang magigiting niyang kabataan ay masasawi.”
Ito ang pahayag ng Hari na ang pangalan ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
16 “Nalalapit na ang pagbagsak ng Moab,
mabilis na dumarating ang kanyang pagkawasak.
17 Magdalamhati kayo dahil sa kanya, mga karatig-bayan,
at kayong lahat na nakakakilala sa kanya;
sabihin ninyo, ‘Nabali ang matibay na setro,
ang setro ng karangalan at kapangyarihan.’
18 Kayong mga taga-Dibon, bumabâ kayo mula sa inyong kataasan
at maupo kayo sa tigang na lupa,
sapagkat dumating na ang wawasak sa Moab
at iniwang wasak ang inyong mga tanggulan.
19 Kayong naninirahan sa Aroer,
tumayo kayo sa tabing-daan at magmasid,
tanungin ninyo ang mga lalaking tumatakbo, ang babaing tumatakas,
‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay napahiya at nanlupaypay;
humiyaw kayo at tumangis,
ipahayag ninyo hanggang sa Ilog Arnon na winasak na ang Moab!
21 “At ang hatol ay dumating na sa mga lunsod sa mataas na kapatagan: sa Holon, sa Jaza, sa Mefaat, 22 sa Dibon, sa Nebo, sa Beth-diblataim, 23 sa Kiryataim, sa Bethgamul, sa Bethmeon, 24 sa Keriot, sa Bozra at sa lahat ng lunsod ng Moab, malayo man o malapit. 25 Bagsak na ang kapangyarihan ng Moab at siya'y mahina na ngayon, sabi ni Yahweh.”
Mapapahiya ang Moab
26 “Lasingin ninyo ang Moab,” sabi ni Yahweh, “sapagkat naghimagsik siya laban sa akin. Bayaan ninyong siya'y gumulong sa sariling suka, at maging tampulan ng katatawanan. 27 Hindi ba't pinagtawanan mo ang Israel? Itinuring mo sila na parang nahuling kasama ng mga magnanakaw at napapailing ka tuwing siya'y babanggitin mo.
28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at doon kayo manirahan sa kabatuhan, kayong taga-Moab! Tumulad kayo sa kalapating nagpupugad sa gilid ng bangin. 29 Nabalitaan na namin ang kapalaluan ng Moab. Napakayabang niya: mapangmata, palalo, hambog at mapagmataas. 30 Akong si Yahweh ay hindi mapaglilihiman ng kanyang kataasan; pawang kabulaanan ang kanyang sinasabi at ginagawa. 31 Kaya nga, tatangisan ko ang Moab; iiyakan ko ang lahat ng taga-Moab; magdadalamhati ako para sa mga taga-Kir-heres. 32 Tinangisan kita, O baging ng Sibma, nang higit sa pagtangis ko para sa Jazer. Ang mga sanga mo'y lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer; dumaluhong ang maninira sa iyong mga bungangkahoy at ubasan nang panahon ng tag-araw. 33 Napawi na ang kagalakan at kasayahan sa mabungang lupain ng Moab. Pinahinto ko na ang pag-agos ng alak sa pisaan ng alak; wala nang pumipisa rito na may sigawan at katuwaan; ang sigawan ngayon ay hindi na dahil sa kagalakan.
34 “Sumisigaw ang Hesbon at Eleale at ito'y umaabot hanggang sa Jahaz; abot ang kanilang tinig mula sa Zoar hanggang Horonaim at Eglat-selisiya. Sapagkat matutuyo rin pati ang mga tubig sa Nimrim. 35 Papatigilin ko ang pag-aalay sa mga altar sa kaburulan, at ang pagsusunog ng handog sa kanilang mga diyos. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
36 “Kaya tumatangis ang aking puso dahil sa Moab, gaya ng tunog ng plauta; tumatangis din akong parang plauta dahil sa mga taga-Kir-heres. Wala na ang kayamanang pinagsumikapan nilang ipunin! 37 Inahit ng mga lalaki ang kanilang buhok; gayon din ang kanilang balbas; hiniwaan ang kanilang mga kamay, at nagdamit sila ng damit-panluksa, tanda ng pagdadalamhati. 38 Ang pagtangis ay maririnig mula sa mga bubungan ng bahay sa Moab, at sa malalapad na liwasan niya; sapagkat winasak ko ang Moab, tulad sa isang tapayang wala nang may gusto. 39 Wasak na wasak ang Moab. Sa laki ng kanyang kahihiyan, siya ay naging tampulan ng paghamak at panghihinayang ng lahat ng bansa.”
Hindi Makakatakas ang Moab
40 Ganito ang sabi ni Yahweh: “Darating ang isang bansang simbilis ng agila at lulukuban ng kanyang pakpak ang lupain ng Moab. 41 Sasakupin ang mga bayan, babagsak ang lahat ng pader; at sa araw na iyon, manghihina ang mga kawal ng Moab, gaya ng panghihina ng isang babaing malapit nang manganak. 42 Gayon mawawasak ang Moab, at hindi na siya kikilalaning isang bansa; sapagkat naghimagsik siya laban kay Yahweh. 43 Nakaamba na sa Moab ang kapahamakan, ang hukay, at ang bitag. 44 Pagtakbo ng isang tao palayo sa kapahamakan, mahuhulog siya sa hukay; kung siya'y umahon mula rito'y mahuhuli naman siya sa bitag. Lahat ng ito'y mangyayari sa Moab pagdating ng taon ng kanilang pagsusulit. Ito ang sinasabi ni Yahweh. 45 Magtatago sa Hesbon ang mga pagod na pagod na pugante; ito ang lunsod na dating pinamahalaan ni Haring Sihon. Subalit lumaganap ang apoy mula sa palasyo; nilamon ang bayan ng Moab at ang kabundukang pinagkukublihan ng mga taong mahilig sa pakikidigma. 46 Kahabag-habag ka, Moab! Wala na ang diyus-diyosan mong si Quemos, at dinalang-bihag ang iyong mga anak.
47 “Gayunman, pagdating ng araw, ibabalik ko sa dati ang kayamanan ng Moab. Ito ang hatol sa kanya,” ang sabi ni Yahweh.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.