Jeremias 47
Ang Dating Biblia (1905)
47 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga Filisteo, bago sinaktan ni Faraon ang Gaza.
2 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, tubig ay umaahon mula sa hilagaan, at magiging baha, at aapawan ang lupain at ang lahat na nangaroon, ang bayan at ang nagsisitahan doon; at ang mga tao ay magsisihiyaw, at lahat ng mananahan sa lupain ay magsisitangis.
3 Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kaniyang mga malakas, sa hagibis ng kaniyang mga karo, sa hugong ng kaniyang mga gulong, hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil sa kahinaan ng mga kamay;
4 Dahil sa araw na dumarating upang lipulin ang lahat ng Filisteo, upang ihiwalay sa Tiro at Sidon, ang bawa't manunulongan na nalabi: sapagka't lilipulin ng Panginoon ang mga Filisteo, ang nalabi sa pulo ng Caphtor.
5 Kakalbuhan ay dumating sa Gaza; Ascalon ay napahamak, at ang nalabi sa kanilang libis: hanggang kailan magkukudlit ka?
6 Oh ikaw na tabak ng Panginoon, hanggang kailan di ka tatahimik? pumasok ka sa iyong kalooban; ikaw ay magpahinga, at tumahimik.
7 Paanong ikaw ay matatahimik dangang binigyan ka ng Panginoon ng bilin? laban sa Ascalon, at laban sa baybayin ng dagat ay doon niya itinakda.