Jeremias 47
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pahayag ni Yahweh tungkol sa mga Filisteo
47 Ito(A) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza:
2 “Tumataas ang tubig sa hilaga,
at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain;
magpapasaklolo ang mga tao,
maghihiyawan sa matinding takot.
3 Maririnig ang ingay ng yabag ng mga kabayo,
ang paghagibis ng mga karwahe!
Hindi na maaalala ng mga magulang ang kanilang mga anak;
manghihina ang kanilang mga kamay,
4 sapagkat dumating na ang araw ng pagkawasak ng mga Filisteo.
Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak;
sapagkat lilipulin ni Yahweh ang mga Filisteo,
ang nalabi sa baybayin ng Caftor.
5 Parang kinalbo ang Gaza;
pinatahimik ang Ashkelon.
Hanggang kailan magluluksa ang mga Filisteo?
6 Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh?
Lumigpit ka na sa kaluban, at doon manahimik!
7 Paano naman itong mapapahinga?
Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh
laban sa Ashkelon at sa kapatagang malapit sa dagat;
doon nakatakda ang gawain nito.”